Si Pedro ay Hindi Kailanman Nakarating ng Roma

apostle-peter-being-crucified-upside-down-in-rome-ad-69-copy-preview

 

 

Ayon sa mga Pastor Protestante si Pedro ay hindi kailanman nakarating ng Roma. Dagdag pa dito, alamat lamang daw ang paniniwalang ito ng mga Katoliko at hindi suportado ng Kasaysayan. At walang sinumang apostol ang kumilala kay Pedro bilang Papa ng Roma.

 

COLOSAS 2:8 SNB Huwag kayong padadala sa mga pagmamarunong at mangmang na pangangatwiran ng sinuman, na ang pinagbabatayan ay “karunungan” ng mundo at hindi si Cristo.

2 TIMOTEO 4:3-4 MBB Sapagkat darating ang panahong hindi na nila pakikinggan ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig. Ibabaling nila sa mga alamat ang kanilang pansin at hindi na nila pakikinggan ang katotohanan.

 

Alam ng matatalinong Katoliko na ang imperyo ng paganong Roma ay naging kalaban ng Diyos noong unang panahon. At batay sa panulat apokaliptika ng mga Judio ang Roma kasama ang iba pa nitong kakamping bayan ay itinuring o binansagan na Babilonia (Bar 1:1.4). Ang Roma na noon ay nasa tugatog ng kanyang kapangyarihan ay nalasing sa “alak ng kahalayan.” Ang mga katagang “alak ng kahalayan” ay tumutukoy sa impluwensya ng Reyna ng Kahalayan na ayon sa mga dalubhasa sa Banal na Kasulatan ay ang kulto ng Emperador ng Roma na nag-utos ng pagsamba sa kanya.

 

Noong unang panahon ang Roma ay pinamahalaan ng mga kilalang emperador na pagano. Ang mga emperador na ito ay sina: Caligula, Claudio, Nero, Vespasiano, Tito at Domiciano. Sila ang mga emperador na umusig sa mga Judio at nagpalagay ng sariling rebulto sa loob ng Templo.

 

Kaya kung tatanungin mo ang mga di-Katoliko kung ano ang tinutukoy na Babilonia sa Apocalipsis buong pagmamalaki nilang ipapaliwanag na ang salitang iyon ay sumasagisag sa Roma. Ikinatutuwa nila na ang sentro ng Iglesya Katolika Apostolika Romana ay matatagpuan sa tinaguriang matandang Babilonia. At na ang katagang Babilonia ay ginagamit ng mga  sinaunang manunulat bilang code o lihim na salita upang tumukoy sa Roma. May ginagamit silang texto ukol dito upang ipakita ang kasamaan ng nabanggit na lungsod:

 

 

APOCALIPSIS 14:8  KJV At ang iba, ang pangalawang anghel, ay sumunod na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat na bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid.

APOCALIPSIS 17:5-6 KJV At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, HIWAGA, DAKILANG BABILONIA, INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA. At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus. At nang aking makita siya ay nanggilalas ako ng malaking panggigilalas.

(tingnan din Apocalipsis 16:19 KJV)

 

Ang kakatwa sa makabagong biblistang Protestante ay ang hindi nila pagtanggap  na bumagsak o “gumuho na ang dakilang Babilonia,” nawasak sa poot ng Diyos sapagkat hinatulan ito ng Salita ng Diyos. Noong sinaunang panahon, ang lahat ng daan ay patungo sa  makapangyarihang Roma. Sapagkat naging sentro ito ng sinaunang paganong daigdig. Ngayon, nakatayo ang pinakamalaking Basilika sa daigdig sa lungsod ng Roma na nagsisilbi na ring tanda ng kapangyarihan ng sambayanang Cristiano. Palatandaan ito ng pagtatagumpay o pagguho ng dating paganong Babilonia.  Ang Roma ang naging sentro ng sambayanang Cristiano sa bisa ng pagpapapatotoo at pag-aalay ng buhay ng mga martir na Cristiano. Nagpunta doon si  Pedro (Gw 12:17) sapagkat ito ang kapitolyo ng Imperyo – ang pinakapuso ng paganismo na magbabalik-loob sa Diyos sa pamamagitan ng ebanghelyo.

 

May dahilan kung bakit nabanggit ni  Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Roma na hindi niya hinangad na ipangaral pa ang ebanghelyo sa napangaralan na ng ibang tao (Rom 15:20). Walang ibang tao na binigyan ng karapatan na mangaral sa mga Gentil maliban kay  Pedro (Gw 15:7-10) at  Pablo (Gal 2:7). Nang mga panahong iyon ang Roma ay binubuo ng malaking populasyon ng mga Gentil. At ang lugar na ito ay hindi pa napupuntahan ni  Pablo (Rom 1:13; 15:22).

 

Ang paniniwala na si  Pedro ay nakarating at nakapangaral sa Roma (Gw 15:7; 10:44-48) ay malinaw na binabanggit sa kanyang ginawang pagbati mula roon. Sa kanyang sulat ay ginamit niya ang pangngalang Babilonia na ipinagpatuloy gamitin ng mga Cristiano bilang code o lihim na salita sa pagtukoy sa Roma.

 

1 PEDRO 5:13 MBB Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga hirang na paris ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, ang mahal kong anak sa pananampalataya.

 

Katunayan may tradisyon na nagpapatotoo ukol sa paniniwalang si  Pedro at maging si Pablo ay namatay bilang mga martir sa Roma (Apo 11:3-13).144 At ang tradisyon na ito ay nagpatuloy na di natitinag sa buong panahon ng ikatlong siglo.

 

Walang manunulat nang sinaunang panahon ang nagpapatotoo na si  Pedro ay hindi namatay sa Roma. Bukod pa ang mga katibayang arkeolohikal145 na magpapatunay sa katotohanan ng paniniwala ukol sa tradisyong ito.

 

Ang pagkakapili sa Roma upang maging sentro ng Iglesya Katolika Apostolika ay batay sa patnubay ng Espirito Santo (Jn 16:12-13) at nagka-anyo bunga ng masalimuot na prosesong pangkasaysayan. Sa lungsod ng Roma na dating kilala sa taguri na Dakilang Babilonia ipinapahayag ng Papa sa buong daigdig ang dakilang katotohanan na nasa puso ng pananampalatayang Cristiano – Si Cristo ay nabuhay na muli, Aleluia! (Rom 10:9). Dahil nagpapatotoo siya ukol sa katotohanang ito bilang pangunahing kinatawan ni Cristo, patuloy niyang ginagampanan ang papel ni  Pedro bilang pangunahing tagapag-alaga ng tupa. Si  Pedro ang pinagkalooban ng pribilehiyo na maging pangunahing saksi na gumawa ng pampublikong pagpapahayag ukol sa pagkabuhay na muli ng Panginoon (1 Cor 15:5; Luc 24:34).

 

 

144 Ang isa sa pinaka-una at malakas na katibayan na sumusuporta sa paniniwala na si  Pedro ay namatay na isang martir sa Roma ay matatagpuan sa Unang Sulat ni Clemente sa mga taga Corinto (A.D. 96). Maaaring banggitin para sa mga naghahangad ng dagdag na pananaliksik ang inirerekomendang aklat ni Fr. Manuel P. Duetao: ang aklat ni John Evangelist Walsh. The Bones of St. Peter (Garden City, NY: Doubleday, 1982) para sa mga katibayang arkeolohikal at ang aklat ni William A. Jurgens. The Faith of the Early Fathers (Collegeville Minnesotta: Liturgical Press, 1970) para sa matibay na batayang pangkasaysayan.

145 Ang kinikilalang Ama ng Kasaysayan ng Iglesya na si Eusebio (+340), sa kanyang aklat na History of the Church, ay nakapagtala ng pahayag ng presbiterong si Gaius. Ayon sa kanya isinulat ni Gaius na, “May maituturo akong bantayog ng matagumpay na mga apostol. Kung pupunta ka sa di kalayuan mula sa Batikano o Daang Ostian matatagpuan mo ang bantayog ng mga nagpatayo ng Iglesyang ito.” Noong 1950, ipinahayag ni Pius XII (1939-1958) sa buong mundo ang nakamamanghang natuklasan ng nakaraang panahon. Sa tanong na, “Ang libingan ba ni  Pedro ay totoong natagpuan?” Ang sagot niya ay walang kaduda-dudang,  “Oo …”

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s