Ang Katotohanan ay Nasa Biblia Lamang at Wala sa mga Tradisyon

he-has-risen1

 

 Naniniwala ang mga Protestante na walang ibang pinagtibay si Jesus kundi ang Banal na Kasulatan bilang ang tanging pamantayan ng pananampalataya at moralidad.   Para sa kanila maging ang kanyang mga alagad ay naimulat sa katotohanan na walang bisa ang anumang aral na salungat sa Salita ng Diyos (Mc 7:7-9 KJV). Katunayan, sa isang texto, tinuligsa ni Jesus ang labis na pagpapahalaga ng mga Pariseo sa kanilang mga tradisyon.  Tradisyon na higit na naging mas maimpluwensya kaysa sa mga utos ng Diyos. Ang ganito daw na pagpapahalaga ay kahalintulad ng ginagawa ng mga Katoliko.  Ipinakita mismo niya noong kanyang panahon na walang anuman kung ang kinagisnang tradisyon ay nalalabag ng kanyang mga alagad. Dito ay nais ipaunawa ni Jesus na ang katotohanan ay matatagpuan sa Banal na Kasulatan at hindi sa mga tradisyon ng Iglesya.

 

MATEO 15:1-9  Minsan lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga eskribang galing sa Jerusalem. Kanilang tinanong siya, “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang turo na minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong minanang turo? Iniutos ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama’t ina’ at, ‘Ang magsalita ng masama sa ama o ina, ay dapat mamatay.’ Ngunit itinuturo ninyo, ‘Kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay hain sa Diyos, hindi na niya kailangang igalang ang kanyang ama.’ Dahil sa inyong minanang turo, niwawalang- kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos Mga mapagpaimbabaw! Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo:

“Paggalang na handog sa akin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,

Sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.

Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,

Ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’

(tingnan din Colosas 2:8)

Paano ba sinasagot ng isang Katoliko ang ganitong puna? Ating alamin ang ilang mga bagay kung paano nagkaroon ng batayan ang pananampalatayang Cristiano. Kung paano nagsimula ang lahat bago pa man nagkaroon ng Biblia na batayan ng pananampalataya. At kung ano ang kalagayan ng Mahisteryo at Tradisyon sa pang-kabuuan.

 

Ang unang naisulat na aklat sa Bagong Tipan ay naisulat makalipas ang humigit-kumulang dalawampu’t-limang (25) taon matapos ang pag-akyat ni Jesus sa langit.  Ang kabuuan ng Bagong Tipan naman ay natipon3 at opisyal na tinanggap bilang isang aklat noong 397 A.D. sa pamamagitan ng mga obispong Katoliko sa Konsilyo ng Carthage.4    Lumipas muna ang mahigit tatlong daang taon (300) mula ng ipako si Cristo sa krus bago napagtibay kung aling mga sulat o aklat ang dapat na talagang nilalaman ng Bibliang Cristiano.5  Ang Konsilyong ito ang pumili at nagpasya kung aling aklat ang hindi dapat na isama gaya ng nangyari sa mga sulat na nagmula sa Iglesya sa Laodicea at sa Corinto:

 

COLOSAS 4:16 MBB  Pagkabasa ninyo sa sulat na ito, ipabasa rin ninyo sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat na manggagaling doon.

1 CORINTO 7:1  Tungkol naman sa inyong sulat, ganito ang masasabi ko: Mabuti sa isang lalaki ang huwag mag-asawa…

                                                                   

Walang sinasabi ang mga ebanghelista na ang Panginoong Jesus ay may naisulat na aklat. Hindi rin niya inutusan ang kanyang mga alagad na magsulat ng aklat. Iilan lamang sa mga apostol ang nagsulat sa bahagi ng mga aral ng Panginoon kaya hindi nakapagtataka kung marami sa mga ginawa ni Jesus ay hindi matatagpuan sa Bagong Tipan.

 

JUAN 21:25  At marami pang ginawa si Jesus na kung susulating lahat, inaakala kong hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na masusulat.

(tingnan din Juan 20:30)

 

Ang Panginoon ay nag-utos sa kanyang mga alagad na ituro ang lahat ng kanyang iniuutos (Mt 28:20).  At natitiyak natin na ang ilan dito ay malinaw na mauunawaaan lamang sa pamamagitan ng mga talang pangkasaysayang nakapaloob sa iniingatang Tradisyon (sa Griego, paradosis) ng Simbahan.   Walang pagkakataon na sinabi ni  Pablo na ang mga tradisyong itinuro sa salita ay nailipat o naisulat na sa Kasulatan. Kaya mahigpit na ipinaaalala ni  Pablo ang pananatiling matatag sa tradisyong itinuro maging sa salita o sa sulat. Hindi niya sinabi “… magpakatatag kayo at manindigan sa mga tradisyong itinuro namin sa inyo, yaon lamang nakasulat sapagkat ang sinalita ay napalitan na ng nakasulat”, sa halip ay ganito ang kanyang ipinahayag

 

2 TESALONICA 2:15 BSP  Dahil dito, mga kapatid, magpakatatag kayo at manindigan sa mga tradisyong itinuro namin sa inyo sa salita o sa sulat.

(tingnan din Deuteronomio 4:9; 2 Timoteo 2:2; Juan 14:26)

1 CORINTO 11:2 NAB Pinupuri ko kayo sapagkat ako’y naaalaala ninyo at iniingatan ninyo ang mga tradisyon gaya ng pagkakahabilin ko sa inyo.

1 CORINTO 11:2 Abriol  Pinupuri ko kayo, sapagkat naaalala ninyo ako sa lahat ng bagay at iniingatan ninyo ang mga sali’t-saling aral na ibinigay namin sa inyo.

 

Ang ebanghelyo ay orihinal na naipahayag sa pamamagitan ng  pangangaral muna  ni Jesus sa mga tao.   Ibig sabihin, ang mga salita o aral na ipinahayag ni Jesus sa kanyang mga alagad ang itinuturing na bukal ng tradisyong hindi nasusulat.      Pagkatapos nito, humigit-kumulang 40 taon7 munang ipinangaral ng mga alagad ni Jesus ang kanyang mga sinalitang aral bago ito ganap na naisulat bilang ang mga ebanghelyo na kilala natin ngayon.

 

Mawawalan ng bisa ang salita ng Diyos kung walang tradisyon sapagkat sa pamamagitan lamang ng tradisyon maaaring ipamana ang salita ng Diyos sa bawat salinlahi.  Tradisyon ang nagpapatotoo ukol sa katotohanan ng Banal na Kasulatan.   Isinilang ang Biblia8 sa pamamagitan ng pamayanan na mayroon ng pananampalataya at ito rin ang nagpapatunay sa katotohanan ng Luma at Bagong Tipan.   Kaya umiiral na ang Cristianong pananampalataya bago pa man naisulat ang Bagong Tipan.

 

Kaugnay nito,  walang pangyayari  sa Biblia ang makikitang binatikos mismo ni Jesus ang mga tradisyong kanyang ipinamana o ang mga aral ng Simbahan na unang tinanggap mula sa mga apostol at sa kanilang mga kahalili.9   Ang binatikos ni Jesus ay ang tradisyon ng mga Judio na nagpapawalang-kabuluhan sa salita ng Diyos.  Katunayan ipinangako pa nga niyang ang pag-unawa rito ay kanyang pauunlarin at palalalimin:10

 

JUAN 16:12-13  Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating.

 

Kaya kung ang kontexto man ng Mateo 15:1-9 ay tumutukoy sa mga tiyak na tao (Pariseo) hindi dapat  isipin na ang pagtutuwid ni Jesus ay awtomatikong sumasaklaw  sa lahat ng anyo ng tradisyon maging hanggang  sa mga sanhi ng pagtubo sa pag-unawa ng Iglesya sa mga nilalaman ng Banal na Kasulatan. Ang Iglesya ay isang hiwaga na pinananahanan ng natatagong presensya ng Diyos.   Nagtataglay ito ng mga natatanging kapangyarihan at karapatan (Mt 18:17-18; 1 Cor 4:1) upang maging isang haligi o nakikitang palatandaan na maaaring sandalan ng tao sa daan ng katotohanan.

 

1 TIMOTEO 3:15b  … sa sambahayan ng buhay na Diyos, sa iglesya na siyang haligi at saligan ng katotohanan.

 

Kaya hindi na nakapagtataka kung may Protestanteng iskolar ng Biblia ang umaamin na ang Protestantismo ay nakapagtayo ng mga bagong iglesya na batay sa Biblia, nang hindi ito nauunawaan, at walang intensyong unawain na ang Biblia mismo ay walang ibang pinagsasaligang batayan kundi ang Tradisyon o Kasaysayan ng mga sinaunang mananampalataya.  Ang kasaysayan mismo ang nagpapatotoo na ang mga orihinal na Kasulatan ay walang mga “kabanata at talata”. At na ang mga ito ay unang idinagdag ng Protestanteng Arsobispo ng Canterbury na si Stephen Langton noong 1220.  Nang sumunod na mga taon higit itong pinagbuti bunga ng mas mabusising pag-aaral ng Biblia.   At ang unang pagtatangka ay ginawa ng isang Dominikanong Italiano na si Fr. Santos Pagnino bago niya ilathala ang Biblia sa Pransya noong 1528. Ngunit ang karangalan ng kasalukuyang sistema ng klasipikasyon ay ipinagkaloob kay Roberto Stefano na isang Protestante. Ang Protestanteng ito ang nagsikap na maglagay ng kabanata at talata sa 7 aklat na deuterocanonico na hindi kasama sa mga inayos ng paring Dominikano.11

 

Ang mga codex o sinaunang anyo at porma ng Bagong Tipan na naglalaman din ng karamihan sa mga matatagpuan sa Septuaginta (LXX) ay nasulat na pawang mga malalaking letrang Griego (majuscules) at walang lugar sa  magkabilang pagitan ng mga letra nito.   Bukod dito, ang mga orihinal na manuskritong Hebreo ay nasulat na pawang katinig (consonants)  at hindi nagtataglay ng patinig (vowels) at ng mga tanda ng pagbabantas.12     Ang mga patinig ay idinagdag lamang ng mga iskolar ng Lumang Tipan kaya alam nila kung gaano kahirap gumawa ng pagsasalin mula sa orihinal na wikang Hebreo.  Ganito ang naging karanasan ng isang nagpaka-dalubhasang tapat na lingkod ng Diyos na gumugol ng mahabang panahon at nagbuhos ng buong kakayahan upang maisalin lamang ang isang aklat sa wikang Griego mula sa Hebreo.

 

ECCLESIASTICO, ika-2 parapo ng paunang salita ng nagsalin sa wikang Griego:  Humihingi rin ako ng paumanhin sa inyo kung sa kabila ng aking maingat na pagsasalin nito ay may makita pa kayong mga katagang di gaanong maliwanag. Sapagkat may mga isinulat sa wikang Hebreo na malaki ang ipinag-iiba pag isinalin sa ibang wika. Ito ay hindi lamang totoo sa aklat na ito, kundi maging sa pagkapagsalin ng mga aklat ng Kautusan, mga Propeta at iba pang Kasulatan. Malaki ang pagkakaiba nang magbasa ng mga aklat na ito sa wikang Hebreo, at sa salin lamang.

 

Samakatuwid, ang unang pang-kulturang hakbang ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagsasalin ng salita ng Diyos sa ibang wika.13   Ang Biblia ay binubuo ng 72 aklat14 at nabuo o nasulat sa loob ng mahigit na isang  libo at anim na daang taon (1,600).  Ang mga banal na manunulat ay mula sa iba’t-ibang bansa sa Gitnang Silangan, nagkakaiba sa edukasyon, kaalamang panlipunan at kultura at maging sa pananaw pang-relihiyon na batay sa kani-kanyang panahon.    Samakatuwid, ang personal na kakayahan sa pagbibigay ng interpretasyon o pagpapakahulugan ay di maiiwasang mangyari sa kabila ng matiyagang pagsisikap sa pagsasalin (tingnan ang bersyon sa Sirac BSP).    Kaya mahalaga ang edukasyon at taglay na kredibilidad  ng mga modernong tagapagsalin ng Banal na Kasulatan.

 

Ang mga katotohanang ito ay hindi ganap na mauunawaan ng isang mag-aaral sa Biblia kung walang pagpapahalaga sa mga Tradisyon ng Iglesya na pinagtitibay ng Kasaysayan. Matitiyak lamang natin ang katotohanan ng mga batayan ng ating pananampalataya kung ito ay pinagtitibay ng kasaysayan ng nananampalatayang sambayanan at nagpapatuloy sa pagpapahalaga sa Banal na Kasulatan.

 

 

3 Ang apat na ebanghelyo at ang iba pang mga sulat ay nakakalat o magkakahiwalay at natagpuan sa mga lugar  kung saan ito ay ginamit o ipinadala ng mga alagad ni Jesus.  Ganito ang  nangyari sa mga Sulat ni  Pablo. Upang matiyak na ang mga sulat o aklat na tinipon ay hindi naglalaman ng pahayag na salungat sa pananampalatayang Cristiano ang mga ito ay pinili at nagdaan sa mahigpit na mga pamantayan at panukat.

4 Tingnan ang Catholic Religion Proved by Protestant Bible, rep. rev. ed. (California: Angel Network, [1989]), 3; gayundin ang banggit ni Fr. Manuel P. Duetao,  Unaswerable Answers: A  Revision of the Unanswered Questions’ Companion to Truth Encounter (Dumaguete City, Philippines: Diocesan Pastoral Center, 1997), 176. Kahit pa ang listahan ng 27 aklat ay unang ipinahayag ni  Atanacio noong 367 A.D. at binigyan ng kumpirmasyon ng Konsilyo ng Hippo taong 393 A.D.

5 Bago ang taong 397 A.D. ang mga akda na kilala natin bilang bahagi ng Bagong Tipan ay nasa pag-iingat ng iba’t-ibang pamayanang Cristiano. Ang pag-uusig o pagsikil na naranasan ng pananampalatayang Cristiano bilang religio illicita (ipinagbabawal na relihiyon) ang pumigil sa mga akdang ito upang mabuo bilang isang aklat. Nagsimula lamang ang mahabang proseso ng pagtitipon, pagpili at pagkilala sa iba’t-ibang mga akdang ito matapos magpabinyag at maging Cristiano si Emperador Constantino taong 315 A.D. Tingnan ang aklat nina Thomas Bokenkotter, A Concise History of the Catholic Church rev. and exp. ed. (New York: Doubleday, 1979) 35. 38-39 at ni Fr. Manuel P. Duetao, Biblical Questions exp. ed.  (Dumaguete: Archdiocese of  Dumaguete, 1996), 81-82 gayundin ang pampletong Catholic Religion Proved By Protestant Bible, 3-4.

7 Jerome Kodell, O.S.B., The Catholic Bible Study Handbook, (Michigan: Servant Books, 1985), 33-35.

8 Hindi  totoo  na  walang  nakasulat na salitang  biblia  sa Banal na Kasulatan. Ang salitang biblia ay  mula sa wikang Griego at literal na tumutukoy sa mga aklat. Ang orihinal na Griegong salita na biblia (o  mga aklat) ay nakasulat halimbawa sa 2 Timoteo 4:13. Tingnan ang The RSV Interlinear Greek-English New Testament. See The RSV Interlinear Greek-English New Testament. The Nestle Greek Text with a Literal English Translation. (London: Samuel Bagster and Sons Ltd., 1972).  Gayon man ang biblia o mga aklat na tinutukoy dito ni Pablo ay hindi ang  kabuuan ng Luma at Bagong Tipan na ating  nalalaman ngayon.

9 Rev. Fr. Gerardo R. Tapiador, SSL. Ang Pananampalatayang Katoliko Romano at ang Biblia (Makati: St. Paul’s Philippines, 1989), 34.

10 Maaari nating gamitin dito ang teoryang  “progressive illumination”  ng Protestanteng si Paul Lee Tan, Th.D., Literal Interpretation of the Bible (Maryland: Assurance Publishers, 1978), 23, sapagkat totoo namang hindi maipauunawa ang lahat ng bagay sa lahat ng mananampalataya sa isa lamang pagkakataon o panahon.

11 Ariel Alvarez Valdes. The Bible. Questions People Ask: …Vol. 1 Old Testament (Quezon City, Claretian Publications, 2002), 17-22.

12 Duetao, Biblical Questions, 25. 30;  Mons. C.R. Almario, Jr. D. D. , Araling Pambiblia (Malolos: Mater Dei. 1988), 3.

13 Hindi palaging maaaring iwasan ng isang dalubwika ang literal o kaya ay personal na interpretasyon sa pagsasalin. Mahalagang tukuyin ang diwa na nais ipaunawa ng may-akda. Halimbawa, ayon kay R. P. Gerardo  Tapiador, SSL kung gagamitin ng isang Filipino ang ekspresyong “Malakas ka sa akin.” hindi ito maaaring basta isalin sa wikang Inggles sa literal na paraan – You are strong for me – ng hindi nababago ang kahulugan. Kung isasalin ito sa wikang Inggles dapat ay, “You have a great influence with me.” The Mysterious Seed: A Simplified Manual on the Tools and the Principles of Interpreting the Bible (Manila: St. Paul Publications, 1991), 25.

14 Tinanggal ng mga Protestante ang mga aklat na klasipikadong deuterocanonico noon lamang 1648 sa pamamagitan ng tinatawag nilang Westminster Conference.  Tingnan Duetao, Biblical Questions, 13.         Ginawa ito ng mga Protestante sa kabila ng katotohanan na nang mga panahong yaon mahigit 1,200 taon ng bahagi ito ng Bibliang Katoliko.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s