Idolatria ang Pagluhod sa Harap ng Rebulto

tissot_moses_and_joshua_in_the_tabernacle

 

 

Isa sa mga patunay ng mga Protestante tungkol sa puna na sinasamba daw ng mga Katoliko ang mga imahen ay ang pagluhod sa harap nito. Naniniwala sila na ang pagluhod at pagyukod sa harap ng isang tao o larawan nito ay tanda ng pagsamba.  Kaya kung hindi sang-ayon si Pedro sa gayong ugali ng pagsamba ng ito ay gawin patungkol sa kanya, hindi rin siya papayag na tayo ay yumukod sa harapan ng kanyang larawan.  Ayon sa kanila ang ganitong mga kilos ay hindi ipinahihintulot ng Biblia:

 

GAWA 10:25 Sinalubong ni Cornelio si Pedro at nagpatirapa sa harapan nito at sumamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumindig kayo. Ako’y tao ring tulad ninyo.”

(tingnan din Pahayag 19:10; 22:8-9; Isaias 44:17-18)

ISAIAS 44:17 KJV At ang labis niyaon ay ginagawa niyang dios, samakatuwid baga’y kaniyang larawang inanyuan: kaniyang pinagpapatirapaan at sinasamba, at dinadalanginan, at nagsasabi, Iligtas mo ako; sapagkat ikaw ay aking dios.

 

Ngunit malinaw na kailanman ay hindi iniutos ng Simbahan na sambahin ng tao ang kanyang kapwa tao. Hindi rin iniutos ng Simbahan na sambahin ang mga imahen o larawan na matatagpuan sa mga Simbahan.  Ang mga ganitong puna ay inimbento lamang ng mga nagrebelde at humiwalay sa pananampalatayang matatalunton pa pabalik sa unang siglo – sa panahon ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ang mga imahen o larawan ay representasyon lamang na nagsisilbing visual aids46 upang kahit paano ay mapukaw ang ispiritwal na aspekto ng ating kamalayan. Kaya sa harap ng altar ay hindi natin kailanman sinasabi ang panalangin na, “Ama naming rebulto…” Sa halip ang sinasabi natin sa ating mga panalangin ay ganito:  “Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo …” Siguro naman ay hindi maitatanggi ang malaking pagkakaiba ng dalawang nabanggit na pangungusap.47  At hindi ito dapat ituring na isang uri ng pagkakasalang idolatria ayon sa pamantayang ginagamit ngayon ng mga pundamentalista.48

 

Gayundin hindi  itinuring ng Panginoon na idolatria ang ginawa ni Solomon ng pangunahan niya ang paghahanda para sa pagdiriwang sa harap ng Kaban ng Tipan bago ito ipasok sa Dakong Kabanal-banalan at ilagay sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. (1 Hr 8:5-6). Tulad ng binanggit na, si Solomon na binigyan ng karunungang walang kapantay (1 Hr 4:29) at katangian na makaalam ng mabuti at masama (1 Hr 3:5.9 KJV) ay hindi naging makitid ang isip upang ituring ang pagluhod sa harap ng altar bilang walang ibang kahulugan kundi paglabag lamang sa utos ng Diyos.

 

1 HARI 8:54 BSP  Pagkatapos ni Solomon sa lahat niyang panalangin at pagluhog kay Yahweh, tumindig siya mula sa pagkakaluhod sa harap ng altar ni Yahweh, nakataas sa langit ang mga kamay.

(tingnan din Exodo 25:17-22; Exodo 30:1-2)

JOSUE 7:6 At pinunit ni Josue ang kanyang suot, at lumuhod sa harap ng kaban ng Panginoon hanggang kinahapunan, siya at ang mga matanda ng Israel; at sila’y nagsipaglagay ng alabok sa kanilang ulo.

 

Ang pagluhod at pagyukod ay hindi palaging nangangahulugan ng pagsamba (latria). Maaari rin itong mangahulugan ng respeto o paggalang (dulia).   Pinatutunayan mismo ng Biblia na ang pagluhod ay hindi kailanman binanggit sa Biblia upang bukod tanging tumukoy lamang sa pagsamba (Gen 41:38-43; Gen 33:5-7).   Malinaw sa isip ng lingkod ng Diyos na si Daniel ang pagkakaibang ito kung kaya hindi niya pinigil ang Haring Nabucodonosor ng ito’y magpakababa sa kanyang harapan.49

 

DANIEL 2:46 Nagpatirapa si Haring Nabucodonosor sa harapan ni Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang sambahin ito sa pamamagitan ng mga handog at iba pang alay.

(ihambing sa 2 Hari 2:15; 1 Cronica 21:21)

 

Ang pagpapakababa sa harap ng mga banal ng Diyos ay tanda ng pagkilala sa kanila bilang mga imahen ni Cristo o templo ng Espirito Santo.  Ibig sabihin  kinikilala ng Simbahang Katoliko ang kabanalan ng Espirito Santo na kumikilos sa buhay at  pagkatao ng isang Cristiano na lubusang nagtalaga na ng lahat-lahat sa kanya alang-alang sa paghahari ng Diyos.  Kinikilala rin ng Simbahan ang katotohanan na sa kanyang  pagkatao ay nakatago ang natatanging presensya ni Cristo (Mt 25: 34-40). Na kung saan maaari niyang sabihin kaisa ni Pablo na:

 

GALACIA 2:19b- 20a  Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. At kung ako ma’y buhay hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin …

(tingnan din Genesis 1:26; Efeso 4:24; 2 Corinto 3:18; Colosas 3:9-10)

1 CORINTO 3:16-17 Hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espirito? Parurusahan ng Diyos ang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.

 

Ang tao ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos (Gen 1:26). Sa pamamagitan ng karangalang taglay ng mga banal ay maliwanag na naihahayag ang kalikasang di-nakikita, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos (Rom 1:20; Mt 25:39-40).  Angkop lamang,  kung gayon, ang pagkilala at pagpaparangal sa mga santo na pinabanal ng Diyos at nagpakita ng bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos – kalarawan ng kanyang katuwiran at kabanalan (Ef 4:24 MBB; 2 Cor 3:18 MBB; Col 3:9-10).

 

 

46 Mas madali nating mauunawaan ang kahalagahan ng mga visual aids kung uunawain natin na iba ang wika ng dumating na mga unang misyonerong Katoliko sa Pilipinas at iba rin ang wika ng mga katutubong Pilipino na dinatnan nila sa ating bansa.  Paano ituturo ang Biblia sa mga tao na may ibang alpabeto at karamihan ay hindi marunong bumasa? Iyan ang dahilan ng pagkakaroon ng senakulo at iba pang mga palabas sa layunin na totoong maipahayag  ang ebanghelyo ni Cristo.

47 Sa isang programa sa telebisyon na may pamagat na Bob Garon Debates  (Channel 21, Oktubre 2001) ipinaliwanag ko sa mga ka-debateng Pastor Protestante  na anuman ang kanilang sabihin hindi pa rin nila maitatanggi ang katotohanan na  magkaiba ang mararamdaman ng isang tao na pumapasok sa isang gymnasium kung ihahambing sa mararamdaman ng isang tao na pumapasok sa isang Simbahan. Dito ay hindi  sila nakapagbigay ng may saysay na argumento laban sa nakapupukaw-diwa na halaga ng altar na nagpapaalaala ng presensya ng Diyos.

48 Tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan (New York: Watchtower Bible and Tract Society, 1986), 178-183; gayundin ang aklat ni Anthony Pezzotta, Truth Encounter (Makati: Foreign Mission Board, SBC,  1996), 217-231.

49 Demetrio Dacio, Doktrina at Apologetika 1 (PMAS, Arkidiocesis ng Maynila: PBM Publications, 1985), 84

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s