Ang mga Sakramento ay Ipinagbibili ng mga Paring Katoliko

sacraments 

 

 

Kasama sa mga puna na ginagawa laban sa Iglesya Katolika ay ang tungkol sa mga Sakramento. Ayon sa mga Protestante ang mga sakramento tulad ng: binyag, kumpil, kasal, misa atbpa. ay may mga kaukulang bayad kapag tinutupad ng Pari sa Iglesya Katolika. Ang ganitong kaugalian ay paglabag sa kalooban ng Diyos at itinuturing sa Biblia na “simonyo” sapagkat naipagbibili ang banal na bagay o ang libreng kaloob na biyaya ng Diyos (Gw 8:9-11.18-20). Ayon sa kanila maliwanag ang pahayag ng Biblia tungkol sa bagay na ito:

 

1 CORINTO 9:18 Ano ngayon ang aking gantimpala? Ang maipangaral ko ng walang bayad ang Mabuting Balita at ang di ko pagkuha ng nauukol sa akin bilang tagapangaral.

MATEO 10:8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo ng walang bayad.

(tingnan din Mikas 3:11)

 

Sa biglang dinig ay para bang mahirap maging mananampalataya sa Iglesya Katolika sapagkat mula sa kanyang pagsilang (binyag), kasama na ang pagsasakatuparan ng ibang mga sakramento, hanggang sa kanyang kamatayan (misa taon-taon) ay may obligasyon  ang isang Katoliko na magbigay ng arancel para sa paglilingkod ng Pari. Ngunit ang mga dating Katoliko na rin mismo ang makapaghahambing na naging higit na mabigat ang hinihinging obligasyon sa kanila ngayon sa pag-aabuloy. Ito ay sapagkat tuwing may pagsamba “obligado” na silang maglagay ng abuloy sa sobre.137 Hindi man hayagang ipinapataw ang obligasyon, sa pamamagitan ng kanilang pangangaral ay ipinababalikat ito sa kanilang konsyensya. Higit na mabigat kung ang doktrina o aral na kanilang tinanggap ay may kaugnayan sa pag-iikapu.138 Sapagkat bukod sa ikapu ay may tinatawag pa silang Offering. Napaniwala ng mga Pastor ang kanilang mga kaanib na masama ang taong sumasamba nang hindi naglalagay ng  abuloy sa sobre. Iniaaral nilang ito ay isang uri ng pagnanakaw sa Diyos na may kasamang parusa o sumpa para sa sinumang lalabag. At upang makatiyak na tatalab ang kanilang aral ay babasa sila ng texto na nagbibigay ng pangako sa sinumang magbibigay ng ikapu at kaparusahan naman o pananakot  para sa sinumang magdadamot. Ang texto na kanilang binabasa ay hindi na napapanahong mga texto:

 

MALAKIAS 3:8-10 Ang tanong ko nama’y, matuwid bang dayain ng tao ang Diyos? Hindi, ngunit dinadaya ninyo ako. Sa paanong paraan? Sa mga ikapu at mga handog. Isinumpa ko kayong lahat sapagkat ako’y dinadaya ng buong bansa. Ibigay ninyo ng buong-buo ang inyong mga ikapu upang matugunan ang pangangailangan sa aking templo. Subukin ninyong gawin ito, kung hindi ko buksan ang mga durungawan ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala.

GAWA 5:1-5 Mayroon namang mag-asawa na nagbili rin ng lupa; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. Binawasan ni Ananias ang pinagbilhan, kaalam ang kanyang asawa, at bahagi lamang ang ibinigay sa mga apostol. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Ananias, ano’t napadaig ka kay Satanas, at nagsinungaling sa Espirito Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan ng lupa? Nang hindi pa naipagbibili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At ng maipagbili na, hindi ba iyo ang pinagbilhan? Bakit mo pa naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling – sa Diyos ka nagsinungaling!

 

Kaya kahit kapos ang kita at wala na halos maitustos sa pangunahing pangangailangan ng pamilya ay napipilitan pa sila na magbigay para sa gawain daw diumano ng Diyos. Upang maipakita na may batayan din ang paniniwalang ito sa Biblia, ang Pastor o Ministro ay babasa ng hindi na naman angkop na mga texto mula sa Sulat ni  Pablo at mula sa Ebanghelyo (2 Cor 8:1-4; Lc 6:38).

 

Nakalulungkot man banggitin ang katotohanan, itinatanim ng ilang mga Pastor sa isip ng kanilang mga kaanib na ang pagbibigay ay tulad ng isang “capital o investment” na kikita sa takdang panahon.139 At narito ang halimbawa ng mga texto na kanilang paulit-ulit na ginagamit sa kanilang mga pangangaral:

 

KAWIKAAN 3:9-10 Si Yahweh ay handugan mo, bahagi ng kayamanan Pinakamainam na ani mo sa kanya ay ibigay. Sa gayon, kamalig mo ay lagi ng aapaw. Sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.

KAWIKAAN 11:24 Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman. Ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.

 

Upang matigil na ang pag-abuso sa paggamit ng hindi angkop at hindi napapanahong mga texto mula sa Banal na Kasulatan mahalagang maipaunawa ang mga maling batayan  ng mga pundamentalistang Pastor at Ministro na gumagamit nito upang makalikom sa kanilang koleksyon. Sa paggamit ng mga texto, kapuna-punang hindi isinasaalang-alang ng mga pundamentalista ang karanasan, mga kabiguan, suliranin, intriga at pagkakabaha-bahagi sa sinaunang iglesya.140

 

Batay sa pag-aaral ng mga iskolar, may ilang mga dahilan kung bakit isinagawa ang pagbubukod ng halagang makakaya at nagkaroon ng banggit na koleksyon sa mga pamayanang Cristiano (1 Cor 16:2-3). Ito ay ang mga sumusunod: Una, hindi kailanman hiningi ang pag-iikapu sa panahon ng Bagong Tipan. Maliwanag na hindi naman ipinabalikat ni Jesus ang ganitong uri ng utos sa mga Cristiano (Mt 23:23; Heb 8:6-8). Sa halip, ipinakita niyang higit dito ang kanyang inaasahan. Nais niyang ipagbili ng sinumang nagnanais sumunod sa kanya ang lahat ng kanilang ari-arian at ipamahagi sa mga dukha. At dahil sa mahigpit at literal na pagsunod ng ilang mga Cristiano sa utos, sila ay  naging mga totoong dukha.

 

LUCAS 18:22 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.”

LUCAS 14:33 Gayon din naman hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”

LUCAS 12:33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang makalalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tanga.

 

Ikalawa, posible na alam ng mga unang Cristiano na ang utos ng Panginoon na binanggit sa itaas ay hindi ipinatutupad sa lahat ng tao sa lahat ng panahon. Ang utos ni Jesus ay hindi inunawa at literal na sinunod ng unang mga Cristiano na lumikha ng mga pamayanan. Ipinagbili nga nila ang lahat ng kanilang ari-arian ngunit ito naman ay ibinibigay sa mga apostol at sila naman ang namamahagi ayon sa pangangailangan ng bawat isang Cristiano. Na kung saan ay ninais nilang alisin ang lahat ng sagabal sa mga magkakapatid lalo na ang nalilikha ng pera.

 

GAWA  4:32-35 Nagkaisa ang damdami’t isipan ng lahat ng sumasampalataya at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Ang mga apostol ay patuloy na gumagawa ng kababalaghan at nagpapatotoo sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang nagdarahop sa kanila, sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

GAWA 2:44-45 At nagsama-sama ang lahat ng mga sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang ari-arian.. Ipinagbibili nila ito at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa

(tingnan din Gawa 4:36-37; 5:1-11)

 

Posibleng nabigo ang unang paghahangad ng mga Cristiano para sa isang buhay pamayanan.141 At posibleng nawaldas din lahat ito na naging dahilan ng pagkakaroon ng mga “maralitang kapatid sa Jerusalem”(Rom 15:25-27).  Ikatlo, maaaring nasabay sa suliranin ng Iglesya ang pagkakaroon ng taggutom sa Judea at sa Jerusalem taong 48 AD (Gw 11:27-30). Ang taggutom ay bunga ng hindi magandang ani noong nakalipas na taon na nasabay naman sa hindi pagtatanim ng mga Judio upang maipahinga ang lupa. Ipinangako ni  Pablo na aalalahanin niya ang mga kapatid sa Jerusalem samantalang isinasagawa ang kanyang misyon sa mga di-Judio (Gal 2:10).

 

Posibleng isa sa mga nabanggit sa itaas ang dahilan kung bakit nag-organisa si  Pablo ng isang koleksyon para sa mga nangangailangang kapatid sa lahat ng mga Griegong pamayanan; umaasa siya na makatutulong ang pagkakapatirang ito sa pagpapatatag ng ugnayan ng mga Judio at Gentil (mga Griegong Cristiano).

 

ROMA 15:25-27 Ngunit ngayon, pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid doon. Sapagkat minabuti ng Macedonia at Acaya na magpadala ng abuloy para sa mga maralitang kapatid sa Jerusalem. Malugod nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Sapagkat ang mga Hentil ay nakabahagi ng mga pagpapalang espiritwal ng mga Judio, nararapat namang tulungan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng kanilang pagpapalang materyal.

 

Ang paglikom ng koleksyon para sa mga maralitang kapatid sa Jerusalem ay pinagpasyahan sa Konsilyo ng Jerusalem sa huling bahagi ng taong 50 AD matapos ang paglalakbay na binabanggit sa Gawa 15:36-18:22. Ang tulong na ito mula sa mga taga Corinto ay nililikom tuwing unang araw ng sanlinggo at tumagal ng mahabang panahon (2 Cor 8:10).

 

1 CORINTO 16:1-4 Tungkol naman sa tulong sa mga kapatid sa Judea, gawin ninyo ang tulad ng sinabi ko sa mga iglesya sa Galacia. Tuwing unang araw ng sanlinggo, magbukod na ang bawat isa ng halagang makakaya, at ipunin iyon upang hindi na kailanganin pang manghingi ng abuloy pagpariyan ko. Pagdating ko riyan, bibigyan ko ng sulat ang mga taong pipiliin ninyo upang magdala ng inyong tulong sa Jerusalem. At kung kailangang ako ang magdala, isasama ko sila.

2 CORINTO 8:1-4 Ibig kong ibalita sa inyo, mga kapatid, ang nagawa ng pag-ibig ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito’y isang mahigpit na pagsubok sa kanila.. At sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukas ang palad sa pagbibigay. Sila’y kusang-loob na nag-abuloy hindi lamang ayon sa kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito pagkat mahigpit nilang ipinamanhik sa akin na sila’y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid sa Judea.

(basahin ang 1 Corinto 9:1-18 at buong kabanata ng 2 Corinto 8 at 9)

 

Batay sa mga sumusunod na dahilan, hindi maikakaila na ginugulo lamang ng mga biblistang Protestante ang pananampalataya ng mga Katoliko. Sa layunin na maging iba lumikha sila ng puna na tulad ng nabanggit sa itaas upang makalikha ng impresyon na walang batayan sa salita ng Diyos ang karapatang taglay ng Pari na tumanggap ng abuloy o upa. At sa puntong ito ay malimit nilang gamitin bilang paliwanag ang prinsipyo ni  Pablo ukol sa kalayaang pang-pinansyal (1 Ts 2:5.9; 1 Cor 9:4-18; 2 Cor 12:13-18). Ngunit linawin muna natin na ang Sulat ni Pablo sa mga taga Corinto ay naisulat sa layunin na lutasin ang mga sanhi ng pagkakabaha-bahagi (1 Cor 1:11-13; 3:3-8) at upang ituwid na rin ang mga maling impresyon o paratang laban sa kanya tungkol sa tinatanggap na mga tulong (1 Cor 9:2-4). Itinutuwid si Pablo ng mga taga Corinto posibleng dahil sa impresyon na labis ang tulong na tinatanggap niya. Kaya ipinagtatanggol niya ang kanyang sarili laban sa maling balita na kanilang ikinakalat.

 

1 CORINTO 9:15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko kayo sinusulatan upang bigyan ninyo ako ng tulong. Iibigin ko pa ang mamatay muna kaysa alisin sa akin ninuman ang batayan  ko sa pagmamalaki!

 

Upang patunayan ang pagwawalang-bahala sa kanyang sariling karapatan (sa bayad o upa) hindi siya naging palaasa sa tulong at sa halip ay nabuhay sa pamamagitan ng paggawa (1 Cor 4:12-13; 1 Ts 2:9; Gw 18:3). Sa binanggit niyang argumento sa 1 Corinto 9:7-8.13 ipinakita lamang ni Pablo na malaya niyang pinili na huwag tanggapin ang taglay niyang karapatan at pribilehiyo bilang lingkod ng Diyos. Ginamit niyang batayan sa pagmamalaki ang hindi niya pagtanggap ng anuman sa mga taga-Corinto na ang ginagawa ay siraan o pagdudahan siya sa mga tulong na tinatanggap niya. Ang parirala na nagsasaad ng, “di ko pagkuha ng nauukol sa akin” o ang “hindi paggamit ng aking karapatan” (sa Griego, katachraomai) ay sadyang ginamit ni  Pablo sa talatang 18 upang pagtakpan ang hangarin sa pakinabang na nasa kanyang kaisipan, sapagkat samantalang nasa  Corinto si  Pablo ay tumatanggap din naman ng tulong sa Macedonia.

 

2 CORINTO 11:7-9 SNB  Masama kaya ang ginawa ko dahil nagpakababa ako upang kayo’y mataas? Ipinangaral ko sa inyo ang Ebanghelyo nang walang bayad. Para kong ninakawan ang ibang mga iglesia dahil tumanggap ako ng upa mula sa kanila upang mapaglingkuran ko kayo. Nang kinapos ako noong ako’y naririyan, hindi ako humingi sa inyo ng kahit na ano, dahil dumating ang mga kapatid mula sa Macedonia at ibinigay nila ang lahat ng aking kailangan. Iniwasan ko ang makabigat sa inyo, at iyan ang patuloy kong gagawin.

 

Kaya dahil dito ipinakita ni  Pablo na ang prinsipyo niya ay ang tumanggap ng tulong doon lamang sa mga iglesyang hindi niya kasalukuyang tinitigilan (Fil 4:15-16).   Marahil ay upang maiwasan ang sapilitan o labag sa kalooban na pagbibigay ng tulong sa kanya. Naniniwala si Pablo na mahalaga para sa isang nagbibigay ang ugaling may pagkukusa at hindi napipilitan lamang.

 

2 CORINTO 9:7 Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob.

2 CORINTO 8:8 Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig.

ROMA 12:8 at mangaral ang may kaloob na pangangaral.. Kung pag-aabuloy, mag-abuloy nang buong kaya; kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung nagkakawang-gawa, gawin ito nang buong galak.

 

Ang mapapansin natin na ipinahihiwatig sa mga nabanggit na pagsusuri ay ito: Ang iglesya ay isang buhay na institusyon na nagpapasya kung paano maiaangkop ang mga salita ng Panginoon sa buhay at pananampalataya. Sa puntong ito ay kinikilala pa rin natin ang karapatang ipinagkaloob sa tagapangasiwa ng Iglesya, alinsunod sa patnubay ng Espirito Santo, na makapagpasya ng pagbabago sa bisa ng kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanya.

 

MATEO 16:19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi sa kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.

LUCAS 10:16 “Ang nakikinig sa inyo’y nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyo’y nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”

 

Hindi natin maaaring itanggi ang katotohanan na mayroon ngang karapatan ang mga lingkod ng Diyos na tumanggap ng tulong mula sa kanilang pinaglilingkuran. Maaaring ang maging pagtatalo lamang ay ang pananaw kung ano ang higit na angkop na salita na dapat itawag sa tinatanggap na tulong ng mga Pari mula sa kanilang pinaglilingkuran. Para sa iba tinatawag nila itong regalo, upa, bayad, suweldo, ambag, abuloy, kaloob o kaya ay arancel. Batid natin na anuman sa mga nabanggit ay hindi naman ipinagbabawal ng salita ng Diyos.

 

1 TIMOTEO 5:17-18 Pag-ibayuhin ninyo ang ibinibigay sa presbiterong mahusay mamahala, lalo na yaong nangangaral at nagtuturo ng salita ng Diyos. Ito ang sinasabi ng Kasulatan: “Huwag mong bubusalan ang baka habang ginagamit sa paggiik.” Nasusulat din: “Ang manggagawa ay karapat-dapat na bayaran.”

1 CORINTO 9:7.11-12a.13-14 Sinong kawal ang naglilingkod sa sariling gugol? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at di nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at di nakikinabang sa gatas nito?…Naghasik kami sa inyo ng pagpapalang espiritwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga kapakinabangang materyal mula sa inyo? Kung ang iba’y may ganitong karapatan, di lalo na kami!… Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay may bahagi sa mga handog na nasa dambana?  Sa ganyan ding paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng Mabuting Balita ay dapat mabuhay sa pamamagitan ng Mabuting Balita.

2 CORINTO 11:8 SNB Para kong ninakawan ang ibang mga iglesia dahil tumanggap ako ng upa mula sa kanila upang mapaglingkuran ko kayo.

GALACIA 6:6 SNB Ang mga tinuturuan ng Salita ng Dios ay dapat na tumulong at magbigay sa mga nagtuturo sa kanila.

JUAN 4:36 Ang gumagapas ay tumatanggap ng upa at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya’t magkasamang nagagalak ang naghahasik at ang nag-aani.

 

Batay sa mga textong nagpapakita ng karapatan ng mga lingkod ng Diyos nararapat kung gayon na baguhin na ang maling pananaw na ito ay walang batayan sa Banal na Kasulatan. Nararapat na baguhin na  natin ang maling paniniwala na ang mga sakramento ay nababayaran.142 Ang sakramento ay kaloob ng Diyos at hindi kailanman mapapantayan o mababayaran ng salapi. Kung mayroon mang itinakdang kaukulang arancel143 para sa mga partikular na paglilingkod ng Pari ay layunin nito na pairalin ang kaayusan at disiplina. Hindi dapat na ang pagbibigay ay maging okasyon para sa anumang uri ng intriga, di-pagkakapantay-pantay o pagmamayabang ng mga may-kaya sa ikapapahiya ng mga mahihirap (1 Cor 11:17-22).

 

Kung sa mga Sulat ni  Pablo ay mapapansin nating hindi niya inobliga ang iba’t-ibang iglesya na ipamahagi ang kanilang ari-arian batay sa utos ni Cristo (Lc12:33; 18:22;14:33), marahil ito ay dahil sa kinikilala niya na may kapangyarihan o karapatang ipinagkaloob sa sinumang tagapamahala na ipahintulot ang pagbabago batay sa tawag ng panahon, sitwasyon o pangyayari (Mt 18:18). At tulad ng dapat asahan, nagpapasya ang pamunuan sa Simbahan, alinsunod sa paggabay ng Espirito Santo (Jn 16:12-13) ukol sa kahulugan ng nararapat na pakikibahagi ng bawat isa sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.

 

 

137 Iba’t-iba ang pamamaraan ng paglikom ng koleksyon. Halimbawa, may kulto o sekta na dahil dalawang beses silang obligadong sumamba, dalawang beses din silang nagbibigay ng kontribusyon. May binabanggit sila na Handog Pasalamat na naiiba pa sa tinatawag nilang Tanging Handog. Ang tinagurian nilang Lagak sa iglesya ay hindi naman maaaring mabawi na sapagkat bahagi na ito ng koleksyon na inilaan  para sa Iglesya.  Nakapanlulumong isipin na angkop pa rin dito ang pananaw ni Martin Luther ng sabihin niya na, “Hindi nakatutuwa na sa  pang-araw-araw na karanasan ngayon sa ilalim ng Ebanghelyo  ang mga tao ay patuloy pa ring nakararanas ng higit at matinding pagkamuhi at inggit at masahol sa pagiging gahaman sa salapi  kaysa ng bago pa ang kapapahan.  Walch, XIII, 2195, batay sa pagkakasipi sa The Facts About Luther, p. 15

138 Ang ikapu ay tumutukoy sa ika-sampung bahagi ng kinikita. Halimbawa, ang isang empleyado na kumikita ng P10,000  bawat buwan ay may obligasyon na magbigay ng P1,000 sa Iglesya.  Hindi napapanahon ang ganitong patakaran sa panahong Cristiano. Si  Pablo ay eksperto sa Banal na Kasulatan at kailanman sa kanyang mga pangangaral ay hindi niya binanggit na dapat ay sundin o ipatupad sa iglesya ang kautusan sa pag-iikapu. Wala siyang anumang pagbibigay diin na ginawa na tulad ng ginagawa  ng mga pundamentalistang Pastor na ngayon ay naglilitawan (Is 56:11 KJV). Sa halip ang iminumungkahi niya ay ang pagbibigay na ibinatay sa pasya ng puso (2 Cor 9:7 ).

139 Jun A. Ballesteros. Mga Mahalagang Tanong at Sagot,  (Dagupan City: E.A. Ballesteros, Jr. Publications, 1997), 76

140 Katunayan hindi rin isinasaalang-alang ng mga Pastor at Ministro ang kasalukuyang malungkot na sitwasyon ng nakararaming manggagawa sa Pilipinas.  Marami sa mga nabanggit na manggagawa ang hindi nabibigyan ng mga kaukulang benepisyo at tamang pasahod. Ang lantarang paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ang dahilan kung bakit marami sa kanila ang hindi napipigil na magsagawa ng mga protesta at welga. Nais nilang ipaglaban ang kanilang mga lehitimong karapatan para sa isang uri ng buhay na may dignidad. Kung sa kabila nito ay magiging katuwang na pabigat ang isang samahan ng pananampalataya na pilit pa ring ipapataw ang pag-iikapu, sa aking palagay lihis na ito sa layunin ng Ebanghelyo ni Cristo.

141 Fernand Prat, SJ. The Theology of St. Paul. 2 vols. in 1. trans. John L. Stoddard (London and Dublin: Burns and Oates Ltd., 1964), 149.

142 Walang tunay na mananampalatayang Katoliko ang naniniwala na mayroong Pari na tatangging ipagkaloob ang nararapat na paglilingkod para sa mga maralitang nangangailangan ng Sakramento.

143 Mayroong ilang di-Katoliko na ang binibigyang-diin sa kanilang mga puna ay ang salitang “bayad” na diumano ay itinatapat sa mga kaukulang paglilingkod ng Pari. Sa pananaw ng mga Protestante at maging ng ilang nalilitong Katoliko, ang paglalagay ng kaukulang halaga ay nagpapalabo sa tunay na pagkakaiba ng “bayad” sa “abuloy o kaloob” (sa Espanyol, arancel). Sa aking palagay, hindi maitatanggi ang impluwensya sa buhay ng Iglesya ng nagbagong sistema ng komersyo.  Sa modernong paraan ng pakikipag-kalakalan ang lahat ng bagay ay nagkaroon ng nakatakdang halaga (fixed price). Ang ganitong patakaran ay nakatulong upang mailagay sa higit na kaayusan ang Simbahan sapagkat nabubura sa isipan ng sinumang nagnanais magbigay ng kaloob kung magkano ang halaga na kailangang ihanda bilang ambag sa Iglesya.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s