Sa Diyos Lang Dapat Ikumpisal ang Kasalanan

confession

 

Ayon sa mga Protestante ang mga Katoliko  ay hindi tunay na tumatanggap ng kapatawaran sa kasalanan sapagkat mali ang taglay nilang pananampalataya. Para sa kanila mali na sa mga pari lumalapit upang ikumpisal ang mga kasalanan sapagkat ang mga ito ay tao ring tulad natin na nangangailangang magkumpisal ng kasalanan sa Diyos (1 Jn 1:8). Ang tanging kailangan daw ay ang direktang ikumpisal ang ating mga kasalanan sa Diyos. At iyan diumano ang sinasabi ng Biblia:

 

1 JUAN 1:9  Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan.

(tingnan din Isaias 43:25 KJV)

 

Bilang mga Katoliko dapat nating malaman na bahagi ng kahulugan at misyon ng Iglesya ang pangangaral ukol sa kinakailangang pagbabalik-loob ng tao sa Diyos (Gw 13:38-39; Mc 16:15-16).  Sapagkat ang Simbahan ay patuloy na haharap at makikibaka sa mga pagsubok – ipinagpauna na na hindi lamang mga banal ang matatagpuan sa tunay na Iglesya kundi maging ang mga makasalanan (2 Tm 2:20-21; Mt 13:24-30; 47-50; 22:2-14). Maraming mga Katoliko ang maituturing na Cristiano sa pangalan lamang. Kaya patuloy na ituturo at isasabuhay ng Simbahan ang pagpapatawad128 – isang uri ng pagpapatawad na mahirap sukatin sapagkat batay ito sa pamantayan ng Panginoong Jesus.

 

MATEO 18:21-22 Lumapit noon si Pedro at nagtanong sa kanya, “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.

 

Ang Simbahan, sa pamamagitan ng pari na tumatanggap ng kumpisal, ay magpapayo o magpapaalala sa nagkasala na mayroon siyang obligasyon na makipagkasundo sa Diyos at sa kanyang kapwa.129 Papayuhan o paaalalahanan siya na makipag-usap ng sarilinan at maayos sa taong di niya kasundo upang ang kanilang pagsasama ay mapanauli sa dati (Mt 18:15; San 5:16). Natitiyak nating pinatawad na ng Diyos  ang isang taong taos sa pusong nagsisisi sa kanyang mga kasalanan. Ang Diyos ay palaging namamalaging mapagpatawad tulad ng Ama sa talinghaga subalit ang kanyang pagpapatawad ay hindi nagkakaroon ng bisa maliban na lamang kung ang nagkasala ay magpasya na ito ay may pagpapakumbabang tanggapin.

 

LUCAS 15:11-24  Sinabi pa ni Jesus, “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, `Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, `Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”  At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama.

“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap,  at hinagkan. Sinabi ng anak, Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayin; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya.

 

Hindi sapat na batayan ang texto na ginagamit ng mga Protestante sa pagsipi  mula sa propeta ng Diyos (Is 43:25 KJV). Sa Lumang Tipan din ay may mga Pari na pinagkalooban ng karapatan sa ministeryo ng pakikipagkasundo (Lev 19:20-22). Ginamit lamang ng Diyos ang mga Pari sa bayang Israel upang maging instrumento ng Kanyang pagpapatawad. Kailangan na ipahayag ng mga tao ang kanilang mga kasalanan sa Pari upang maihandog niya ang nararapat para sa hinahangad na kapatawaran mula sa Diyos (Lev 5:4-6 BSP; Bil 5:5-9 BSP). Hindi nito pinapawi ang katotohanan na Diyos ang nagpapatawad. Sa maikling salita, Diyos ang pinagmumulan at sanhi ng kapatawaran.

 

Totoo na hindi matanggap ng mga pundamentalista na ang mga pari ay pinagkalooban (Mt 9:8) ng karapatan  at kapangyarihang  ipahayag  ang kapatawaran sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo (2 Cor 2:10 SNB). Subalit hindi ito dapat ikabahala sapagkat maging ang Panginoong Jesus mismo, ng siya ay maging totoong tao, ay dumanas ng kahalintulad na pagdududa mula sa mga taong ayaw kumilala at tumanggap sa kanya.

 

MARCOS 2:7  Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Kalapastanganan sa Diyos iyan! Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”

LUCAS 5:21  Sa loob-loob ng mga eskriba’t Pariseo: “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”

 

Pinatunayan ni Jesus na mayroon siyang karapatan at kapangyarihang gawin ang pagpapatawad ng kasalanan (Mc 2:10-11; Lc 5:24-25). Siya ang isinugo ng Ama, “ang kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” (Jn 1:29). At kung paanong isinugo si Jesus ng Ama ay sa gayong paraan din niya isinusugo ang kanyang mga alagad.

 

JUAN 20:21-23 BSP  At muli niyang sinasabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan! Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espirito Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.”

(tingnan din Mateo 18:18)

 

Ang kapangyarihan at karapatang  taglay ng Panginoong Jesu-Cristo ay ipinag-katiwala niya sa kanyang mga alagad upang ang Iglesya, na walang iba kundi ang kanyang nagpapatuloy na presensya, ay makapagpahayag ng kapatawaran o pagpapanatili ng kasalanan sa susunod pang mga henerasyon.

 

LUCAS 10:16 BSP  Ako ang dinidinig ng nakikinig sa inyo at ako ang di tinatanggap ng di tumatanggap sa inyo. At ang di  tumatanggap sa akin ay di  tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

(ihambing sa 2 Corinto 5:20)

2 CORINTO 5:18 KJV  Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo;

(tingnan ang Roma 7:19-20 kung paanong si Pablo na  mismong may atas ng ministerio sa pagkakasundo ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kasalanan)

2 CORINTO 2:10 KJV Datapuwa’t ang inyong pinatatawad ay pinatatawad ko rin naman: sapagka’t ang aking ipinatawad naman, kung ako’y nagpapatawad ng anoman, ay dahil sa inyo, sa harapan ni Cristo;

 

Ang mga Cristiano ay patuloy na haharap at makikibaka sa mga pagsubok kaya maling isipin na ang karapatan at kapangyarihang “ipahayag” at “itanggi” ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan (Jn 20:23) ay katumbas130 lamang ng utos na “humayo at gawing alagad ang lahat ng bansa” (Mt 28:19). Sa halip, ang pagsusugo ay dapat unawain sa konteksto ng karapatan at kapangyarihang ipinagkaloob sa Iglesya (Mt 10:40; 18:18). Bahagi ng karapatan at kapangyarihan ng mga sugo ang pangalagaan ang mga mananampalataya  (Jn 21:16). Ang karapatan at kapangyarihang ipinagkaloob sa mga pari na “ipahayag” ang kapatawaran ng kasalanan sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo (2 Cor 2:10 SNB) ay kinikilala ng Simbahang  Katoliko na dakilang kaloob ng Diyos sa Iglesya.

 

 

128 Basahin ang aklat ni Monika Hellwig, The Meaning of the Sacraments (Dayton, Ohio: Pflaum Press 1981), 79-87. Sa kanyang pag-aaral, natuklasan niya na upang ang pamayanang Cristiano ay makatupad at maging saksi sa paghahari ng Diyos kinailangang maging bahagi ng sinaunang alituntunin ang hatol ng pagtitiwalag (1 Cor 5:1-5.9-13; 2 Ts 3:6.14; 1 Tm 1:20; Tit 3:10).  Napatunayan na hadlang ang mga eskandalong nalilikha ng mga taong hindi ganap na tapat sa kanilang pag-aalay ng sarili sa Diyos. Ngunit ang bagong nalikhang katanungan ay kung ang mga itinawalag ay maaari pang muling bautismuhan. Na para naman sa pamayanan ay hindi na dapat pang isagawa (Ef 4:5) sapagkat ang bautismo ay pagtatalaga ng sarili at pagkilala sa katapatan ng Diyos. Sa halip na ulitin, pinagtibay ang isang anyo ng pakikipagkasundo para sa pagpapanibago ng iisa at natatanging bautismo.

129 Hindi dapat tanggapin ang popular na paniniwala na nagsasabing, “Ako’y  tao lamang kaya ako nagkakasala.” Ang paniniwalang Cristiano ay nagpapahayag  ng pagiging  tunay na tao ng Panginoong Jesu-Cristo  dahil sa wala siyang taglay na anumang kasalanan  (2 Cor 5:21; Heb 4:15).  Itinuturo ng ating pananampalataya na ang kasalanan ang sumisira sa ating pagkatao. Binabawasan nito ang dignidad natin bilang tao. Nagiging buo muli ang ating pagka-tao sa sandali na tayo ay magbalik-loob sa Diyos o tumanggap ng pagpapatawad sa ating mga kasalanan.

130 Hindi katanggap-tanggap ang kongklusyon ni Pezzotta, Truth Encounter, 244.,  na ang JUAN 20:23 ay tumutukoy lamang sa karapatan ng mga alagad na ipahayag ang kapatawaran ng kasalanan sa mga di-pa-mananampalataya. Dapat na makita natin ang kaugnayan ng JUAN 21:15-17 sa kontexto ng layunin ng Diyos na iligtas ang nawawala (Mt 18:12-14).

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s