Ang Biblia ay Maaaring Pagbatayan ng Kaalamang Pang-Agham

the-more-i-study-science-the-more-i-believe-in-god-albert-einstein-religion-quote

 

Paniniwalang Protestante na Biblia ang tanging pinagmumulan ng katotohanang panrelihiyon at ang pag-unawa rito ay bubukal ayon sa kalooban ng Espirito Santo na isinusugo upang maging Patnubay.  Ang patotoo ng alagad na si Juan daw mismo ang nagpapatunay na ang aklat na kanyang isinulat ay nasulat sa patnubay ng Espirito Santo.  Na ang Diyos ang may-akda ng Biblia at hindi ito naglalaman ng anumang bagay na kathang isip (2 Pd 1:16 BSP) lamang o kaya ay kaalaman na salungat sa makabagong agham.

 

PAHAYAG 1:10-11 Noo’y araw ng Panginoon. Kinasihan ako ng Espiritu, at narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trompeta. Ang sabi: “Isulat mo ang iyong nakikita,  at ipadala mo sa pitong Iglesya: . . .

PAHAYAG 10:4  Nang matapos ang dagundong ay susulat sana ako ngunit narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsabi, “Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog, huwag mong isulat!”

(tingnan din ang Daniel 12:4)

 

Ang nabanggit na pananaw Protestante ay hindi ganap na naaayon sa paniniwalang Katoliko. Totoo na Diyos ang naging patnubay sa pagsulat ng Biblia. At iyan ang itinuturo ng Simbahang Katoliko. Ngunit itinuturo ng Simbahan na  ang Biblia ay hindi parang isang telegrama na idinikta mula sa langit. Isinulat ng mga banal na may-akda ang kanilang mga aklat sa ilalim ng pamamatnubay ng Espiritu ng Diyos ng may pag-respeto din naman sa kanilang kalayaan at pagkatao.  Makikita natin ang kanilang mga pinag-aralan at kaisipan batay sa magkakaibang estilo at paraan ng paggamit ng mga salita.  May mga pagkakataon na ipinahahayag din nila ang kanilang personal na damdamin at paniniwala:

 

1 CORINTO 7:25b Ngunit bilang isang taong mapagkakatiwalaan dahil sa habag sa akin ng Panginoon, magbibigay ako ng aking kuru-kuro.

1 CORINTO 7:12.15 Sa iba naman, ito ang sinasabi ko,  hindi ng Panginoon: kung ang isang lalaking sumasampalataya ay may asawang di sumasampalataya at ibig nitong manatili sa kanya, huwag niyang hiwalayan.  Kung ibig humiwalay ng asawang hindi sumasampalataya, bayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong pangyayari, ang lalaki o babaing sumasampalataya ay malaya na; sapagkat tinawag tayo ng Diyos sa payapang pamumuhay.

(ihambing sa Mateo 19:3-9; Marcos 10:2-12)

 

Naniniwala ang mga sinaunang Cristiano na ang Banal na Kasulatan ay hindi naglalaman ng anumang kamalian.22 Kaya dapat na isaalang-alang  ang primitibo at limitadong kaisipan ng kanilang kapanahunan.23 Upang maunawaan natin ang kahulugan, layunin, dahilan o motibo ng mga aklat sa Biblia kailangang pumasok tayo sa naiibang daigdig na ginalawan ng may-akda.  Ibig sabihin, kailangang pag-aralan muna ang kultura, wika o literatura, karanasan at iba pang mga bagay na nakaimpluwensya sa bawat isa sa kanila.24 Halimbawa, noong sinaunang panahon, hindi pa alam ng mga tao na ang mundo ay isang planetang  umiikot sa araw.  Akala nila’y lapad ang mundo, gaya ng isang mesa, na nakapatong sa mga pundasyon na nakatukod sa ilalim ng dagat (Jb 38:4-10 BSP).25   Bukod dito, may mababasa sa Biblia na kung literal na uunawain ay malinaw na salungat sa itinuturo sa mga paaralan.

 

JOSUE 10:12-13  Noong araw na ang mga Israelita’y papagtagumpayin ni Yahweh laban sa mga Amorreo, nakipag-usap si Josue Kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan:

“Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gabaon,

At ikaw rin, Buwan, sa Lambak ng Ayalon.”

Tumigil nga ang araw at di kumilos ang buwan hanggang sa malupig ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Nasusulat ito sa Aklat ni Jaser. Tumigil ang araw sa rurok ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon (Tingnan din ang komentaryo hinggil dito sa Biblia  ng Sambayanang Pilipino)

 

Hindi na isyu kung alin ba ang dapat paniwalaan:  kung ang itinuturo ng makabagong Agham  na ang mundo ang umiikot sa araw o ang itinuturo ng Biblia na ang araw ang umiikot sa mundo.  Alam natin na nabigyang linaw na ang bagay na ito sa pamamagitan ng kontribusyon ni Galileo26 sa larangan ng siyensya.

 

Sumulat ang bawat manunulat sa kanyang sariling pamamaraan at ayon sa kaugalian ng kanyang panahon.  May kamalayan ang bawat manunulat na ipinahahayag niya ang paniniwala ng kanyang bayan ngunit hindi palaging nangangahulugang nalalaman niyang sinusunod niya ang Espirito Santo. Hindi nagsimula sa wala ang mga manunulat ng Israel kundi ginamit nilang modelo ang mga alamat na matatagpuan sa Babilonia.  Humigit-kumulang dalawampung dantaon (20)  ng may sariling literatura ang malalaking kalapit-bansa ng Israel gaya ng Egipto at Babilonia kaya pamilyar ang may-akda sa mga matatandang panitikan na matatagpuan  sa lugar na iyon. Walang duda na ang Kuwento ng Baha sa Biblia ay batay sa orihinal na istoryang Babilonia na katulad ng matatagpuan sa epikong Gilgamesh.

 

GENESIS 7:1-5  Sinabi ni Yahweh kay Noe: “Pumasok kayong mag-anak sa daong. Sa lahat ng tao’y ikaw lamang ang karapat-dapat sa akin. Magdala  ka ng pitong pares sa bawat hayop na malinis, at isang pares naman sa di malinis. Pitong pares din sa bawat uri ng ibon ang iyong dadalhin. Gawin mo ito upang ang bawat uri ng ibon at hayop ay maligtas; sa gayo’y daraming muli ang mga ito . Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.”  At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ni Yahweh.

 

Hindi inilahad ang kuwentong ito bilang tunay na pangyayaring pangkasaysayan o bilang kasaysayan ng unang paggunaw sa sangkatauhan. Hindi na marahil mahalaga pa na ipakita ang elemento ng pagkakahawig ng Kuwento ng Baha ng Genesis sa epiko ni Gilgamesh at alamat ng Atrahasis. Natitiyak nating hindi papasa sa kritikal na pagsusuri ang sinumang tatanggi sa pagiging alamat27 ng Kuwento ng Baha28 batay sa sumusunod na mga salik:

 

  1. Si Noe ay inutusan ng Diyos na gumawa ng daong at maglagay ng lahat ng uri ng hayop na matatagpuan  sa ibabaw ng lupa sa loob lamang ng pitong araw  (Gen 7:4);
  2. Kung totoo na nagkaroon ng pandaigdigang baha magkakahalo ang tubig “alat” at “tabang” na magiging dahilan ng pagkamatay ng lahat ng nabubuhay sa anyong tubig;
  3. Imposibleng magkasya ang lahat ng uri ng hayop pati na ang kanilang pagkain sa maliit na arko (Gen 6:15);
  4. Kinakailangang itawid ni Noe mula sa ibayong dagat ang lahat ng maiilap at mababangis na hayop na hindi matatagpuan sa kanyang bayan;
  5. Hindi makakaya ni Noe na humuli ng lahat ng uri ng hayop na naglalakad, gumagapang at lumilipad;
  6. Lilitaw na si Noe at hindi si Christopher Columbus ang kauna-unahang tao na nakaikot sa buong mundo.

 

Kahit pa sabihin natin na hindi kumportable o kaya ay hindi panatag ang loob at isip ng ilang mga Cristiano (Katoliko  man  o hindi) sa paggamit ng salitang “alamat” patungkol sa Kuwento ng Baha  wala naman silang maaari ng ikatwiran o kaya ay maaaring sabihin kundi  ang  paniniwala na “walang imposible sa Diyos”. Isinara na nila ang kanilang isipan sa posibilidad na maaaring ito ang paraan ng panulat na pinili ng Diyos upang ipaunawa ang katotohanan sa mas mayaman, malalim, at malawak na paraan.

 

 

22 Ang itinuturo ng Biblia  ng walang kamalian ay ang katotohanan na nilalayon ng Diyos para sa ating kaligtasan. Catholic Guidelines on Fundamentalism (Manila: CBCP, 1989), 8.  Para sa kahulugan ng pahayag na ito, tingnan ang paliwanag ni Brown, Responses, 142. Ang mga manunulat ng Banal na Kasulatan ay hindi kinasihan upang ipahayag ang mga kaalaman o katotohanang pang-agham, kundi mga katotohanang may kinalaman sa Diyos at sa kanyang plano para sa sangkatauhan.

23 Jose M. De Mesa. Doing Theology : Basic Realities and Processes (Quezon City: Claretian Publications, 1990)

24 Sa punto ng paghahambing, maaaring sabihin na mas makikilala natin si Jose Rizal (na may mahigit 100 taon na pagitan lamang sa atin) kung isasaalang-alang natin ang klimang panrelihiyon at pampulitika sa ilalim ng kolonyalistang Espanya. Hindi mahirap isipin na kung ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay uunawain ng lihis sa kanyang panahon, kaisipan, karanasan atbpa. malabong ang mga aklat na nabanggit ay maunawaan ng isang makabagong mambabasa. Gayon din ang prinsipyong dapat sundin sa pagbabasa ng Biblia. Ang hindi pagsasaalang-alang sa daan-daang taon na pagitan ng mga banal na may-akda mula sa unang aklat (Genesis) hanggang sa kahuli-hulihan (Apocalipsis) ay pagpapawalang-saysay na rin sa kabuluhan at mga pagkakaiba  ng kostumbre, gawi, wika, ekspresyon, heograpiya, topograpiya atbpa.  na dapat gamitin na katulong sa pag-unawa ng tunay na kahulugan ng mga nakasulat sa banal na kasulatan. Ang pagkakamaling ito ay tinatawag ng mga iskolar na “historical-cultural blunder”.

25 Gayunman may mga ilang grupo pa rin ang gumagamit ng textong tulad ng Isaias 40:22 at  Job 26:7b sa layuning mapatunayan ang kamalian ng pananaw na ito. Ngunit ang kasaysayan ay hindi bumabanggit ng alinmang grupong Cristiano na kumampi, nagtanggol at hindi nagulat sa bagong ideya na ito ni Galileo noong siya ay nabubuhay pa.

26 Para sa iba pang detalye tingnan ang aklat ni Paulinus F. Forsthoefel, S.J.,  Religious Faith Meets Modern Science (New York: Alba House, 1994), 19.

 

27 Tingnan din ang aklat ni Forsthoefel, SJ.,  Religious Faith Meets Modern Science, 10,17-18. Ginagamit ko sa aklat na ito ang salitang “alamat” ng may paniniwala na ang paraang ito ang pinili ng Diyos sa pagbubunyag ng katotohanan. Hindi dapat isara ang isip sa posibilidad na ang katotohanan ay maaaring ibunyag  sa pamamagitan ng mga kuwento at simbolo. Para sa akin ang “alamat” ay may kakayahang magpahayag ng katotohanan sa mas malalim at mas malawak na paraan kaysa sa maaaring gawin ng anupamang kasanayan. Ang katotohanan ay dapat na isipin nating matatagpuan muna unang-una sa nilalamang mensahe ng Salita ng Diyos at hindi sa paraang ginamit ng sinaunang mga manunulat upang ipahayag ang kalooban ng Diyos.

28 Lingid sa kaalaman ng marami wala ng modernong iskolar ng Biblia ang tumatanggap sa Genesis 1-11 bilang isang literal o makasaysayang pangyayari. Dahil dito, naniniwala ako na ang pag-iwas sa makabagong pamamaraan ng pagsusuri ay katumbas na rin ng pagmamaliit o pagtuya sa likas na kakayahan ng mga dalubhasa na pinagkalooban ng kakayahang mapalalim ang pag-unawa. Kaya nga sa aklat ni Lawrence Boadt, Reading The Old Testament: An Introduction (New Jersey: Paulist Press, 1984), 130 ay sinabi niyang: ” Ang mga kuwento sa Genesis 1-11 ay tiyak na nakababahala sa makabagong mananalaysay. Wala silang anumang partikular na ‘katibayan’ na maaaring matagpuan sa isang ibinigay na pagkakataon, walang mga tala ng tunay na nakakita at walang tuwirang kaugnayan sa iba pang mga nalalamang pangyayari.”

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s