Pananampalataya at Hindi Mabuting Gawa ang Kailangan Upang Maligtas

faith-alone

 

Pangunahing itinuturo ng mga Protestante na ang kaligtasan ay matatamo sa pamamagitan ng pananampalataya lamang  (Sola Fide). Lihis ito sa paniniwalang Katoliko na naniniwalang hindi sapat ang pananampalataya kung walang mabubuting gawa. Ngunit para sa mga Protestante mali ang ganitong paniniwala. Ang mga gawa daw ay hindi makapagliligtas sa tao. Ayon sa kanila sapat na ang tanggapin lamang si Jesus bilang Panginoon at ikaw ay maliligtas.

ROMA 10:9  Kung ipahahayag ng iyong mga labi  na si Jesus ay Panginoon at mananalig ka ng buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.

ROMA 4:5  Datapwat ang hindi gumagawa kundi nananalig sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay pinawalang-sala dahil sa kanyang pananalig.

EFESO 2:8-9  Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Cristo. At ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman.

Mapupuna sa itaas na naging bahagi na ng tradisyong Protestante ang maling pag-uugali na pumili lamang ng ilang mga texto upang bigyang diin ang kahalagahan ng pananampalataya ng walang pagsasaalang-alang sa iba pang mga texto na nagbibigay-linaw kung paano matatamo ang nakalaang pangako para sa lahat ng tapat na Cristiano. Hindi binabanggit ng Biblia na pananampalataya lamang ang kailangan upang matamo ang kaligtasan at buhay na walang hanggan. Bagkus, ang Biblia mismo ang nagsasabi na matatamo ang nabanggit sa pamamagitan ng mga sumusunod:

sa pamamagitan ng bautismo o muling kapanganakan (Jn 3:5; 1 Pd 3:21; Tit 3:5)

sa pamamagitan ng biyaya (Gw 15:11; Ef 2:8)

sa pamamagitan ng pagkilala kay Cristo (Jn 3:16; Gw 16:31)

sa pamamagitan ng kanyang dugo (Rom 5:9; Heb 7:22)

sa pamamagitan ng mga gawa (Rom 2:6-7; San 2:24)

sa pamamagitan ng gawa ng Espirito (Jn 3:5; 2 Cor 3:6)

sa pamamagitan ng pagkaunawa sa katotohanan (1 Tm 2:4; Heb 10:26)

sa pamamagitan ng kanyang katwiran (Rom 5:17; 2 Ped 1:1)

sa pamamagitan ng katapatan hanggang wakas (Mt 24:10-13; 10:22; Apo 2:10- 11.26)

sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang katawan at dugo (Jn 6:53; Lc 22:19)

sa pamamagitan ng kanyang krus (Ef 2:16; Col 2:14)

sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ating mga labi (Lc 12:8; Rom 10:9)

sa pamamagitan ng pagpapatawad ng kasalanan (Jn 20:22)

sa pamamagitan ng pagsisisi (Gw 2:38; 2 Pd 3:9)

sa pamamagitan ng pagsunod sa utos na mag-ibigan (2 Jn 1:6; 1 Jn 4:7-21)

Kung Biblia ang gagamitin na batayan wala itong ipinakikitang texto na ang kailangan ng isang naghahangad ng kaligtasan ay pananampalataya lamang. Isang texto lamang ang may banggit ukol sa pananampalataya lamang at ito ay matatagpuan sa sulat ni  Santiago. Ang textong ito ang pinakaiiwasan na banggitin ng mga Protestante. Sapagkat sa mismong pinakapaboritong bersyon ng Biblia nila ito matatagpuan. Itinuturing nila itong tinik1 sa kanilang paniniwala.  Ganito ang banggit sa texto:

SANTIAGO 2:24 KJV Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa’y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

Kaya malaking bagay kung mauunawaan ng isang Protestante ang katotohanan na sa pagbabasa ng Biblia kailangan na palaging isinasaalang-alang ang kabuuang mensahe na matatagpuan sa Biblia. Bukod pa ito sa kinakailangang pagsasa-alang-alang ng intensyon at layunin ng sumulat. Hindi dapat na pipili lamang ng texto at puputulin ito upang maiangkop sa sariling interpretasyon ng Banal na Kasulatan. Na dito ay makabubuo na ng doktrina na magsisilbing batayan ng pananampalataya.

Ang pananampalataya ay hindi isa lamang teorya ng pagkilala sa Panginoong Jesu-Cristo gaya ng nais ipaunawa ng mga pundamentalista2. May kahulugan at relasyon ang pananampalataya sa bukal sa loob na mabuting gawa. Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang mahalagang bagay na ito.

Kung naipapahayag man natin sa pamamagitan ng ating mga labi ang pananalig kay Cristo bilang Panginoon maaari din naman natin itong gamitin sa pag-alimura ng kapwa. Hindi na ito dapat mangyari sapagkat tinubos  na tayo ng dugo ni Cristo sa krus ng kalbaryo. Maliwanag ang paalala nina  Santiago at  Mateo sa mga unang Cristiano:

SANTIAGO 3:9-10.13 Ito ang ginagamit natin sa  pagpupuri sa ating  Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa pag-alimura sa tao na nilalang na kalarawan ng Diyos. Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri’t pag-alimura. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. Sino sa inyo ang marunong at nakauunawa? Ipakita ninyo ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan.

MATEO 12:36 Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat salitang walang kabuluhan na sinabi niya.

(tingnan din Mateo 16:27)

Ang pananampalataya, higit sa lahat, ay kailangang makita sa mga kilos o gawa. Ayon kay  Pablo mismo, ang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ay dapat na patunayan sa  pamamagitan ng mabubuting gawa (Gw 26:19-20). Ang tila negatibong reaksyon o paglilinaw ni  Santiago sa kanyang mga pahayag ay tugon lamang niya sa mga Cristianong tumanggap ng maling interpretasyon sa mga Sulat ni  Pablo (2 Pd 3:15-16 MBB).  Sa sulat ay kanyang ipinaunawa na sa pamamagitan ng mga gawa inaring ganap si Abraham. Binigyang linaw niya na sa pamamagitan ng mga ginawa ni Abraham naging sakdal ang kanyang pananampalataya.

SANTIAGO 2:21-22 KJV Hindi baga ang ating amang si Abraham ay inaring ganap sa  pamamagitan ng mga gawa, dahil sa kaniyang  inihain si Isaac na  kaniyang anak sa ibabaw ng dambana? Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya;

Malaking suliranin para sa mga di-Katoliko na tanggaping ang Sulat ni  Santiago ay isang reaksyon ng pagtutol laban sa mga mangmang at mahihina na nagbibigay ng maling kahulugan at pag-unawa sa mga iniaaral ni  Pablo. Si  Santiago ang nagpapatunay  na hindi inaaring ganap ang pananampalatayang hiwalay sa mga gawa. Siya mismo ang nagpapatotoo na patay ang ganitong uri ng pananampalataya. Kaya mahalagang isa-kontexto ang kabuuan ng katotohanan na tayo ay maliligtas sa pamamagitan ng “buhay na pananampalataya” kay Jesus na Panginoon at Tagapagligtas3.

SANTIAGO 2:26  SNB Ang katawang walang espiritu ay patay. At patay rin ang pananampalatayang walang kasamang gawa.

SANTIAGO 2:19  SNB Sumasampalataya kang may iisang Dios? Mabuti iyan. Subalit ang mga demonyo man ay “sumasampalataya” rin – at nanginginoig pa nga sa takot!

SANTIAGO 2:14  SNB Mga kapatid, ano ang saysay noon kung sinasabi man ng isang taong sumasampalataya siya, kung wala namang gawang makita sa kanya?  Maililigtas ba siya ng gayong “pananampalataya”?

SANTIAGO 2:17  SNB  Ang pananampalatayang walang kasamang  gawa ay patay.

Hindi mahirap isipin na ang higit na mahalaga ay ang pananampalatayang nakikita sa gawang udyok ng pag-ibig. Sa pamamagitan ng pag-ibig gumagawa ang tunay na pananampalatayang nagliligtas sa atin (Gal 5:6b) at nagbubunsod sa ating tuparin ang kautusan4 (San 2:8). Ang Cristianong pag-ibig ay kaloob na walang-hangganan, na naghahatid sa ating maglingkod sa isa’t-isa (Gal 5:13-15). Kaya naman masasalamin sa mabubuting gawa na may kalakip na pag-ibig ang isang “buhay na pananampalataya5.”

1 CORINTO 13:2  Kung ako man ay may kakayahang maghayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya anupat napalilipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.

Malinaw na inaasahan ng Panginoon na ang tunay na pananampalataya ay magbunga ng gawa alinsunod sa kalooban ng Amang nasa langit (Mt 7:21-23). Para sa ebanghelistang si  Mateo kasama sa magiging batayan ng paghuhukom ang mga ginawang walang kondisyon, matuwid at mapagbigay na buhay ng tao sa mga pinakahamak nating kapwa – ang mga itinakwil, mga nagdurusa at mga api. Ipinahiwatig niya na marami sa mga papasok sa Kaharian ng Diyos ang mamamangha kapag natuklasan nila na kanilang nakatagpo at minahal ang Panginoon sa katauhan ng kanilang kapwa sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

MATEO 25:34-40  At sasabihin ng hari sa mga nasa kanan, `Halikayo mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa ng likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.` Sasagot ang mga matuwid, `Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?` Sasabihin ng Hari, `Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa  pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa..`

(tingnan din Santiago 2:15-16.20-24; Juan 5:29; Pahayag 20:12-13)

 

Gayunman,  hindi kailanman itinuro ng Simbahang Katoliko na ang mga gawang hiwalay sa pananampalataya kay Cristo ay magbubunga ng kaligtasan. Walang kabuluhan ang pananampalatayang hiwalay sa mabubuting gawa. Ang bawat mabuting gawa  ay dapat na ginawa ng bukal sa puso – walang kondisyon at udyok ng pananampalatayang may kalakip na pag-ibig. At dahil ginagawa niya ito ng walang kondisyon  – hindi na mahalaga pa kung ito ay kanyang nalalaman o  nalalaman ng kanyang kapwa. Ang mahalaga ay ang paniniwala na tinutupad niya ang kalooban ng Diyos. Ayon sa turo at aral ng Simbahan, “ang isang tao na walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugod-lugod sa Diyos6.”

 

HEBREO 11:6  At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nananalig sa kanya. Sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwalang may Diyos, at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa  kanya.

Kaya isang malaking kamalian ang paniniwalang  ang pagtanggap lamang kay Cristo bilang pansariling Tagapagligtas ang kailangan. Si Cristo ay ating magiging tunay na tagapagligtas kung tataglayin natin ang kinakailangang pananampalataya na pinatunayan ng mabubuting gawa. Pananampalataya na nagiging  sakdal dahil sa pag-aaring ganap na ginagawa ng Diyos alinsunod sa kanyang biyaya na matupad  natin ang lahat ayon sa kanyang kalooban. Isang uri ng pananampalataya na pumupukaw sa atin  upang kumilos sa kasalukuyan, “na waring nakikita ang di maaaring makita” (Heb 11).

1 Ang katotohanang ito ang iniwasan ni Martin Luther kung kaya ninais niya na alisin sa Biblia ng mga Cristiano ang Sulat ni Santiago. Itinuring niya ang Sulat ni Santiago na “epistle of straw” kahit na walang matibay na dahilan liban lamang sa salungat ito sa kanyang interpretasyon sa mga Sulat ni Pablo.

2 Para sa mas malalim at makasaysayang pagsusuri ng kahulugan at relasyon ng pananampalataya at mabubuting gawa, nakapupukaw ng kaisipan ang aklat ni Albert Nolan, Jesus Before Christianity (Quezon City: Claretian Publications, 1991)

3 Hindi makatwiran ang pananaw ni Anthony Pezzotta. Truth Encounter (Makati: Foreign Mission Board, SBC, 1996), 36 na diumano si Pablo ay tumutugon lamang sa tanong na “Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” Sa halip ang ipinapakita ng sitwasyon ay ang  pagtatangka ni Pablo na sagutin ang tanong na,  “Ano ang maaari kong gawin upang maging ganap ang aking pananampalataya?”

4 Dito ay mahihiwatigan ang pagtatangka ng mga pundamentalista na iwasan ang pagbibigay kahulugan sa salitang kautusan. Maaaring hindi sila  kumportable sa kongklusyon ng mga iskolar ng Biblia na kapag binabanggit ni Pablo ang salitang kautusan posibleng tinutukoy niya ang alinman sa 3: a). ang Sampung Utos b). ang Kautusang Mosaiko,  o  k). ang Aklat ni Moises. Para kay Heikki Raisanen, Paul’s Theological Difficulties with the Law, Studia Biblica (Sheffield: JSOT Press, 1980)  305. Mayroong 2 magkaibang pahayag si Pablo patungkol sa kautusan. May pagkakataon na binabanggit niyang ito ay pinawalang bisa na at kung minsan naman ay sinasabi niyang ito ay dapat na tuparin pa. Katugma ito ng pagsusuri ni James A. Sanders, Torah and Paul (Oslo: Universitetsforlaget, 1977), 132  kung kaya’t napansin niya na sa paggamit ni Pablo ng  pandiwa na katargeo ay ipinakita ng alagad na ito na ang kautusan ay pinawalang bisa  na (Rom 7:1-10; Gal 2:19; 2 Cor 3:4-17; Ef 2:14-16; Gal 3:19-4:5) na kanya din namang sinalungat sa iba pa niyang pahayag (Rom 3:31; 7:22; 13:8-10). Tingnan din ang sinulat ni Jan Lambrecht SJ at Richard W. Thompson. Justification by Faith: The Implications of Romans 3:27-31, rep. (Makati: St. Paul’s Philippines, 1995).

5 Nais kong ipahiwatig na sa direksyon ng pagsasalita ni Pablo tila ba ipinauunawa niyang hindi awtomatikong bubukal sa puso ang pag-ibig at ang makagawa ng mabuti kahit pa may taglay na pananampalataya ang isang tao kung wala ang biyaya na nagmumula sa Diyos.

6 G. T. Moore, Catholic Replies to Protestant Errors  (Iloilo City: n.p., 1987),  3.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s