Tradisyon at Mahisteryo ang Saligan ng Pananampalatayang Katoliko

catholicauthority

 

 

Itinuturo ng mga Protestante na naiiba ang mga Katoliko sapagkat Tradisyon at Mahisteryo ang pangunahing binibigyan ng pagpapahalaga ng Simbahan at hindi ang Biblia. Para sa kanila isang malaking kamalian ito sapagkat walang gayon na itinuturo ang Biblia.  Hindi daw dapat mag-alinlangan na Biblia lamang (Sola Scriptura) ang dapat na maging saligan ng tunay na pananampalatayang Cristiano. Ipinapahayag nila na ang mga apostol mismo ay nagpapatotoo na ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay naisulat para sa ikatututo natin:

 

ROMA 15:4 KJV Sapagkat ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa.

1 CORINTO 2:13  Sa mga nagtataglay ng Espiritu, ang ipinaliliwanag nami’y mga katotohanang espirituwal; mga pananalitang turo ng Espiritu at hindi ayon  sa karunungan ng tao ang ginagamit namin.

2 PEDRO 1:21 KJV  Sapagkat hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Diyos, na nangaudyokan ng Espirito Santo

 

Batay sa mga binanggit sa itaas mahalagang maituwid ang maling paniniwala na nilikha ng mga Protestante na sa Simbahang Katoliko, Tradisyon at Mahisteryo ang pangunahing binibigyan ng pagpapa-halaga at hindi ang Biblia. Sa pananampalatayang Katoliko pantay na pagtingin ang ibinibigay na pagpapahalaga ng Simbahan sa Biblia, Tradisyon, at Mahisteryo. Hindi maaaring mawala ang alinman sa isa sa mga nabanggit.  Kung kaya isa-isa nating sisikapin na sagutin ang mga texto na ginagamit bilang batayan.

 

Una, maliwanag ang nakasulat na, “…ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa (Roma 15:4 KJV).   Walang binanggit sa textong ito na Biblia lamang ang dapat na maging saligan ng tunay na pananampalatayang Cristiano.  Wala ring tahasan at malinaw na itinuturo ang Biblia na Biblia lamang ang kailangan upang maligtas.  Na ito lamang ang dapat na pagmulan ng ating pananampalataya.  Ang paniniwalang tulad nito ay hindi kailanman pumasok sa isip ni  Pablo,  Pedro o ng sinumang apostol.  Hindi ito itinuro ng Panginoong Jesu Cristo. Interpretasyon lamang ito ng mga Protestante na napaniwala ni Martin Luther.

 

Ikalawa, sa sumunod na textong binanggit sa itaas (1 Cor 2:13), ang nais ni  Pablo na ipaunawa ay ang kahalagahan ng pag-iwas sa mga haka-haka o ispekulasyon na nagiging sanhi ng pagmamalaki o paghamak sa mga kapwa lingkod ng Diyos. Ang kontexto ay nagbibigay linaw sa pagtatangka ni  Pablo na patunayan sa mga Cristiano sa Corinto ang kanyang sariling kaloob bilang propeta at apostol.  Hindi ito isang isyu na nagpapaliwanag sa pananampalataya na dapat ay bukod tanging nakasalig sa Banal na Kasulatan.

 

1 CORINTO 2:13-14  Sa mga nagtataglay ng Espiritu, ang ipinaliliwanag nami’y mga katotohanang espirituwal; mga pananalitang turo ng Espiritu at hindi ayon sa karunungan ng tao ang ginagamit namin. Sapagkat ang taong di nagtataglay ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang  sa paraang espirituwal.

(tingnan din 1 Corinto 14:36-37)

 

Ipinagtanggol ni  Pablo ang kanyang karapatan at ipinaliwanag ang tungkulin ng iba pang mga lingkod – hindi ito dapat na maging sanhi ng hidwaan, pagkakawatak-watak  at kasalanan sapagkat ang bawat isa ay bahagi ng plano ng Diyos.

 

1 CORINTO 1:10-13  Mga kapatid, ako’y nananawagan sa inyo sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo: magkaisa kayo sa pananalita, isipa’t layunin upang mawala sa inyo ang pagkakabaha-bahagi. Sapagkat ibinalita sa akin ng mga tauhan ni Cloe na kayo raw ay may mga alitan. Ito ang tinutukoy ko: sabi ng isa, “kay “Pablo ako”; sabi naman ng isa, “Ako’y kay Apolos.” May iba namang nagsasabi, “Kay Pedro ako”; at may nagsasabi pang, “Ako’y kay Cristo.” Bakit? Nahahati ba si Cristo? Si Pablo  ba ang ipinako sa krus  para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa ngalan ni Pablo?

1 CORINTO 3:5-7  Sapagkat sino si Apolos? At sino si Pablo? Kami’y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananalig kay Cristo. Ginagawa ng bawat isa ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim ni ang nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos na siyang nagpapatubo at nagpapalago.

(tingnan din ang 1 Corinto 4:6)

 

Ipinahihiwatig ni Pablo na bawat isa ay may kanya-kanyang kaloob na sa pamamagitan nito ay mabuo ang iisang katawan (1 Cor 12:8-12.20) na walang iba kundi si Cristo na bagong templo na humalili sa templo ng mga Judio (Jn 2:19). Kaya hindi nararapat na mawasak ang templong ito na tumutukoy rin sa atin (1 Cor 3:16-17) sa pamamagitan ng hidwaan, pagkakawatak-watak at kasalanan.  Kung binanggit man na “huwag lalampas sa nasusulat” ito ay sapagkat sapat na ang aral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus.  Pinatunayan lamang ng kamatayan ni Cristo sa krus ang kahangalan ng mga marurunong (1 Cor 1:18-25); na sa pamamagitan nito ay naging posible ang pagkakasundo at pagbubuklod sa iisang katawan (Col 1:20; Ef 2:16).

1 CORINTO 3:19-23  Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos.Ganito ang sinasabi sa Kasulatan, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.” Gayon din, “Alam ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.”Kaya’t huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Ang lahat ay inyo: si Pablo, si Apolos, at si Pedro; ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap – lahat ng ito’y sa inyo. At kayo’y kay Cristo, at si Cristo nama’y sa Diyos.

(tingnan din Job 5:13; Awit 94:11; Isaias 29:14 BSP; Jeremias 9:23)

 

Ikatlo, ang binanggit sa ikatlong texto (2 Pd 1:21 KJV) na propesiya o hulang nagmula sa mga taong kinasihan ng Espirito Santo ay tumutukoy sa mga propeta ng Lumang Tipan.  Binibigyang katwiran ni  Pedro sa kanyang sulat na ang pagdating ni Jesu-Cristong Panginoon ay hindi nakasalig sa mga alamat na kathang-isip lamang ng mga tao kundi ito ay ibinunyag sa hula sa udyok ng Espirito Santo.

 

2 PEDRO 1:16 BSP  Malaman ninyo na hindi alamat at kathang-isip ang aming sinundan sa pagpapakilala sa inyo ng kapangyarihan at pagdating ni Jesucristong ating Panginoon. Naging mga saksi kami sa kanyang kadakilaan.

(tingnan din ang mga talata 17 hanggang 21)

 

Totoo na mahalagang ang pananampalataya ay nakabatay o nakasalig sa Banal na Kasulatan sapagkat naglalaman ito ng “kasaysayan” ng pananampalataya ng sinaunang mga Cristiano. Subalit hindi ibig sabihin nito na ang pananampalataya ay dapat na“tanging” nakabatay o nakasalig lamang sa Banal na Kasulatan.19  Kung ang Biblia ay ipinag-utos ni Jesus na maging tanging batayan ng pananampalataya at ang bawat isa ay may karapatang magpaliwanag nito, lilitaw na hindi siya nagtakda ng isang kapangyarihan na lulutas at magpapasya sa mga suliranin na ibubunga ng magkakaibang interpretasyon.20 Ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan (1 Cor 14:33 RSV).  At dapat isaalang-alang na ang pananampalataya ng sinaunang mga Cristiano ay hinubog ng mga karanasan at kaisipan ng kanilang limitado at primitibong daigdig. Hindi maiiwasang mapuna ang katotohanang makikita sa Biblia ang mga limitasyong taglay ng bawat may-akda.

 

Sa mga sitwasyon na ang Iglesya o Simbahan ay hinahamon na magbigay ng paglilinaw sa isyu ng pananampalataya ipinakikita nito ang karapatan at kapangyarihang magpasya upang mapanatili ang kaayusan at pagkakaisa sa pamamagitan ng Konsilyo o Kapulungan (Gw 15:1-21).  Ang taglay na karapatan at kapangyarihang ito ang sumupil at humadlang laban sa mga maling turo na lumitaw ng mga nakaraang panahon. Ang pangako ng Panginoong Jesus na siya ay laging makakasama ng kanyang mga alagad sa lahat ng panahon (Mt 28:20) at na ang kanyang Iglesya ay hindi madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan o kasinungalingan (Mt 16:18; 1 Tm 3:15) ang nagsisilbing katiyakan  na ang mga pinagkatiwalaang lingkod ni Cristo ang tatanggap ng patnubay ng Espirito Santo upang magbigay linaw sa mga hiwaga ng Diyos.

 

JUAN 15:26-27  “Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu ng Katotohanan, ang paparito mula sa Ama. Susuguin ko siya sa inyo buhat sa Ama, at siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa’y kasama ko na kayo.

(tingnan din ang Juan 16:12-13

1 CORINTO 4:1-2  Kami’y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos – ganyan ang dapat na maging palagay ninyo sa amin. Ang katiwala’y kailangang maging tapat sa kanyang Panginoon.

 

Ang totoong Simbahan ay mayroong pinagkakatiwalaang mga lingkod ng Diyos na tumatanggap ng patnubay ng Espirito Santo upang magbigay linaw21 ukol sa mga hiwaga ng Diyos. Ganito ang naging karanasan ng Etiopeng Eunuko na kahit pa siya ay isang opisyal ng pamahalaan ang taglay niyang katungkulan at karunungan ay hindi naging garantiya upang kanyang maunawaan ang Banal na Kasulatan. Ang katotohanang ito ay di nahihiyang tinanggap ng nabanggit na mataas na opisyal ng bansang Etiopia. Samakatuwid ipinauunawa lamang sa atin  na mayroong  nakatalaga sa gawain ng pagpapaliwanag.

 

GAWA 8:27-35  Kaya’t naparoon si  Felipe. Sa darating naman ang isang Etiopeng eunuko. Siya ang tagapamahala sa lahat ng kayamanan ng Candace o reyna ng Etiopia. Nagpunta siya sa Jerusalem at sumamba sa Diyos.Siya’y pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” sabi ng Espiritu kay Felipe. Patakbong lumapit si Felipe, at narinig niyang binabasa ng eunuko ang aklat ni Propeta Isaias. Kaya’t tinanong niya ang eunuko, “Nauunawaan po ba ninyo ang inyong binabasa?””Paano kong mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” sagot nito. At si Felipe’y inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa tabi niya. Ito ang bahagi ng Kasulatang binabasa niya:

“Kung paanong walang imik ang tupa na dinadala sa patayan

O ang Kordero sa harapan ng manggugupit,

Gayon din naman, hindi siya nagbuka ng kanyang bibig.

Siya’y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.

Walang maitatala tungkol sa kanyang mga inapo

Sapagkat kinitil dito sa lupa ang kanyang buhay.”

“Sabihin mo nga sa akin,” wika ng eunuko kay Felipe, “sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?” Buhat sa kasulatang ito’y isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Mabuting Balita tungkol kay Jesus.

 

Nagbibigay linaw ang pahayag ng Etiopeng eunuko na hindi sapat ang Biblia.  Kailangan ng sinumang nais makaunawa sa Salita ng Diyos ng isang may karapatan sa pagtuturo (ang Mahisteryo).   Si  Pablo mismo ay may tagubilin na “ang mga narinig sa kanya sa harapan ng maraming saksi ay ituro sa mga taong mapagkakatiwalaang magturo naman sa iba” (2 Tm 2:2).  Hindi hinayaan ng Panginoon na tuparin ng mga Cristiano ang kautusan at magpasya sa mga isyu ng walang ibinibigay na kapangyarihan sa Iglesya (Mt 18:17-18). Walang anumang tagpo sa Biblia ang maaalala na basta na lamang binigyan ni Jesus ang kanyang mga alagad ng Biblia at hinayaan sila na ipaliwanag ito batay sa kanilang pagkakaunawa.  Malinaw nitong itinuturo na walang sinuman ang makapagpapaliwanag sa Kasulatan sa bisa ng kanyang sariling kakayahan (2 Pd 1:20).  May mga bahagi sa Kasulatan na mahirap unawain at binibigyan ng maling kahulugan ng mga di nag-aral at ng mga walang tiyaga (2 Pd 3:16 BSP).  Kaya hindi bahagi ng patakaran ng sinaunang mga Cristiano ang pagbalewala sa itinatalaga ng Iglesya na maging tagapagturo ng Banal na Kasulatan (Mt 10:40; Lc 10:16).

 

 

19 Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang DEI VERBUM, Dogmatic Constitution on Divine Revelation (Manila: St. Paul Publication, 1993) chapter 11 passim.

20 Stenhouse,  Tuligsa ng Fundamentalista, 21

21 Ibid, 11. Ayon sa kanya kung paanong ang Saligang Batas ay naisulat sa pamamagitan ng mga Kinatawan ng Bayan at mayroong itinalagang opisyal na tagapagpaliwanag (ang Korte Suprema),  sa ganoong liwanag din natin dapat makita ang hinahanap na kaayusan ng Diyos. Higit na sa Simbahan o Iglesya  natin unang dapat makita ang karapatang tulad nito kung totoo na matutupad ang pangakong Patnubay ng Espirito Santo (Jn 14:16.26; 15:26; 16:13)  sapagkat ito ang itinalagang maging (katiwala) haligi at saligan ng katotohanan (1 Tm 3:15).

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s