Walang Batayan sa Biblia ang Pananalangin sa Patay

pray

 

 

Inimbento lamang ang aral na mayroong Purgatoryo.  Hindi ito binanggit ng mga Judio at walang ganitong iniaaral ang Panginoong Jesu-Cristo. Walang kaalam-alam ang sinaunang Cristiano hinggil sa katuturan ng pananalangin na ginagawa ngayon ng mga Katoliko.  Hindi ito iniutos ni Cristo.  Ang mga nabanggit sa unahan ang mga katagang madidinig natin sa mga taong hindi naniniwala sa aral ng Simbahang Katoliko.

 

Nakakalungkot na hindi muna inalam ang mga batayan sa Biblia, Tradisyon at maging ang naging pagtuturo ng Simbahan. Walang duda na ang mga kaluluwa sa impiyerno ay hindi na matutulungan.  Ang mga kaluluwa sa  langit ay hindi na mangangailangan ng tulong.  Subalit ang mga panalangin at pag-aalay para sa patay ay makatutulong naman para doon sa mga hindi pa nakapapasok sa presensya ng Diyos.  Kahalintulad ito ng pag-asang ipinahahayag ng pananampalatayang Judio ukol sa realidad ng kabilang buhay kahit na hindi umabot sa kanilang panahon ang taluktok ng ginawang pagtubos (nararapat na alay o handog) na nais ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristong ating Panginoon.

 

2 MACABEO 12:43-44 BSP Nagtipon siya ng abuloy mula sa kanyang mga sundalo at umabot iyon sa dalawang libong pirasong pilak at ipinadala iyon sa Jerusalem para maialay doon na handog para sa kasalanan. Buong ingat at maselang ginawa niya ito sa pag-alaala sa pagkabuhay na muli. Sapagkat kung di siya naniniwalang mabubuhay na muli ang kanilang mga kasamahang namatay, magiging walang kabuluhan at kabaliwan ang ipagdasal ang mga iyon.

 

Ang kasaysayan ng pananampalataya ng mga Judio ay nagpapatotoo na ang gawain na ipanalangin ang mga patay ay bahagi na ng kanilang kaugalian.  Ang tradisyong ito ay dinatnan na ni Jesus ng siya’y magkatawang- tao at walang anumang katibayan ang tahasang nagpapabulaan sa katotohanan ng textong ito. Ang kostumbreng ito na naging bahagi ng pananampalatayang isinasabuhay at tinutupad ng mga Judio ay hindi binago ni Jesus.

 

2 MACABEO 12:45 BSP Ngunit sa pag-alaala sa magandang gantimpalang naaalay sa mga namatay na mananampalataya, naging banal at maka-Diyos ang kanilang pagmamalasakit. Ito ang dahilan kung bakit iniutos ni Judas (Macabeo) ang handog na ito para sa mga patay – para patawarin ang mga ito sa kanilang kasalanan.

 

 Ang  mga  textong  binanggit mula  sa aklat Macabeo ay malinaw na katibayan ng ating pangangailangang manalangin para sa patay.  Ang kostumbreng ito ng mga unang Cristiano ay  may patotoo sa  kasaysayan.69  Isa  ito sa mabibigat  at pangunahing dahilan kung bakit tinanggal70 ng mga Protestante ang aklat Macabeo mula sa Biblia.  Magandang halimbawa ito kung bakit kailangang gumamit ng Bibliang Katoliko.71

 

ECCLESIASTICO 7:33 Magmagandang-loob ka sa mga buhay, at huwag mong ipagkait ang tulong mo sa mga patay.

 

Gayunman maging sa Bibliang Protestante ay maaaninag na ang pagpapahalaga ng mga Judio sa kanilang mga mahal sa buhay na sumakabilang buhay na.  Sa isang tagpo sa Lumang Tipan ay may binanggit  ukol sa ginawa ng mapanalanging si Nehemias para sa mga kasalanan ng anak ni Israel at ng kanyang mga magulang.  Ginawa niya ito ng buong kataimtiman bunga ng kanyang labis na pagdadalamhati:

 

NEHEMIAS 1:4-6 KJV At nangyari, nang marinig ko ang mga salitang ito, na ako’y naupo at umiyak, at nanangis na ilang araw; at ako’y nagayuno, at dumalangin sa harap ng Diyos ng langit. At nagsabi, Aking idinadalangin sa iyo, Oh Panginoon, na Dios ng langit, na dakila at kakilakilabot na Diyos, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa kaniya, at nagagiingat ng kaniyang mga utos: Pakinggan ngayon ng iyong tainga, at idilat ang iyong mga mata, upang iyong dinggin ang dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin sa harap mo sa panahong ito, araw at gabi, dahil sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod, habang aking ipinapahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming ipinagkasala laban sa iyo. Oo, ako at ang sangbahayan ng aking magulang ay nagkasala.

 

Natitiyak natin na ang kanyang magulang at kanilang mga ninunong sumakabilang buhay na ang tinutukoy na ipinanalangin sa textong binanggit sa itaas.  Sa kasunod na texto ay malinaw niyang sinagot ang Haring Artajerjes ng mapuna nito ang kanyang kalungkutan.

 

NEHEMIAS 2:2-5 KJV At sinabi ng hari sa akin, Bakit ang iyong mukha ay malungkot, dangang wala kang sakit? Ito’y dili iba kundi kalungkutan ng puso. Nang magkagayo’y natakot akong mainam. At sinabi ko sa hari, Mabuhay ang hari magpakailanman: bakit ang aking mukha ay hindi malulungkot, kung ang bayan, ang dako ng mga libingan sa aking mga magulang ay giniba, at ang mga pintuang-bayan niyaon ay nasupukan ng apoy? Nang magkagayo’y sinabi ng hari sa akin, Ano ang iyong hinihiling? Sa gayo’y dumalangin ako sa Dios ng langit. At nagsabi ako sa hari, kung ikinalulugod ng hari, at kung ang iyong lingkod ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin ay suguin mo ako sa Juda, sa bayan ng libingan sa aking mga magulang, upang aking maitayo.

 

Kahit pa sabihin na ang kaisipan o paniniwala ng mga sinaunang Judio ay hindi pa ganap na malinaw ukol sa magiging kapalaran ng tao pagkatapos na siya ay sumakabilang buhay na ang natitiyak ngayon ay ang ipinapakitang pagmamahal at paggalang ng bayang Israel para sa kanilang mga mahal sa buhay na pumanaw na. Nagpatuloy ang ganitong pag-uugali na palaging umaasa sa dakilang pag-ibig ng Diyos at naging bahagi ito ng pananampalataya na unti-unting nagbunyag sa ganap na pag-ibig ng Diyos para sa kanyang bayan na tatanggap ng bagong pakikipag-tipan.

 

 

69 Ito ang patotoo ni  Tertulliano (160-240 AD): “Isang araw taun-taon ay inaalaala namin ang mga namatay, katulad sa pag-aalaala sa kanilang kapanganakan.”  Sa aklat naman ni  Agustin (Confession 9:27) ganito ang sinabi ng kanyang ina na si Monica: “Kung ako’y mamatay, kahit saan ay ilibing mo ang aking bangkay at huwag kang mabahala; ang kaisa-isa ko lamang  kahilingan ay alalahanin mo ako sa altar ng Panginoon saan ka man pumaroon.” Nakaugat ang kostumbreng ito ng mga Cristiano sa pananampalatayang Judio na labing-isang buwan na nananalangin para sa ikadadalisay ng kaluluwa ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang tawag sa panalanging ito ng mga nagdadalamhating Judio ay Qaddish (hango mula sa salitang Hebreo na “banal”).

70 Mas marami ang bilang ng aklat sa Bibliang Katoliko (72) kung ihahambing sa Bibliang Protestante (66). Ito ay dahil sa ang sinunod ng Simbahang Katoliko ay ang Kanon ng Alexandria (283-132 B.C.) na mas kilala sa tawag na Septuaginta (LXX). Ang bersyong ito ay salin sa Griego at malaganap na binabasa  sa labas ng Palestina. Matatandaan na ang Bagong Tipan ay orihinal na nasulat sa wikang Griego kaya natural lamang na karamihan sa mga textong sinipi  nila mula sa Lumang Tipan ay direktang magmula sa Septuaginta. Ang Bibliang Septuaginta ang bersyong ginamit ni apostol Pablo ng siya ay mangaral sa mga Hentil maging noong bago pa man naisulat ang kauna-unahang dokumentong Cristiano. Hanggang sa kasalukuyan ang Septuaginta ang pangunahing kinikilalang salin ng Lumang Tipan para sa mga Cristianong nagsasalita ng wikang Griego. Tandaan nating lagi na 66 lamang ang aklat na bumubuo sa Bibliang Protestante. Naging  66 dahil binawasan ng  6 ang  72 aklat na kinikilala na noon pa man sa Simbahang Katolika. Sa mga hindi  Katoliko tumutugma ang katuparan ng 666 (Ap 13:18) dahil sa paglabag sa utos na “huwag ninyo itong … babawasan …”(Deut 4:2 MBB). Sapagkat sa “…sinumang mag-alis ng anuman … ay aalisan ng Diyos ng karapatan sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay …” (Pah 22:19).

71 Hindi tinanggap ng mga sumunod na henerasyong Protestante ang mga aklat na itinuturing sa Simbahang Katoliko bilang deuterocanonico ng hindi nalalaman na may mga sinipi mula dito ang mga sinaunang Cristiano. Isa sa maraming halimbawa ay ang tinutukoy na texto ng may-akda ng Sulat sa mga Hebreo 11:35b na hinangong tagpo sa 2 Macabeo 7:1.5-9. Maaaring tukuyin bilang sagot dito ang ginawa ni Elias sa anak ng balo na taga Sarepta (1 Har 17) at ni Eliseo sa anak ng Sunamita (2 Har 4). Ngunit ang hindi makikita ay ang pagpapahirap at pagtanggi na makalaya alang-alang sa pagkabuhay na muli.

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s