Hindi Kinikilala ng Kapwa Apostol si Pedro Bilang Papa

peter-icon

 

                                                                      

Naniniwala ang mga Protestante na hindi kailanman naging Papa ng Simbahang Katoliko si Pedro. Kung si Pedro ang kauna-unahang Papa ng Roma wala daw karapatan ang sinuman na nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa ang maaaring pumuna sa kanya. Ngunit hindi gayon ang ipinakitang pag-uugali o pagkilala ni Pablo sa kanya. May pagkakataon pa nga na hayagang ipinamukha sa kanya ni Pablo sa Antioquia ang hindi niya pagsasabuhay ng tunay na diwa ng Mabuting Balita (Gal 2:11-14). Kung si Pedro ay tunay na itinalaga bilang Papa ng Roma dapat daw sana ay siya ang nagsusugo at hindi ang isinusugo. Sa aklat ng Mga Gawa si Pedro ay isinugo ng ibang mga apostol sa isang misyon.

 

GAWA 8:14 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan.

 

Mayroong dalawang antas ng pag-unawa na dapat gamitin upang maliwanagan kung bakit si  Pedro ay itinuturing sa Iglesya Katolika na kauna-unahang Papa sa kabila ng mga texto na tila ba nagpapalabo sa katotohanang ito: Una, ang pagkakakilala kay  Pedro noong siya ay nabubuhay pa, at; Ikalawa, ang naging kahulugan ng mga pananalita tungkol kay Pedro matapos na siya ay sumakabilang buhay na.

 

Hindi dapat unawain ng literal ang paniniwala na nagsasabing ginagamit na noon pa mang unang siglo ang taguri na Papa patungkol sa Obispo ng Roma.146 Hindi tayo magiging makatarungan sa kasaysayan. Magiging sala sa panahon (anachronistic) ang ganitong uri ng pag-unawa. Nararapat kung gayon na sagutin ang katanungan batay sa pag-unlad ng direksyon ng interpretasyon na hindi lumalayo o lumilihis sa diwang nais ipahiwatig ng ebanghelyo at panukala ni Cristo. Ito ay ang paggamit ng pamamaraan ng pag-unawa ng mga iskolar na tinatawag na petrine trajectory.

 

Sa simula ay gagamitin natin ang unang antas ng pag-unawa: ang pagkakakilala kay Pedro noong siya ay nabubuhay pa.  Sa Bagong Tipan maraming texto ang naglalagay sa kanya sa pangunahing kalagayan. Halimbawa ang ilan sa mga sumusunod: Si  Pedro ang unang nagpahayag na si Jesus ang Cristo (Mt 16:16) at siya ring unang saksi at tagapagpahayag ng pagkabuhay na muli ng Panginoon147 (1 Cor 15:5). Sa tala ng apat na ebanghelista siya lamang sa 12 alagad ang binigyan ng bagong pangalan (Jn 1:42). Sa listahan ng mga pangalan ng mga alagad ay palaging unang binabanggit ang pangalan ni  Pedro at huli ang kay Judas. Higit na binibigyang diin ang katotohanan ng pagbibigay ng pangunahing puwesto kay Pedro sa ebanghelyo ni  Mateo. Ginagamit muna ang salitang “una” bago ang pagbangit sa kanyang pangalan (Mt 10:2-4; Mc 3:16-19; Lc 6:13-16). Ginampanan niya ang resposibilidad na mapanatili ang simbolikal na bilang na 12 ng tumalikod si Judas sa biyaya ng Diyos (Gw 1:15,21). Siya ang pangunahing tagapagsalita nang ipangaral ang mabuting balita noong Pentecostes (Gw 2:14). Siya rin sa 12 apostol ang pinaka-unang gumawa ng himala (Gw 3:1-10).

 

Sa pamamagitan ng kanyang natatanging katayuan sa pamayanan ng mga mananampalataya siya ang una na binigyan ng karapatan na tanggapin sa iglesya at bautismuhan ang mga pagano (Gw 10-11). Hindi ang dakilang apostol sa mga Gentil na si  Pablo ang nagpasimula ng misyon sa mga pagano kundi ang apostol na si  Pedro (Gw 10:44;15:7;Gal 2:7-8). Nang siya ay ipakulong ni Herodes, “taimtim siyang ipinanalangin ng iglesya (Gw 12:5). Ang panalangin na ito ay ginawa dahil sa natatanging kahalagahan ni  Pedro sa iglesya. Ang mga apostol na naghangad na malagay sa natatanging katayuan sa kaharian ay hindi tumutol sa tinanggap na pagkilalang ipinagkaloob  ng Diyos kay  Pedro (Mt 20:20-28; Mc 10:35-45; Lc 22:24-27).

 

Ngunit paano natin ipaliliwanag ang harapang pagpuna na ginawa ni Pablo sa kanya. Lalo pa at ang ginawa niya ay tila hindi nababatay sa makabagong etika ng pagbibigay puna sa isang pinuno ng Iglesya. Ang ginawang pagpuna ni Pablo ay hindi tumutukoy sa pag-aangkin ni  Pedro ng kapangyarihan na hindi kanya. Hindi ang taglay na kapangyarihan at katayuan ni Pedro sa iglesya ang kanyang pinuna kundi ang sa paniwala niya ay nararapat na maging pag-uugali ukol sa pagsunod sa kautusan. Kaya kung itinuwid man ng apostol sa mga Gentil ang pamamaraan ng pagkilos ni  Pedro hindi nito pinatutunayan na may pag-aalinlangan siya sa papel ni Pedro bilang puno ng Iglesya. Maliwanag ang texto:

 

GALACIA 2:11-14  Nang si Pedro’y nasa Antioquia, hayagan kong sinabi sa kanyang mali ang kanyang ginagawa. Sapagkat noong hindi pa dumarating ang ilang lalaking pinaparoon ni Santiago, siya’y sumasalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating ang mga iyon, siya’y lumayo at hindi na nakisalo sa kanila dahil sa takot sa pangkat ng mga Judio. At gumaya rin sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati na si Bernabe’y natangay sa kanilang pagkukunwari. Nang makita kong hindi sila namumuhay ayon sa tunay na diwa ng Mabuting Balita, sinabi ko kay Pedro sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang isang Judio, paano mapipilit ang mga Hentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?”

 

Ang tanong ngayon ay nararapat ba ang gayong paraan ng pagtutuwid? Ayon sa isang kilalang teologo,148 hindi lahat ng pananaw ni Pedro ay kailangang tanggapin ni  Pablo. Gayundin, hindi lahat ng pananaw ni  Pablo ay kailangang tanggapin ni Pedro. Sumasalamin lamang ang katotohanang ito maging sa ating panahon sa tuwing nagkakaroon ng pagtatalo ang mga teologo at maging ang mga lider Cristiano. Ang pinakamahalaga ay ang pagkakasundo sa katuturan o pinaka-ubod ng pananampalataya tungkol kay Cristo.

 

Ang totoo hindi lamang si  Pablo ang pumuna sa kanyang ginawang pagsama at pakikisalo sa mga Gentil.  Pinuna din si  Pedro ng mga apostol at mga kapatid na Judio sa Judea. Subalit mayroon siyang mahabang paliwanag tungkol dito na ng kanilang marinig ay nagbunga ng pagpupuri sa Diyos:

 

GAWA 11:1-4.18  Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya’t ng umahon si Pedro sa Jerusalem, siya’y pinuna ng mga kapatid na Judio. “Nakituloy ka sa mga Hentil, at nakisalo sa kanila!” sabi nila. Kaya’t isinaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari, buhat sa pasimula …

Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagpuna, at sa halip ay nagpuri sa Diyos. “Kung gayon,” sabi nila, “ang mga Hentil ma’y binigyan din ng pagkakataong magsisi’t magbagong-buhay upang maligtas!”

(basahin ang kabuuan ng mga talata mula 1-18)

 

Si  Pedro ay tapat sa tradisyon na kinamulatan ng mga Judio. Bantulot siya na kumain ng anumang ipinagbabawal at makisalamuha o sumalo sa mga Gentil (Gw 10:11-20; 11:10-12). Ngunit ang Espiritu ang nagpapatotoo na maging ang mga Gentil man ay may karapatan na tumanggap ng kagandahang-loob ng Diyos. Nang maunawaan ito ni Pedro nawala ang anumang takot niya sa kapangyarihan ng tao at hindi na siya lumihis sa kanyang misyon: ang sundin ang plano ng Diyos.

 

Gayundin ang dapat na maging pag-unawa sa isyu ng pagsusugo sa kanya. Ang pagsusugo na ginawa kay  Pedro kasama  ang  pinakamamahal na alagad ng  Panginoon (Jn 13:25; 21:20) ay hindi dapat unawain sa pamamagitan ng makitid na paraan o sa paraan ng pag-unawa na ginagawa ngayon ng mga makabagong tagapuna. Hindi ang pagiging mas mababa o mas mataas sa kapwa mga apostol ang isyu na tinatalakay dito.

Hindi ang textong ito ang ginagamit na batayan para sa kasalukuyang herarkiya o istruktura ng iglesya. Nang mga panahong yaon wala pang malinaw na istruktura ang iglesya. Kaya hindi ito ang isyu. Ang isyu ay may kinalaman at tumutukoy sa natatanging kapangyarihan na ipinagkatiwala kay Pedro bilang pangunahing kinatawan ng Panginoon na gagamitin sa pagkakaloob ng Espirito Santo.

 

GAWA 8:14-16 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating doon, ipinanalangin nila ang mga Samaritano upang sila’y tumanggap din ng Espirito Santo, sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila’y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. At ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa kanila at tumanggap sila ng Espirito Santo.

(tingnan din Gawa 2:1-42; 3:6; 5:15; 9:32-43; 10:44-48)

 

Ngayon naman ay aalamin natin ang sumunod na antas. Ang ikalawang antas ng pag-unawa ay: ang naging kahulugan ng mga pananalita patungkol kay  Pedro matapos na siya ay sumakabilang buhay na. Ang mga texto na may kinalaman dito ay ang mga sumusunod: MATEO 16:16-19; JUAN 21:15-17;  2 PEDRO 3:16-17. Ang mga textong ito kasama pa ang ibang mga kaugnay na texto ang nagsilbing mga binhi ng batayan ng karapatan na ipinagkaloob kay Pedro at sa mga naging kahalili niya.

 

Ang mga binhi ng batayan na tinutukoy dito ay hindi mahirap unawain kung susuriin natin kung bakit maging noong panahon na kasama pa ng mga apostol ang Panginoong Jesus sa kanyang pangangaral ay hindi siya nakilala o kinilala bilang dakilang saserdote o pari149 ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec (Heb 5:5-6). Lumipas muna ang maraming taon ng pagninilay sa isinasaad ng talata mula sa Awit 110:4 MBB nang maiugnay nila ang katotohanang ito sa kanya.

 

Hindi lamang sa kanya kundi maging sa kanyang mga alagad ay lumipas muna ang maraming dekada ng magsimula ang pangangailangan na gamitin ang mga taguri na tulad ng obispo, presbitero, at diakono.150 Mga taguri na hindi letra por letra na iniutos gamitin ng Panginoon sa 4 na ebanghelyo (Mt 23:10 MBB; 1 Cor 12:28-29 MBB; Ef 4:11; 2 Tm 1:11). Mga taguri na bahagi o kailangan ng isang iglesyang nagsisimulang magkaroon ng malinaw na istruktura. Ang mismong Banal na Kasulatan na rin ang nagtuturo sa atin na may tinatahak itong direksyon ng pag-unlad na hindi salungat sa layunin at diwa ng salita ng Diyos. Sa mga susunod na pahina ay susuriin nang higit na mabuti kung ano ang mga dahilan kung bakit kinilala si Pedro bilang ang unang Papa sa Iglesya Katolika Apostolika Romana. Dito ay mahalagang kondisyon na suriin ang mga texto batay sa panukat at pagtingin ng isang Cristiano at hindi ng isang pagano (Mc 9:35; Lc 22:24-26).

 

 

 

146 Ayon kay Brown, “… nangangailangan ng panahon para ang terminolohiya ay umunlad, na ang terminolohiya ng mas huling iglesya ay hindi gawang-handa-na noong unang siglo, at nang ang mas huling terminolohiya ay umiral may mga kaakibat itong higit na tiyak kaysa sa pagkakaunawa ng mga Cristiano noong sinaunang siglo. Halimbawa, nang ang terminong “papa” ay sinimulang gamitin nitong mga nakaraang siglo para sa obispo ng Roma, naisatinig ng terminong ito ang malaking  mga pagbabago sa kasaysayan ng obispong Romano. Roma ang kapitolyo ng imperyo, kaya ang Iglesya ng Roma ang humawak sa mantel ng iglesya ng pinakamahalagang lungsod sa daigdig. Sa Roma naging martir ang mga apostol na sina Pedro at Pablo; at kaya sa napaka-makatotohanang paraan ang sede ng Roma ang naging apostolikong sede, taglay bilang kanyang pamana ang mga labi ng dalawang pinakamahalagang apostol sa alaalang Cristiano. Partikular na noong ikalawang siglo, ang mga presbiterong Romano ay gumanap ng natatanging papel sa pagpigil ng mga hidwang ideya at pagpapanatili sa kadalisayan ng pananampalatayang Cristiano, anupat ang sede ng Roma ay naging isang simbolo ng tradisyon na nangalaga sa kadalisayang ito. Lahat ng nabanggit na mga salik ay nakapagbigay kulay sa paglalarawan sa obispo ng Roma bilang papa, samantalang nakatulong ito sa pag-unawa ng Banal na Sede na nagtataglay ng pananagutan sa at para sa nakakalat na mga iglesya ng imperyo at upang mapangalagaan ang matandang pananampalataya.

Ngayon, bilang isang nagtatanong sa ika-dalawampung siglo, kung itatanong mo kung si Pedro ay itinuring na bilang papa, ikaw ay nagtatanong sa likod ng higit na mayamang tradisyon ukol sa terminong “papa.” Partikular na, sa makabagong  saligan ay  matutunghayan ang deklarasyon ng Konsilyo Batikano I na ang papa ay nakasasakop sa lahat ng Cristiano. Maliwanag na, ang sinaunang Cristiano ay hindi nakapag-isip batay sa sakop na kapangyarihan o iba pang mga salik na maiuugnay sa papa sa mga nakalipas na siglo. O na ang mga Cristiano na ka-panahon ni Pedro ay lubusang naiugnay si Pedro sa Roma, sapagkat maaaring noon lamang huling bahagi ng kanyang buhay siya nagpunta sa Roma. O kaya na ang kanilang naging paggalang sa iglesya sa Roma ay nakulayan ng kamatayan nina Pedro at Pablo doon, o ng  mga huling tala sa kasaysayan tungkol sa pangangalaga ng Iglesya Romano sa pananampalataya laban sa hidwang paniniwala.

Marahil ang angkop na itanong ngayon may kinalaman sa 60 A.D. ay hindi, “Kinilala ba ng mga Cristiano sa panahong iyon si Pedro bilang ang papa?”, kundi “Kinilala ba ng mga Cristiano sa panahong iyon si  Pedro na nagtataglay ng mga papel na makatutulong sa  paraan na makabubuti sa pag-unlad ng papel ng papa para sa lumalaking iglesya?” Sa palagay ko ang sagot ay oo, batay sa mga naipaliwanag na bilang tugon sa tanong kung saan ay nabigyang pansin ang naging papel ni  Pedro noong siya ay nabubuhay pa, at ang mga simbolismo na naikapit patungkol sa kanya matapos na siya ay sumakabilang buhay na.” Sipi mula sa aklat na Responses, 133-134.

147 Unang naisulat ang mga sulat ni  Pablo kaysa sa mga Ebanghelyo. At hindi binanggit ni  Pablo ang pagpapakita ng Panginoon sa mga kababaihan sapagkat wala itong kahalagahang legal sa kanilang kapanahunan  (Mt 28:9-10; Mc 16:9-11; Jn 20:14-18).

148 Brown, Responses,  131

149 Nang ilapat ng may-akda ng Sulat sa mga Hebreo ang taguring ito para sa Panginoong Jesu Cristo alam niya na ang ginawa niya ay isang pag-aangkop o interpretasyon. Alam niya na, batay sa panlipunang kalagayan, si Jesus ay hindi kabilang sa angkan ng mga pari (Heb 7:13 MBB).

150 Nang magsimula na gamitin ang mga taguring ito ay hindi pa nakapagpapasya ang Simbahan kung aling mga aklat ang talagang nararapat na ibilang sa tinatawag na Kanon ng Bagong Tipan. Ayon sa aklat ni J. Michael Miller, C.S.B. na may pamagat na What Are They Saying About Papal Primacy. (New York: Paulist Press, 1983), 5. nagsimula na gamitin ang texto ni  Mateo 16:18-19 bilang batayan ng kapangyarihan ng Papa noong panahon ng panunungkulan ni Papa Esteban I (+257). Sinundan ang tradisyong ito at higit na binigyang linaw sa panahon ng panunungkulan ni Papa Leo I (+461). Samakatuwid, nang magsimula na gamitin ang mga taguri na tulad ng obispo, presbitero, at deakono at maging ang paggamit ng texto ni  Mateo 16:18-19 patungkol sa taglay na kapangyarihan ng Papa sa Roma wala pang nagaganap na huling pagpapasya sa kung aling aklat ang bubuo sa mga Kasulatan ng Bagong Tipan.

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s