Sa Demonyo ang Aral na Nagbabawal sa Pag-Aasawa

quote-the-vow-of-celibacy-is-a-matter-of-keeping-one-s-word-to-christ-and-the-church-a-duty-and-a-proof-pope-john-paul-ii-142861

 

Sa pagnanais ng mga Protestante na palitawing mali ang Simbahang Katoliko pinupuna nila ang disiplina na ang mga pari at madre ay hindi mag-aasawa. Sa kanilang pangangatwiran, sa pagkakalikha ng kaayusan, pinatunayan ng Diyos na “hindi mainam na mag-isa ang tao” (Gen 2:18). Kaya ang kongklusyon nila, malinaw na ang plano ng Diyos ay pag-aasawa.

 

1 TIMOTEO 4:2-3a …  dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling  na ang mga budhi’y  may tatak ng pagiging alipin ni Satanas. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa…

1 CORINTO 7:2  Ngunit para maiwasan ang pakikiapid, bawat lalaki o babae’y dapat magkaroon ng kanya-kanyang asawa.

 

 

Totoo naman na ang pag-aasawa ay isa sa mga plano ng Diyos.131 Hindi itinatanggi ng Simbahan ang katotohanang iyan. Ang di pag-aasawa  ay plano rin ng Diyos. Hindi kailanman iniaaral ng Simbahang Katoliko na mali at bawal ang pag-aasawa.132 Katunayan, si Jesus ay walang asawa at hindi niya ninais na magkaroon ng kaugnayan sa sinumang babae.  Ang pasya ni Jesus na huwag mag-asawa ay hindi nangangahulugan na ang sinusunod niyang aral ay mula sa demonyo. Ang di-pag-aasawa maging noong kapanahunan ni Jesus ay hindi katanggap-tanggap na panukala kung isasaalang-alang ang tradisyong Mosaiko na “hindi mabuti na mag-isa ang tao” (Gen 2:18), at ang banal na kautusang “magpakarami at punuin ang buong daigdig” (Gen 1:28). Mapapansin na nagsisimula pa lamang noon sa pagpaparami ang sangkatauhan.

 

Ngunit, sa pamamagitan ng halimbawang ito niya ipinakita ang ganap na katapatan at pakikiisa sa Diyos. Naging mabuting halimbawa si Jesus ng ganap, walang kondisyon o buong pusong pagbibigay ng sarili alang-alang sa Kaharian ng Diyos.

 

Maaaring hinihiling ng totoong karukhaan ang  bukal sa loob na pagtanggi sa pagkakaroon ng asawa, laluna’t sa batas Mosaiko, ito ay itinuturing na isang pag-aari ng lalaki (Exo 20:17). Para kay Jesus kapuri-puri ang mga nagpasya na huwag ng mag-asawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Sapagkat ang di pag-aasawa ay isang biyaya na malayang tinatanggap mula sa Diyos upang maitalaga ang mismong buhay para sa isang natatanging direksyon. Hinikayat niya ang makatatanggap na alagad na sumunod sa uri ng buhay na kanyang pinili.

 

MATEO 19:11-12  Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay makatatanggap ng simulaing iyan kundi yaon lamang pinagkalooban ng Diyos. Sapagkat may iba’t ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan, dahil sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba, dahil sa kagagawan ng ibang tao ay nagkagayon sila; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap nito.”

(tingnan din Mateo 6:24)

 

Pinili ni Jesus ang di pag-aasawa hindi dahil sa mababang pagtingin sa buhay may-asawa kundi upang kanyang maipanukala ang kahalagahan ng pagpapasakop sa isang bagong pamilya na gaganap sa kalooban ng Diyos (Mc 3:31-35).  Si Jesus mismo ang maysabi na tatanggap ng gantimpala ang sinumang nagpasya na tuparin ang kalooban ng Diyos. Ang desisyon na pumipili sa di pag-aasawa ay desisyon na para sa Panginoon at sa kanyang Iglesya kaya ang tumatagos na kahalagahan ng Kanyang paghahari ang nahahayag. Ang sinumang nag-iwan ng lahat-lahat ng dahil sa kaharian ng Diyos ay bibigyan ng gantimpala na di maaaring itumbas sa anumang maaaring makamit sa buhay na ito.  Ang panukalang ito ang pinili ni Pedro at ng iba pang alagad matapos na magpasya silang ganap na sumunod kay Cristo.

 

LUCAS 18:28-30  At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang aming tahanan upang sumunod sa inyo.” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: walang taong nag-iwan ng tahanan,  asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak, dahil sa paghahari ng Diyos, na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at ng buhay na  walang hanggan sa panahong darating.”

(ihambing sa Marcos 10:28-30 vs. 1 Corinto 9:5 BSP)

PAHAYAG 14: 3-4 MBB Sila’y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at ng apat na nilalang na buhay, at ng dalawampu’t apat na  matatanda. Walang makaunawa sa awit na yaon kundi ang 144,000 na tinubos sa  sanlibutan. Ito ang mga lalaking hindi  nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga babae; hindi sila nag-asawa. Sumusunod sila sa Kordero saan man siya magtungo. Sila’y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero.

 

Ang mga paring Katoliko, relihiyoso at ilang layko ay pinagkalooban ng ispesyal na bokasyon at biyaya upang matanggap at maisabuhay ang katuruang ito. Nakikita nila ang malinaw na batayang ito sa buhay ng Panginoon;  dahilan upang  malaya silang nagpasya na pumasok sa isang banal na disiplina.133 Ang pinakadakilang kaloob na tinanggap at maiaalay sa Diyos ay ang kalinisan ng buong pagkatao (Rom 12:1). Ang ibigin ang Diyos ng walang kahati ang puso at ang pag-aalis ng may limitasyong katapatan kay Jesus ay pangunahing batayan para sa lahat ng alagad. Si Cristo ang tumatawag sa ganitong anyo ng paglilingkod at nagbibigay ng biyaya na sumunod sa kanya sa ganitong paraan. Ang desisyon ng tao na piliin si Cristo ay pagkilala at pagtanggap ng biyayang ito. Ang pagtatalaga ng sarili sa Iglesya sa pamamagitan ng hindi pag-aasawa ay parehong nagpapakita ng nagingibabaw na kapangyarihan ng kanyang biyaya at ng presensya ng kanyang Kaharian na sumasaatin na.

 

Si Jesus ay hindi nag-asawa at nagsilbing inspirasyon ito sa mga pari na ganap na pangatawanan ang pag-aalay ng buong pagkatao alang-alang sa paghahari ng Diyos.  Ang nagbibigay kahulugan sa desisyong ito na huwag ng mag-asawa ay hindi ang kawalan ng asawa kundi ang katotohanan ng pagtatalaga ng buong pagkatao na maging nasa natatanging pakikipag-isa kay Cristo. Sa pamamagitan ng hindi pag-aasawa para sa kaharian ng Diyos sila ay nagiging matibay na patotoo para sa bagong buhay na darating kay Cristo Jesus.

 

MATEO 22:29-30  Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, palibhasa’y di ninyo alam ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. Sapagkat sa muling pagkabuhay, ang mga tao’y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit.

 

Si Pablo na nakaaalam ng kahalagahan ng pag-aasawa alinsunod sa Batas Mosaiko (Gw 22:3), ay walang asawa at hinikayat din niya ang iba na tumulad sa kanya.

Batid niya na makasasagabal sa lubusang pag-aalay ng sarili at paglilingkod sa kapwa ang mga alalahaning pampamilya. Ang sinumang nagpasya na talikuran ang lahat ng bagay ay nagtatalaga ng sarili na sumunod sa halimbawa ni Cristo.134 Ang Biblia ay nagtuturo na ang di-pag-aasawa ay isang ispesyal na kaloob.

 

1 CORINTO 7:7-8  Ibig ko sanang kayong lahat ay tumulad sa akin. Ngunit may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos ang bawat isa, at ang mga ito’y hindi pare-pareho. Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at mga babaing balo: mabuti pa sa kanila ang manatiling walang asawa, tulad ko.

1 CORINTO 7:32-35. 38  Ibig ko kayong malayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugod-lugod sa Panginoon. Ngunit ang pinagsusumakitan  ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Dahil dito’y hati ang kanyang pagmamalasakit. Gayon din naman, ang pinagsusumakitan ng dalaga o babaing walang asawa ay ang mga bagay ukol sa Panginoon sapagkat ibig niyang maitalaga nang lubusan ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Sinasabi ko ito upang tulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang ibig ko’y madala kayo sa maayos na pamumuhay, at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.

(tingnan din Roma 12:1)

 

Walang sinumang Katoliko ang pinipilit na hindi mag-asawa.135 Ang mga Katoliko na nagpasyang hindi mag-asawa ay nagdesisyon ng gayon para sa ikalalaganap ng kaharian ng Diyos.136 Ang desisyon nila, kung gayon, ay malinaw na may motibo at inspirasyong tularan sina Jesus, Juan Bautista, apostol Juan at Pablo (1 Cor 11:1). Samakatuwid, ang pagka-pari at maging ang pagka-madre ay isang regalo ng Diyos unang-una na sa Iglesya at hindi sa pari o madre na tumanggap ng biyaya na maglingkod para sa ibang tao. Inaasahan na sa hindi pag-aasawa ng isang lingkod ng Diyos dahil sa natatanging pagtatalaga ng kanyang buhay para lamang sa Panginoon at sa Kanyang hangarin ang lahat ng galaw at pag-iral Cristiano ay nakikita patungo sa direksyon ng pagpapahalaga sa Kaharian ng Diyos. Kaya ang aral ng Iglesya tungkol dito ay pagtupad lamang sa mga salita sa Banal na Kasulatan.

 

131 Hindi totoo na ipinagbabawal sa Iglesya Katolika ang pag-aasawa sapagkat halos araw-araw ay may ikinakasal ang mga pari sa Simbahan.

132 Nang maagang panahon ng Cristianismo sa Bagong Tipan kung saan hindi pa lubhang organisado ang herarkiya at nagsisimula pa lamang nitong ayusin ang mga bagay kaugnay sa pangangasiwa, hinayaan ang pagpili sa mga itatalagang obispo na may-asawa (Tit 1:5-6; 1 Tm 3:1-2) gayundin sa mga diakono o tagapaglingkod sa Iglesya (1 Tm 3:12). Gayunman hindi ibig sabihin nito na kailangang ang isang obispo o diakono ay maging isang taong may-asawa. Nagpatuloy ang ganitong sistema hanggang sa magpasya ang pamunuan na gawin itong isang banal na disiplina sa bisa ng taglay nitong kapangyarihan (Mt 16:19) sa pamamagitan ng panukala sa isang kapulungan (Gw 15:6-21).

133 Ang banal na disiplinang tinutukoy dito ay may kaugnayan sa malaya o kusang handog na panata ng isang indibidwal na nagpasyang hindi mag-aasawa (Bil 30:2; Deut 23:23; 23:21).

134 Ignacio B. Camello, Quo Vadis?: Jesus Christ or Felix Manalo?  (PMAS, Arkidiocesis ng Maynila:PBM Publications, 1987),  33.

135 Mayroong mga Sikolohista na nagsasabing nasa kalikasan ng ibang mga tao na mas mabuting piliin ang hindi pag-aasawa. Kung ito ay lalabagin, magiging lubhang nakasisira ito sa mga magiging kasama niya sa buhay. Ang ganitong malungkot na sitwasyon ay makikita natin sa ibang pamilya na nakapag-asawa ng mga taong hindi inilaan ng kalikasan para sa buhay may-asawa.

136 Mayroong sektor sa Simbahan ang nagsasabi na ang kailangan lamang ay ang pagpapatupad ng patakarang “optional celibacy” upang maiwasan ang mga nalilikhang sekswal na eskandalo sa Simbahan. Masalimuot ang idudulot na suliranin nito kung sakali, sa mga darating na panahon sa Simbahan. Halimbawa, posible na abusuhin din ng midya ang magiging pagkukulang, pagkakasala, o krimen ng magiging anak o asawa ng mga Pari na pipiliin ang pag-aasawa. Posible rin na ang mga  magpa-Pari  na anak ng maimpluwensyang Pari o Obispo ang ilagay sa mahahalagang posisyon sa Simbahan bunga ng di naiiwasang pag-iral ng paboritismo at nepotismo sa mga institusyong panlipunan.

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s