Sa Demonyo ang Aral na Nagbabawal sa Ilang Uri ng Pagkain

dinuguan

 

Ayon sa mga Protestante ipinapakita ng Biblia sa pamamagitan ng kanyang aral kung sino ang tunay na sa Dios. Madalas sabihin na  ipinagbabawal sa Simbahang Katoliko  hindi lamang ang pag-aasawa kundi maging ang pagkain ng lamangkati. Samakatuwid daw, malinaw na ang aral ng Simbahang Katolika ay aral ng demonyo.

 

1 TIMOTEO 4:1-3 MBB Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo. Dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling na ang mga budhi’y may tatak ng pagiging alipin ni Satanas. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos para kaining may pasasalamat ng mga sumasampalataya at lubos na nakauunawa ng katotohanan.

1 CORINTO 7:2  Ngunit para maiwasan ang pakikiapid, bawat lalaki o babae’y dapat magkaroon ng kanya-kanyang asawa.

 

 

Ang textong mula sa sulat ni Pablo kay Timoteo ang madalas na ginagamit ng mga ministro ng INC (1914) upang patunayan na ang aral ng Iglesya Katolika ay aral ng demonyo. Ito ang textong kanilang ginagamit sa huling tindig ng debate kahit pa hindi tungkol sa Pag-aasawa ng Pari (Vow of Celibacy) at Pagkain ng Karne ang tema. Sadyang inililihis ng mga ministro ang tema upang maipagpatuloy nila ang paninira sa Iglesya Katolika. Ang paninira nilang ito sa Simbahan ang ginagamit nilang puhunan upang makapanghikayat ng mga Katoliko sapagkat karamihan sa kanilang nahihikayat ay nagmumula sa Iglesya Katolika. Isinisingit ito ng mga ministro sa kanilang mga debate upang masorpresa ang kabilang panig na hindi handa sa hindi nila pagsunod sa napag-usapang isyu. Sa pamamagitan nito nahihikayat ang kanilang mga miyembro na tuwang-tuwang pumalakpak. Kailangan ng ibunyag ang taktika na nakasanayang gawin ng mga ministro ng INC (1914).

 

Lahat ng Cristiano ay nakaaalam na ang Panginoong Jesus ay hindi nag-asawa. Si Pablo na sumulat at nagbigay ng babala kay Timoteo tungkol sa aral ng demonyo ay hindi rin nag-asawa. Pero hindi ibig sabihin nito ay sumusunod si Pablo sa aral ng demonyo.  Ginawa ito ni Pablo upang tulad ni Jesus ay maialay niya ang kanyang sarili ng buong-buo. At ang pag-aalay  ng sarili ng buong puso, kaluluwa, at pag-iisip ang mismong panukala ng Panginoon:

 

MATEO 23:37-38 Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos.

 

Malinaw na hindi kayang sumumpa sa Diyos ng mga taong hindi kayang panindigan ang buong-buong pag-aalay ng sarili sa Kanya. Kaya mali na paratangan agad ang Simbahang Katoliko na katuparan ito ng nakasulat sa 1 Timoteo 4:1.3a. Ang pansariling pasya na piliin ang di pag-aasawa ay ang kanilang pagpapatotoo na ang tunay na lingkod ay nabubuhay lamang para sa Diyos. Ang maalab, tapat,  at wagas na pag-ibig ng Diyos ang huwaran ng sinumang nagnanais na suklian ito ng kahalintulad na pag-ibig. Kaya ang di pag-aasawa ay sariling pasya ng may bokasyon na magpanata:

 

DEUTERONOMIO 23:21 KJV Pag ikaw ay magpapanata ng isang panata sa Panginoon mong Dios, ay huwag kang magluluwat ng pagtupad; sapagkat walang pagsalang uusisain sa iyo ng Panginoon mong Dios. At magiging kasalanan sa iyo.

(tingnan din Bilang 30:2; Ecclesiastes 5:4; Mateo 5:33)

 

Walang alinlangan na ang pagpili na huwag mag-asawa ay naaayon din sa kalooban ng Diyos (Mt 19:11-12; 1 Cor 7:8-9). Maging sa Lumang Tipan, ang lingkod ng Diyos na si Jeremias na ninais Niyang ganap o buong-buo na mag-alay ng panahon at sarili ay kanyang sinabihan na “huwag mag-asawa.”

 

JEREMIAS 16:1-2 KJV Ang salita rin naman ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsabi, huwag kang mag-aasawa, o magkakaroon ka man ng mga anak na lalake o babae sa dakong ito.

 

Sa Lumang Tipan ipinagbawal ang pagkain ng karne na may dugo dahil sa makalumang pananaw na nasa dugo ang buhay (Gen 9:4; Deut 12:20-24). Katunayan, dahil sa sinaunang paniniwala na ang buhay ay nasa dugo iniutos pa nga na ang dugo ng hayop ay dapat ihandog sa altar bilang pantubos ng buhay (Lev 17:10-13). Alam na alam ito ni Pablo sapagkat siya ay isang Judio at nag-aral kay Gamaliel na mahigpit na nagturo tungkol sa kautusan (Gw 22:3). Ngunit walang sinabi si Pablo na bawal pa rin ang pagkain ng karne na may dugo. Alam ni Pablo na tinubos na tayo ng dugo ni Cristo (1 Cor 11:23-27). Kaya malinaw sa mga tunay na Cristiano na ang tunay na buhay ay wala sa dugo ng hayop kundi nasa dugo ni Cristo (Heb 9:22.26; Jn 6:53-55). Dahil dito may katiyakang sinasabi ng Panginoong Jesus at maging ni Pablo na:

 

MARCOS 7:18 Kayo man ba’y wala ring pang-unawa?” tugon ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya, sapagkat hindi naman pumapasok iyon sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” (Sa pagsasabi nito’y para nang ipinahayag ni Jesus na maaaring kanin ang lahat ng pagkain.)

ROMA 14:14a MBB Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus,  natitiyak kong walang pagkaing likas na masama…

 

Sa Iglesya Katolika, bahagi ng pitong sakramento ang Kasal. Kaya malinaw na hindi ipinagbabawal sa mga Katoliko ang pag-aasawa. May tinutukoy na 2 aral sa sulat ni Pablo na sinasabi niyang mga aral ng demonyo.  Malinaw kung saang Iglesya natutupad ang mga aral na ito sapagkat sa panimula ng kabanata 4 ng Sulat ni Pablo kay Timoteo ay may banggit na, “sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya.” Hindi ito maaaring matupad sa Iglesya Katolika sapagkat ito ang pinatutunayan ng Kasaysayan na pinakamatandang Iglesyang Cristiano. Mas kapani-paniwalang isipin na sa INC (1914) ito natutupad. Sa INC (1914) ipinagbabawal ang mag-asawa ng hindi ka-pananampalataya kahit mismong si Pablo ay naniniwala na pwedeng magsama bilang mag-asawa ang Cristiano at ang di sumasampalataya:

 

1 CORINTO 7:12-13 … kung ang isang lalaking sumasampalataya ay may asawang di sumasampalataya at ibig nitong manatili sa kanya, huwag niyang hiwalayan. Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang di sumasampalataya at ibig nitong magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay.

 

Aral din sa INC (1914) ang pagbabawal ng pagkain ng Dinuguan. Walang texto sa Biblia ang nagsasabi na ang karne na may halong dugo ay ipinagbawal ni Pablo. Sa halip ang sinasabi ni Pablo ay naaayon sa ipinahayag ng Panginoong Jesus na, “ang nanggagaling sa puso ang nagpaparumi sa tao:”[1]

 

1 CORINTO 10:25 MBB Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag na kayong magtanong pa upang di mabalisa ang inyong budhi.

ROMA 14:17  Sapagkat ang pagpasok ng tao sa Kaharian ng Diyos ay hindi nababatay sa pagkain at inumin kundi sa pagiging matuwid, pagkakasundo-sundo at kagalakan na pawang kaloob ng Espiritu Santo.

(tingnan din Mateo 15:11.17-18)

 

Ang mga textong nabanggit ay binabalewala ng INC (1914). Patuloy sila sa mahigpit na pagpapatupad sa mga nabanggit na aral at may hatol na parusa nang pagtitiwalag para sa sinumang kaanib na lalabag. Sa Iglesya Katolika ay walang parusa ng pagtitiwalag sapagkat iniaatas na ang pagsunod ay dapat na bukal sa loob. Tila lumalabas na sa INC (1914) natutupad ang babalang ito ni Pablo.

 

Sa Iglesya Katolika ay walang ipinagbabawal kainin na gaya ng nakasaad sa Levitico 11 sapagkat hindi nito tinutupad ang batas kosher na inuuri ang pagkain bilang “malinis” at “marumi.” Kailanman ay walang itinuro sa mga Katoliko na may nilikha ang Diyos na dapat ituring na marumi. Naniniwala ang mga Katoliko sa sinasabi ni Pablo sa mismong kasunod na texto na:

 

1 TIMOTEO 4:4-5 Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at walang dapat ipalagay na masama. Lahat ay dapat tanggaping may pasasalamat sapagkat nililinis ito ng salita ng Diyos at ng panalangin.

COLOSAS 2:16 Kaya’t huwag na kayong pasasakop sa anumang tuntunin tungkol sa pagkain o inumin…

(tingnan din Hebreo 13:9; Roma 14:20; 1 Corinto 10:25-33)

 

Ang mga Katoliko ay walang aral na kahalintulad ng vegetarianism na talagang may ipinagbabawal na kainin – lalo na ang karne. Hindi rin tinutularan ng Simbahan ang aral ng mga Manichaeans na tanging ispiritwal na bagay lamang ang pinahahalagahan. Ibang-iba ito sa panukala ng Simbahang Katoliko na mag-ayuno sapagkat layunin ng disiplinang ito na maturuan ang mga Katoliko na supilin ang sarili at tularan ang Panginoon noong ito ay nag-aayuno upang mapagtagumpayan ang pagsubok. Tila binabalewala sa INC (1914) ang halimbawang iniwan ng Panginoon tungkol sa pag-aayuno (Mt 4:2).

 

Tuwing Biyernes at panahon ng Kuwaresma iniuutos ang pangingilin sa pagkain ng karne (para sa mga may kakayahang pangkalusugan) bilang pag-aalaala at pakikiisa sa pagdurusa at kamatayan ng Panginoong Jesus.  Sa pangingilin, “pansamantalang ipinagkakait” sa sarili ang pagkain ng karne – kaya hindi bawal, itinatakwil o kaya ay itinuturing na hindi mabuti ang pagkain nito. Bahagi ito ng itinuturong disiplina upang supilin ang katawan at magsisi sa mga nagawang kasalanan (1 Cor 9:27). Sa ganitong paraan higit na napapalapit ang isang Katoliko sa Panginoong Jesus na tagapagligtas ng sanlibutan.

 

 

 

 

[1] Narito ang ilang halimbawa ng lumalabas sa bibig ng tao na nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos: PASUGO Disyembre 1965, p. 5: “Kaninong Ministro kung ganyan ang mga Paring Katoliko? Mga Ministro ni Satanas na Diablo!.”; PASUGO Oktubre 1959, p. 5: “Mga magdaraya at anti-Cristo, ang mga nagtuturong si Cristo ay Dios.”; PASUGO Oktubre 1956, p. 1: “Ang Iglesia ni Cristo ay nagdaos ng pamamahayag sa Lunsod ng Davao. Nagsalita roon si Kapatid na Felix Manalo at ang kasama niyang mga Ministro. Ipinahayag doon ng mga nagsalita na ang Iglesia Katolika Romana ay hindi itinatag ni Cristo kundi itinatag ng Diablo.”!

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s