Kasangkapang Pagano ang Krus

jesus-on-the-cross

 

Hindi pa man ipinapanganak ang Panginoong Jesu-Cristo ay ginagamit na ng mga Judio ang krus bilang kasangkapan para sa parusang kamatayan. Dahil dito naniniwala ang ilang grupo ng mga Cristiano na hindi nararapat gamitin ng mga tunay na Cristiano ang simbolong ito na nagmula sa mga pagano. Kaya mali daw na ang mga Katoliko ay gumagamit ng krus bilang simbolo ng pananampalataya. Ayon sa kanila mali na ginagamit din ang simbolong ito sa paglalagay ng tanda bilang pinaka-tatak ng pagiging Katolikong Cristiano. May pagkakataon na sinisipi nila ang sinasabi ng Biblia na diumano ay patungkol sa bagay na ito:

APOCALIPSIS 13:16-18 KJV  At ang lahat, maliliit at malalaki, at mayayaman at mga dukha, at ang mga laya at ang mga alipin ay pinabigyan ng isang tanda sa kanilang kanang kamay, o sa noo. At nang huwag makabili o makapagbili ang sinuman, kundi siyang mayroong tanda, samakatuwid ay ng pangalan ng hayop o bilang ng kaniyang pangalan. Dito’y may karunungan. Ang may pagkaunawa ay bilangin ang bilang ng hayop; sapagka’t siyang bilang ng isang tao: at ang kaniyang bilang ay Anim na raan at anim na pu’t anim.

 

Ang textong sinipi sa itaas ay walang sinasabi tungkol sa krus. Walang sinasabi at walang kinalaman ang textong nabanggit sa simbolo at pag-aantanda ng krus na ginagamit o ginagawa ngayon ng mga Katoliko. Patunay lamang ito ng pagtatangka ng mga Protestante na guluhin ang pananampalataya ng mga taong hindi pa pamilyar sa Banal na Kasulatan. Ang Kasulatan at Kasaysayan ay kapwa nagpapatotoo na ginagamit na ang simbolong ito noong unang panahon.

Alam ng mga Katoliko na hindi pa nagaganap ang katunayan ng banal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan (1 Tm 2:5-6) ang krus ay simbolo na ng kahihiyan na maging hanggang sa kasalukuyan ay isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan para sa mga Gentil (1 Cor 1:23).   Subalit ang pagkamatay ni Cristo sa krus ay nagbigay dito ng bagong kahulugan. Para sa mga Katoliko ang krus ay isang aral hinggil sa kapangyarihan ng Diyos:

1 CORINTO 1:18  Sa mga napapahamak, ang aral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan; ngunit sa atin na mga inililigtas, ito’y kapangyarihan ng Diyos.

Kay Jesus nagmumula ang ating pananampalataya at siya rin ang nagpapasakdal nito. Kaya tulad niya hindi natin dapat ikahiya ang krus (Heb 12:2) sapagkat bukod sa pinawalang bisa ang lahat ng kasulatan laban sa atin pati ang mga pananagutang kaugnay nito naging katunayan pa ito ng kanyang pagtatagumpay.

COLOSAS 2:14-15  pinawalang-bisa ang lahat ng kasulatan laban sa atin, pati mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito’y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay.

Pagpapahayag ito na ang mga Katoliko ay hindi kaaway ng krus ni Cristo o ng plano ng Diyos para sa lahat ng tao tulad ng ipinakita ni Pedro noong hindi pa niya lubusang nalalaman na ito’y magiging tanda ng bawat nagnanais na maging alagad ni Cristo.

MATEO 16:21-24  Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad na dapat siyang magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapapatay siya. Ngunit sa ikatlong araw siya’y muling mabubuhay. Niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at  pinagsabihan ng ganito: “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.

Tulad ni apostol Pablo, ang mga Katoliko ay walang ibang nais ipagmapuri kundi ang krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus ay nagkaroon ng pagkakasundo at pagbubuklod sa iisang katawan (Col 1:20; Ef 2:16).  Nangangahulugan ito ng pangako ng isang bagong buhay.

GALACIA 6:14 BSP  Sa ganang akin, huwag nawa akong magmalaki maliban sa krus ng ating Panginoong Jesucristo. Sa pamamagitan niyon ay napako sa krus ang daigdig para sa akin, at ako rin para sa daigdig.

ROMA 6:6-8  Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula  sa kapangyarihan ng kasalanan. Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Cristo kung namatay tayong kasama niya.

Kung paanong ang binyag o bautismo ay ginagamit na simbolo ng pagkamatay at pagkabuhay (Rom 6:3-4 BSP) nagsisilbing  tanda naman ang krus na ang mga binyagan ay nakaugnay at pumapasok sa pakikipagbuklod sa Ama, sa Anak at sa Espirito Santo (Mt 3:13-17). Na kinikilala ng Diyos Ama si Jesus at  sumasaksi ito sa taglay niyang karangalan,  na sa pamamagitan niya ang langit  ay mabubuksan para sa mga binyagan,

at na inaampon niya ang mga binyagan bilang kanyang minamahal na Anak (Rom 8:15.23).   Ang paglalagay ng tanda ng krus ay pagpapahayag ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig (1 Cor 13:13) sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espirito Santo.

MATEO 28:19 BSP  Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.

Kaya naman nakalulungkot isipin na mayroong mga tao na sa kagustuhan lamang patunayan na mali  ang mga aral sa Simbahang Katoliko ay gumagamit kahit ng mga di wastong texto.  Kapahamakan ang kahihinatnan nila:

FILIPOS 3:18-19  Tulad ng malimit kong sabihin sa inyo – at ngayo’y luhaang inuulit ko – marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya at ang pinag-uukulan lang nila ng pansin ay ang mga bagay na panlupa.

Samakatuwid, mali ang paghahangad na ilapat sa mga Katoliko ang textong binabanggit mula sa aklat ng Apocalipsis (13:16). Walang kinalaman sa mga tunay na Cristiano ang bungang isip o pagpunang ito. Ang pagbanggit sa pagtatatak na ito ay ginawa lamang ni  Juan upang ipakitang may katumbas na tatak ang mga nasa ilalim ng impluwensya ng halimaw o bulaang kapangyarihan.  Noon pa man ay tila propesiya ng binanggit ang bagay na ito.  Mismong si  Juan na may-akda ng Apocalipsis ang nagsasabi na kailangan munang matatakan sa noo ang mga lingkod ng Diyos sa bawat angkan ng mga anak ni Israel bago isagawa ang nakatakdang kapahamakan:

APOCALIPSIS 7:3-4 KJV  Na nagsasabi, Huwag ninyong ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos. At narinig ko ang bilang ng mga natatakan, na isang daan at apat na pu’t apat na libo, na natatakan, sa bawa’t angkan ng mga anak ni Israel.

Maging sa Lumang Tipan ay mayroon ng paunang sabi patungkol dito ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta:

EZEKIEL 9:4-6 Abriol LP “Sinabi sa Kanya ng Panginoon, Lumibot ka sa lunsod, lumibot ka sa Jerusalem at tatakan ng krus ang mga noo ng mga taong humihibik at umiiyak dala ng lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa sa loob ng lunsod… Patayin ninyo ang matanda, binata, dalaga, bata at babae hanggang sa malipol ang lahat, subalit huwag ninyong galawin ang sino mang may tatak na krus. Magsimula kayo sa aking dalanginan…

 

Kung gayon, sumasalamin ang pangyayaring ito sa mga ililigtas ng Diyos sa Araw ng Paghuhukom.  Na walang iba kundi yaong nagtataglay sa kanilang noo ng nakasulat na pangalan ng Diyos. Ang pagpaparusa sa mga walang tatak ng krus sa noo ay nangyari na noon sa Jerusalem at muling mangyayari sa bayan ng Diyos.

APOCALIPSIS 22:3-4 KJV  At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya’y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin; At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo.

(tingnan din Apocalipsis 14:1)

Samakatuwid, kung may tanda para sa mga kampon ng kadiliman (666) mayroon ding katapat na tanda ang mga tunay na alipin ng Diyos (krus). Ang krus ang tunay na tanda ng buhay. Ipinahahayag nito ang kaluwalhatian ng kamatayan ni Jesus. Ang pangalan ng Ama at ng Anak ay sasa noo ng kanyang mga lingkod sa biyaya ng pag-ibig ng Espirito Santo.  Ang kamatayan ni Jesus sa krus ang naging tatak ng pagpapahayag ng katotohanan na ang biyaya at kagandahang-loob ng Diyos ay nasa daigdig na.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s