Ipinagbabawal ng Diyos ang Paggawa ng Anumang Uri ng Imahen

601360_352059651548190_2012860563_n

 

 

Naniniwala ang mga Protestante na ang isyu tungkol sa mga sagradong imahen sa Simbahang Katoliko ang pinakamahinang bahagi ng pananampalataya. Dahil dito, nakasentro ang lahat ng kanilang mga pagpuna tungkol sa bagay na ito. Na sa Lumang Tipan pa lamang  ipinagbabawal na ang pagsamba sa diyus-diyusan at maging ang paggawa ng anumang representasyon ng Diyos na gawa ng kamay ng tao.  Ni isipin nga lamang daw ang anyo ng Diyos ay tiyak ng paglabag sa kanyang kalooban (Deut 4:15-16 KJV). Kaya para sa kanila hindi ipinahihintulot ng Diyos ang gumawa ng anumang uri ng imahen.  Ang gumagawa nito ay nagkakasala ng idolatria o pagsamba sa diyus-diyusan.

 

DEUTERONOMIO 5:8-9 Huwag kayong gagawa ng larawan ng anumang nasa langit, nasa lupa, o nasa dagat upang sambahin. Huwag ninyo silang paglilingkuran ni yuyukuran pagkat akong si Yahweh ay mapanibughuin. Ang kasalanan ng mga magulang na namumuhi sa akin Ay sisingilin ko sa kanilang mga anak hanggang sa ika-3 at ika-4 na salinlahi.

(tingnan din Exodo 20:4-5; Levitico 26:1 MBB)

 

Tama ang textong sinipi ng mga Protestante sa itaas. Ang mali ay ang ilang bagay sa paliwanag o interpretasyon. Kung susuriin ang kontexto ng sinipi sa itaas ay nagpapakitang lubhang naeskandalo si Moises sa ginawang diyus-diyusan ng kanyang mga kababayan sapagkat ninais nila na ipalit ito sa tunay na Diyos. Gayunman, hindi niya inisip o binalak na kailangang humiwalay siya at magtatag ng bagong bayan, bagong sekta o bagong relihiyon.

 

Ang bayan ng selosong Diyos (Ex 34:14 NAB) ay napaliligiran ng iba’t-ibang bansa na sumasamba sa mga diyus-diyusan. Ayaw ng Diyos na makaimpluwensya ang mga pagano sa bansang Israel kaya ipinagbabawal ng Diyos ang  paggawa ng  larawan ng anumang nasa langit o nasa lupa kung ang layunin ay upang sambahin. Kung may utos na bawal gumawa ng diyus-diyusan may utos din na gumawa ng sagradong mga larawan39 at imahen. Katunayan, si Solomon40 na binigyan ng kakayahang maging marunong sa pagkilala ng mabuti at masama (1 Hr 3:5.9 KJV) ay nag-iwan ng magandang halimbawa sa pamamagitan ng pagpapatayo ng Templo na may mga larawan at imaheng nililok o inukit sa kahoy:

 

1 HARI 6:23.29.32 Sa loob ng dakong kabanal-banalan, nagpalagay siya (si Solomon) ng dalawang kerubin, imaheng nililok sa kahoy ng olibo. . .

Ang buong dingding ng templo, maging sa dakong kabanal-banalan, maging sa dakong banal ay may ukit na mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. . .

Tablang olibo rin ang dalawang panara at may ikot itong imahen ng mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. Ang mga panara’y may kalupkop na gintong kapit na kapit sa mga nakaukit na larawan.

 

Kaya kahit pa alam niya na hindi maaaring manirahan ang Diyos sa lupa (1 Hr 8:27-29; Gw 7:48-49) batid din naman niya na maaaring manahan sa Templo ang kanyang Banal na Pangalan.   Sa halip na pigilin ng Diyos o kaya’y pagsabihan si Solomon ng kamalian ikinalugod ito ng Diyos kaya naman pinabanal ang Templo na may kasamang pangako na ito ay lilingapin at mamahalin habang panahon.

 

1 HARI 9:3 Sinabi sa kanya: “Ipinagkakaloob ko ang lahat mong hiniling sa iyong panalangin. Pinababanal ko ang Templong ito at lalagi rito ang aking pangalan magpakailanman. Lilingapin ko at mamahalin ang pook na ito habang panahon.

 

Sa Bagong Tipan, ang Panginoong Jesus ay nagpakita ng nag-aalab na malasakit at pagkalinga sa pagiging-sagrado ng  istruktura ng Templo na naghahayag ng presensya ng Diyos. Hindi niya napigil ang kanyang sarili na ipagtabuyan ang mga taong hayagang lumalapastangan sa bahay ng kanyang Ama.  Sa bahay ng kanyang Ama na kung saan ay matatagpuan ang  Kanyang natatanging presensya (Ex 25:17-22 KJV; Heb 9:5 MBB). Malinaw ang mababasa sa texto:

 

JUAN 2:13-17 Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Jesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati at ang mga namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mga mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.”

 

Mahalaga din na ugatin o taluntunin kung kanino ipinagkatiwala ang Sampung Utos.  Si Moises ang binigyan ng Kautusan na naglalaman ng utos na huwag gagawa ng imahen o larawan ng anumang nasa langit o nasa lupa (Deut 5:8-9).  Si Moises mismo ay nakatitiyak na hindi absoluto ang utos na nagbabawal gumawa ng anumang bagay na nasa langit o nasa lupa kung kaya hindi siya nagpakita ng pagtutol ng siya ay utusan ng Diyos na gumawa ng imahen ng isang ahas na tanso.   Nang imahen na magiging simbolo ng kapahamakan41 o kaligtasan ng Bayan ng Diyos.

 

BILANG 21:6-9 Dahil dito, sila’y pinadalhan ni Yahweh ng makamandag na ahas at sinumang matuka nito ay mamamatay. Kaya, lumapit sila kay Moises. Sinabi nila, Nagkasala kami kay Yahweh at sa inyo. Idalangin mo sa kanyang paalisin ang mga ahas na ito” Dumalangin nga si Moises at ganito ang sagot sa kanya ni Yahweh, “Gumawa ka ng isang Ahas na tanso.” Ilagay mo iyon sa dulo ng isang tikin at sinumang natuklaw ng ahas na tumingin doon ay hindi mamamatay. Gayon nga ang ginawa ni Moises. Mula noon,  lahat ng matuklaw ng ahas ngunit tumingin sa ahas na tanso ay hindi mamamatay.

(tingnan din 2 Hari 18:4)

 

Ang simbolo ng ahas ay naghahayag ng malalim na katotohanan.  Ang  tagpong ito  sa Lumang Tipan ay nagpapahiwatig ng higit na magandang pangako sa Bagong Tipan.42 Ang Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao at sa pamamagitan nito ay gagabayan ang sangkakristianuhan sa hiwaga ng kanyang pagiging Diyos at kaugnayan sa Diyos Ama.  Ipinakita ng ebanghelistang si  Juan na nakaturo ang simbolong ito sa darating na tunay na Tagapagligtas sa Bagong Tipan sa imahen ni Jesu-Cristo – ang sinag ng kaluwalhatian at tunay na larawan ng Diyos.

 

JUAN 3:14  At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayon din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

JUAN 8:27-28a Hindi nila naunawaan na siya’y nagsasalita tungkol sa Ama. Kaya’t sinabi ni Jesus, “kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong Ako’y si Ako Nga.’

EXODO 3:14-15 Sinabi ng Diyos, “Ako’y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno…

HEBREO 1:3a KJV Palibhasa’y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan …

(tingnan din Juan 1:14; 17:24; 12:41)

 

Kaya ang pinakamalubhang suliranin ng mga ayaw gumamit ng imahen o ng larawan ay ang pagsalungat nila sa bagong pagbubunyag ng Diyos sa Bagong Tipan.   Ang pagtanggi sa imahen ay pagtanggi sa isa sa pinakamahalagang aral ng pananampalatayang Cristiano: ang pagkakatawang-tao ng Diyos.  Ito ay sapagkat nang ipanganak ni Maria ang Panginoong Jesus malinaw na pinapayagan na ng Diyos ang paggamit ng materyal na representasyon na nakikibahagi rin naman sa kabanalan ng kanyang sinasagisag.  Kaya nga ng magpakilala si Jesus na Anak ng Diyos o mula sa Diyos (Jn 8:42-59) at ipahiwatig na kapantay niya ang Ama (Jn 5:18-19) lubhang naeskandalo ang mga Judio at nagtangkang siya’y patayin sa pamamagitan ng pagbato. Ngunit maliwanag ang patotoo ni Jesus:

 

JUAN 10: 30-33 Ako at ang Ama ay iisa.” Ang mga Judio’y muling kumuha ng bato upang batuhin siya. Kaya’t sinabi sa kanila ni Jesus, “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin ba sa mga ito ang dahilan at ako’y inyong babatuhin?” sinagot siya ng mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos gayong tao ka lang.”

(tingnan din Juan 8:58-59; Ex 3:14)

 

Kaugnay nito mapupuna na  sa  nakaraang  texto ng nabanggit ding ebanghelyo at maging sa ibang bahagi ng Biblia ay naging hayagan na ang pagpapakilala ni Jesus ukol sa kaisahan nila ng Ama.  Binibigyang linaw niya na ang nakakita sa kanya ay tunay na ring nakakita sa Ama.

 

JUAN 14:8-9a  Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Jesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: Ipakita mo sa amin ang Ama? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin?

2 CORINTO 4:6  Sapagkat ang Diyos na nagsabing “Mula sa karimlan ay sisilang ang liwanag” ay siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isip upang makilala ang kadakilaan ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo.

COLOSAS 1:15  Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita, at siyang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha.

 

Samakatuwid hindi absoluto ang utos na nagbabawal gumawa ng imahen.       Hindi rin totoo na hindi ipinahihintulot ng Diyos ang paggawa nito kung ang layunin lamang ng paggawa ay upang gamitin ito bilang visual aid. Hindi ito dapat unawain bilang isang uri  ng pagkakasalang idolatria. Kaya ang paulit-ulit na punang ito ng mga di-Katoliko ay isa lamang palatandaan ng maling pagkaunawa sa Banal na Kasulatan na walang ibang layunin kundi ang sirain ang pananampalatayang matatalunton pabalik maging hanggang sa panahon ng mga apostol at ng Panginoong Jesu-Cristo.

 

 

 

39 Tingnan ang kahalintulad na pananaw ng Simbahang Ortodoks sa Silangan sa aklat ni Apostolos Makrakis, Orthodox-Protestant Dialogue (Manila:Orthodox Christian Educational Foundation, 1989), 83-87.

40 Naniniwala ang mga batikuserong biblista na ang paggawa ni Solomon ng mga imahen ng kerubin ang naging dahilan ng unti-unting pagkawala ng kanyang katapatan sa tipan ng Diyos. Hindi iyan ang totoo. Nagsimulang maapektuhan ang katapatan niya sa Diyos ng sumuway siya sa  kautusan na nagbabawal sa mga Israelita na mag-asawa ng mga babaing Moabita, Edomita, Sidonio, at Heteo  (Deut 7:1-7). Alam ng Diyos na ang mga lahing ito ang magliligaw at hihikayat sa kanyang sumamba sa mga diyus-diyusang tinutukoy ng Biblia. At gayon nga ang nangyari (1 Hr 11:3-8). Hindi naipagpatuloy ni Solomon ang pagiging matapat sa utos ni Yahweh ng siya ay maakit ng mga paganong asawa na magpagawa at sumamba sa mga karumal-dumal na diyus-diyusan ng mga dayuhan (1 Hr 11:9-13).

41 Ang Ahas na ipinagawa ng Diyos kay Moises ay sinira ni Haring Ezequias hindi dahil sa ito ay isang sagradong imahen ng Diyos kundi dahil sa ito na mismo ang dinidiyos ng mga Israelita. Tinatawag nila ang Ahas na ito ng Nehustan at pinagsusunugan pa nila ito ng kamanyang. Ang kontexto ay nagpapakita ng pagkahumaling ng mga Israelita sa iba’t-ibang uri ng mga diyus-diyusan at ang pagtatangka na ihalo ang maraming kaugaliang pagano sa dalisay na pananampalataya kay Yahweh. (Tingnan ang 2 Hari 17:29-18:8).

42 Sa Lumang Tipan ang sinumang natuklaw na tumingin sa ahas na tanso ay hindi mapapahamak. Gayundin naman, sa Bagong Tipan ang sinumang sumampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mapapahamak kundi magtatamo ng buhay na walang hanggan .

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s