Ang mga Sanggol ay Walang Karapatang Tumanggap ng Bautismo (Part 2)

baptism-of-jesus

 

Ayon sa mga Protestante ang mga sanggol o bata ay hindi makatatanggap ng aral upang manampalataya, kaya hindi nararapat na sila ay bautismuhan. Maging ang Panginoong Jesus daw ay nasa husto ng gulang ng siya ay bautismuhan (Mt 3:13-17). At ang Biblia ay nagbigay ng pamantayan na kailangang ipangaral muna ang Mabuting Balita. Pagkatapos nito, ang sinumang sasampalataya ay maaari ng tumanggap ng bautismo upang magkaroon ng karapatan na mapabilang sa tunay na iglesya.

 

HEBREO 5:13 KJV Sapagka’t bawat tumatanggap ng gatas ay walang karanasan sa salita ng katuwiran; sapagka’t siya’y isang sanggol.

ROMA 10:17 Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig lamang kung may mangangaral tungkol kay Cristo.

 

Walang duda na ang mga sanggol ay wala pa sa tamang edad upang tumanggap ng aral. Ngunit hindi ibig sabihin nito na ang biyaya ng Diyos ay hindi na nila matatanggap. Mali na magbigay agad ng kongklusyon na ang sanggol ay walang pananampalataya. Ang taglay nilang pananampalataya ay lampas sa pandama ng tao ngunit nasasaliksik ng Espiritu ng Diyos (1 Cor 2:10). Ang mga sanggol ay may taglay na pananampalataya sapagkat pinagkalooban sila ng karapatan na magbigay ng wagas na papuri sa Diyos. Isang uri ng papuring lampas pa sa kayang gawin ng mga taong kailangang magsisi sa mga nagawang kasalanan:

 

AWIT 8:1-2a  Ikaw, o Yawheh, Panginoon namin, laganap sa lupa ang iyong luningning. At hanggang sa langit laging pupurihin. Aawitang lagi niyong mga bata, na wala pang malay at sariling diwa.

MATEO 21:16  At sinabi kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” “Naririnig ko,” tugon ni Jesus. “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ganitong pangungusap sa Kasulatan: ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin ay pinapamutawi mo ang wagas na papuri’?”

(tingnan din Mateo 11:25 KJV)

 

Ang mga bata sa loob ng templo ay sumisigaw ng, “Mabuhay ang Anak ni David!” (Mt 21:15) Ito ay sigaw ng pananampalataya. Palatandaan ito ng katuparan ng Kasulatan. Kaya sa pamamagitan ng binyag ay tinatanggap na ng Iglesya ang isang bata sa pamayanan ng mga mananampalataya bago ito magpasya na maging kaanib.  Sa pamamagitan din ng binyag ay ipinagdiriwang na natin ang kanyang kaligtasan bago niya maunawaan ang pangangailangan upang maligtas o maging responsable sa pag-aalay ng sarili sa Diyos.79 Dito ay nagiging mahalaga ang pamayanang Cristiano sa pagbalikat ng kanyang pananagutan.  Ang pananampalataya ng bawat isa – magulang, ninong at ninang ay nagiging tunay na kapaki-pakinabang para sa kaligtasan at kapatawaran ng iba (sanggol man o bata).

 

MARCOS 2:2b-5  Samantalang nagangaral si Jesus, may idinating na isang paralitikong dala ng apat katao. Hindi nila ito mailapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya’t binakbak nila ang bubong sa tapat niya, at inihugos ang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan. Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, ipinatatawad na ang mga kasalanan mo.”

(tingnan din Mateo 9:2-5; Marcos 5:22-23; 10:13-16)

MATEO 8:5-13 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Jesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin…Namangha si Jesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig…At sinabi ni Jesus sa kapitan, “Umuwi na kayo; mangyayari ang hinihiling ninyo ayon sa inyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang alipin ng kapitan.

 

Ang ispiritwal na pagpapala at kapatawaran ay maaaring ipagkaloob sa pamamagitan ng pananalig ng ibang tao. Hindi ang paralitiko ang pumili para sa kanyang sarili na tanggapin ang mga salita ni Jesus. Ito ay bunga ng pananampalataya ng mga taong sumasamo para sa kanya. Samakatuwid, ang kaligtasan ng bawat isa ay matatamo sa pamamagitan ng pamayanan o iglesya (na ang ulo ay si Cristo [Col 1:18.20]) bago pa man ito pagpasyahan ng may kamalayan ng indibidwal.  Ang Diyos ang nagpapasya kung tayo ay kanyang pipiliin at hindi ang kabaligtaran nito.

 

JUAN 15:16 Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo ay humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa iyo.

(ihambing sa Deuteronomio 7:6-7 BSP)

 

Kaya dapat nating itakwil ang paniniwala na singkahulugan  ng kaisipang “tanging ikaw lamang ang makapagpapasya para sa kaligtasan mo” ng hindi isinasaalang-alang na ito ay bahagi ng plano ng Diyos. Kahit pa ang mga may kamalayan at kakayahang magpasya ay hindi makatutugon ayon sa hinihinging pananampalataya kung walang biyayang nagmumula sa Diyos.

 

JUAN 12:37-40  Bagamat nakita nilang gumawa siya ng maraming kababalaghan, hindi rin sila  sumampalataya sa kanya. Sa gayo’y’  natupad ang sinabi ng Propeta Isaias.

”Panginoon, sino ang naniwala sa mga salitang narinig nila sa amin?

Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”

Tulad ng sinabi pa ni Isaias, hindi sila makapaniwala sapagkat:

“Binulag niya ang kanilang mga mata at pinatigas ang kanilang ulo,

upang hindi sila makakita ni makaunawa ang kanilang mga isip o

manumbalik sa akin upang sila’y pagalingin ko.”

 

Bunga nito nilinaw ni Jesus sa kanyang pakikipag-usap kay Nicodemo na ang gawa ng Espiritu ay lampas sa kaya niyang isipin.  Ang pagsilang mula sa itaas (sa Griego, anothen) ay pagsilang mula sa Diyos. At hindi na kinakailangang maunawaan ng isang binibinyagan (sanggol man o hindi) ang ginagawa ng Espiritu sa kanyang buhay.

 

JUAN 3:8 Umiihip ang hangin kung saan ibig at naririnig ninyo ang ugong nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan naggagaling at kung saan naparoroon. Gayon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.

 

Sa kontextong ito ay mauunawaan natin ang kahulugan ng mga pananalita ni Jesus ng ipahayag niya kay Nicodemo na, “walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.”

 

 

JUAN 3:3 BSP Sumagot si Jesus sa kanya: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.”

 

Dito ay binabago ni Jesus ang sinaunang paniniwala ng mga Judio na ang isang tao ay maaari lamang maging bahagi ng bayan ng Diyos sa pamamagitan ng natural na kapanganakan mula sa piniling lahi (Gal 3:27-29; Rom 2:28-29; Ef 2:19).  Upang maging kabilang sa bayan ng Diyos hindi na mahalaga na isilang mula sa piniling lahi (ang Israel) kundi ang isilang mula sa itaas o mula sa Diyos. Sa maikling salita, kung wala ang grasya ng Diyos ang tao ay di maaaring mag-isip ni gumawa ng anumang bagay ukol sa ikababanal ng kanyang kaluluwa.

 

2 CORINTO 3:5 Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming sapat na kakayahang gawin ito; ang Diyos ang nagkaloob nito sa amin.

FILIPOS 2:13 Sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang kanyang kalooban.

JUAN 15:5 Ako ay puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga ng sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.

 

May mga iskolar sa Biblia na naniniwalang ang pagbabasbas ni Jesus sa mga bata ay naglalayong ihanda ang mga Cristiano na tanggapin ang pagbabautismo o pagbibinyag ng bata upang maging bahagi ng pamayanan ng mga sumasampalataya (Mc 10:13-16). Sa naging kasaysayan ng mga unang Cristiano sa Biblia kabilang sa mga binautismuhan o bininyagan ang mga bata at sanggol na noong una’y pinipigil ng mga alagad ni Jesus na mailapit sa Kanya.

 

GAWA 16:15 BSP  Nagpabinyag siya, pati na ang buo niyang sambahayan, at sinabi  niya:   “Kung   tingin ninyo’y tapat ako sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking tahanan at doon tumigil.” At pinilit niya kami.

GAWA 16:33 BSP Nang gabi ring iyon mismo’y ipinagsama sila ng bantay at hinugasan ang kanilang mga sugat. At agad nilang bininyagan siya pati ang buo niyang pamilya.

1 CORINTO 1:16 BSP Bininyagan ko rin nga pala ang sambahayan ni Stephanas. Bukod pa rito, hindi ko na alam kung mayroon pa akong bininyagan.

 

Hindi kapani-paniwalang sabihin na walang bata o sanggol sa alinmang nabanggit na sambahayan.  Nang mga panahong yaon ay hindi pa naiisip ang pagpa-plano ng pamilya o kaya ay ang paggamit ng alinmang natural family planning methods. Ang salitang sambahayan (sa Griego, oikos) ay pangkaraniwan ng tumutukoy sa pamilya na may maliliit na bata o sanggol.  Samakatuwid, kung ang Iglesya ay ang nagpapatuloy na kapahayagan ni Jesu-Cristo sa kasaysayan (gaya ng ipinahihiwatig nito bilang isang katawan) nagtataglay ito ng kapangyarihan ni Cristo na mamagitan para sa kaligtasan ng mga walang malay na kaluluwa upang maibilang sila sa magiging mga “Kasambahay ni Cristo” sa langit (Ef 2:19).

 

 

 

 

 

79 ibid. p. 25.

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s