Walang Utos na Gumawa ng Imahen Sapagkat ang Diyos ay Espirito

holy_spirit_power

Sa Bagong Tipan, ang Panginoong Jesu-Cristo mismo ang nagsasabi na ang Diyos ay Espiritu kaya ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Kanya sa espiritu at sa katotohanan. Ito ang mga pananalitang pinanghahawakan ng mga Protestante na naninindigang mali ang paggawa ng mga imahen. Ayon sa kanila ang textong ito mismo ang nagsasabi at nagbibigay suporta sa katotohanang sinasabi sa Lumang Tipan (Deut 5:8-9) na wala dapat larawang gagamitin sa pagsamba. Ganito ang ipinahahayag ng texto:

JUAN 4:23-24 Ngunit dumarating na ang panahon – ngayon na nga – na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ito ang hinahanap ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.

 

Sa kabilang panig, naniniwala naman ang mga Katoliko na kung ipinagbabawal man sa Lumang Tipan ang anumang representasyon ng Diyos ito ay sapagkat ang Diyos ay  lampas sa lahat ng maaari nating isipin o ilarawan sa ating imahinasyon.  Bukod pa dito ay ang kaugnay na paniniwala o sinaunang mentalidad ng mga Judio na ikamamatay kung makikita ang Diyos at na hindi maaaring makita ang kanyang taglay na luwalhati (Hk 13:22; Ex 33:18-23 KJV).  Ngunit napakaraming saksi din naman ang nagpapatunay na nakita nila ang Diyos sa isang mahiwagang karanasan.  Alam ng Diyos na hindi ito posibleng mangyari kung hindi siya bababa sa ating mga karanasan.

EXODO 24:9-11 Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abiu at ang pitumpung lider ng Israel. Doo’y nakita nila ang Diyos ng Israel. Ang kanyang tuntungan ay animo sapirong bughaw at nakasisilaw na parang langit. Ngunit hindi sila naano bagamat nakita nila ang Diyos. At sila’y kumain doon at uminom.

(tingnan din Bilang 12:5-9; 1 Hr 3:5)

GENESIS 32:31 BSP  Kaya Panuel ang itinawag ni Jacob sa lugar na iyon, (ibig sabihi’y Mukha ng Diyos) sapagkat sinabi niya:”Harap-harapan kong nakita ang Diyos at buhay pa rin ako.

(tingnan din Daniel 7:9;)

EXODO 33:11a KJV At nakikipagsalitaan ang Panginoon kay Moises ng mukhaan, gaya ng isang taong nakikipagsalitaan sa kaniyang kaibigan.

GENESIS 18:1-2 Napakita si Yahweh kay Abraham sa Mamre sa may sagradong mga punongkahoy. Noo’y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang anu-ano’y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo. Patakbo siyang sumalubong, yumukod nang halos sayad sa lupa ang mukha.

(tingnan din Juan 1:32)

2 CORINTO 3:18 BSP  Kaya ilarawan nawa natin ang luwalhati ng Panginoon nang may walang takip na mukha at anyuin natin ang kanyang larawan patungo sa matindi pang kaluwalhatian – sa bisa ng Panginoong-espiritu.

Sa puntong ito, ay makatutulong sa pag-unawa kung ilalagay natin sa ating isip ang paniniwala ng mga Judio ukol sa di-maipaliliwanag na pagkakaiba at kakapusan ng lumilipas na bagay kung ihahambing sa  di malilirip na walang hanggang kalagayan ng Diyos. Bukod sa hindi nila pinapayagan na basta banggitin ang kanyang pangalan ng walang pakundangan (Deut 5:11 BSP) walang duda na lubhang nakaeeskandalo at maituturing na paglapastanganan para sa kanila na tapat sa Lumang Tipan ang paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao o nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo. Para sa kanila ang paniniwalang ito ay tahasang paglabag sa Banal na Kasulatan:

ISAIAS 43:10  KJV Kayo’y aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at aking lingkod na aking pinili: upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong matalastas na ako nga; walang Dios na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko.

(tingnan din Isaias 46:5 KJV; 40:25; 42:8 KJV)

OSEAS 11:9 KJV Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagkat ako’y Diyos, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.

(tingnan din Ezekiel 28:2)

Ngunit malayo sa katotohanan ang interpretasyon ng mga tagapunang biblista ukol sa kahulugan ng Juan 4:23-24.  Walang binabanggit si Juan sa textong sinipi sa itaas na bawal ang gumamit ng larawan.  Kongklusyon lamang ng ilang mangangaral ang paniniwala na “hindi maaaring gumamit ng larawan o imahen.”

Ang tapat na interpretasyon ay nagsasaalang-alang sa kontexto ng perikopya.       Kung susuriing mabuti ang kontexto mapapansin na ang pariralang “sambahin sa espiritu at katotohanan” ay tumutukoy sa pinag-uusapang lugar na dapat pagdausan ng pagsamba: kung Gerizim o Jerusalem.

Kung sisimulan ang pagbabasa sa talatang 20 kapuna-puna na ang nais ng babaeng bigyang liwanag ay kung saang lugar o dako dapat sambahin43 ang tunay na Diyos. Sinabi ng babae, “… sa bundok na ito (ang tinutukoy na ito ay ang bundok ng Gerizim) sumamba sa Diyos ang aming mga magulang, ngunit sinasabi ninyong mga Judio (Deut 12:4-5 MBB) na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos (Jn 4:20).

Ngunit tinugon siya ni Jesus upang ipaunawa na ang Diyos ay Espiritu at hindi maikukulong o malilimitahan sa isa lamang lugar o dako: “… sasambahin ninyo ang Ama hindi lamang sa bundok na ito (Gerizim) o sa Jerusalem.            

 

JUAN 4:20 –21 Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga magulang, ngunit sinasabi ninyong mga Judio, na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.” Tinugon siya ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, Ginang, dumarating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama, hindi lamang sa bundok na ito o sa Jerusalem.

Maliwanag na ang pinag-uusapan ay hindi patungkol sa pagbabawal gumamit ng larawan.  Ang ipinauunawa ng mga texto ay ang paniniwala ni Jesus na ang pagsamba sa bagong tipan ng pagbibiyaya ay hindi na dapat nakabatay sa heograpikal na lokasyon kundi sa pagsamba sa Diyos ng buong puso at kaluluwa at hindi paimbabaw lamang gaya ng ginagawa ng mga Eskriba at Pariseo.

Hindi pumasok kailanman sa isip ni Juan ang ipagbawal ang paggawa ng mga imahen. Katunayan, si  Juan na may akda ng ebanghelyo ay gumamit ng mga imahen44 sa kanyang pagsusulat gayong malinaw na malinaw sa kanya ang prohibisyon sa aklat ni Moises. Alam niya na hindi absoluto ang texto (Deut 5:8-9) gaya ng nais palitawin ng mga pundamentalista. Ang ebanghelistang ito mismo ang may sabi na dumating ang Diyos sa atin sa katauhan ng kanyang Anak na hindi lamang nagsalita tungkol sa Diyos kundi sa kanya mismo natin nakita ang Diyos na naging tao (Jn 1:1.14; 3:14; 14:9).

Samakatuwid, hanggang ngayon ay nananatili ang talukbong sa isip ng mga di-Katolikong nagbabasa ng aklat ni Moises (2 Cor 3:15).  Ngunit hindi gayon para sa mga pinalaya na ng pakikipag-isa sa Panginoon.     Katunayan, pumayag ang Diyos na gamitin ng ebanghelistang si Lucas ang imahen ng kalapati upang ilarawan maging ang di maipipintang anyo ng Espirito Santo habang ito ay bumababa sa kinatatayuan ng Panginoong Jesus.

LUCAS 3:21-22  Nabautismuhan na noon ang lahat ng tao, gayon din si Jesus. Nang siya’y nananalangin, nabuksan ang langit at bumaba sa kanya ang Espirito Santo sa anyong kalapati. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Kung sa Lumang Tipan ang kalapati ay naghatid ng balita ng kalayaan o kaligtasan mula sa pandaigdigang baha (Gen 8:8-12),  sa Bagong Tipan naman ang imahen ng kalapati ay nagkaroon ng mas malalim na kahulugan bilang simbolo ng Espiritung nagbibigay ng kalayaan sa sangkakristianuhan (2 Cor 3:17).  Ang Espiritu na nagpapalaya ang nagmumulat sa ating mga mata upang tanggapin ang pagbubunyag na dumating ang Diyos sa atin sa katauhan ng Kanyang Anak na hindi lamang nagsalita tungkol sa Diyos kundi sa kanya mismo natin nakita ang Diyos na naging tao.45 Siya ay si Ako Nga (Jn 8:28.2458-59; Ex 3:14) na bago nagkatawang tao ay hindi lamang  “ang larawan ng Diyos na di-nakikita;” kundi  “ang di-nakikitang larawan ng di-nakikitang Diyos ([BSP}Jn 1: 1.14a; 14:8-9; Col 1:15; 2 Cor 4:6).

43 Ang Templo ng mga Judio sa Jerusalem ay may karibal na templo – ang Templo ng mga Samaritano na ilang kilometro lamang ang layo mula sa balon ng Sichar. Tingnan din ang komentaryo ukol dito sa Biblia ng Sambayanang Pilipino,  Katolikong Edisyong Pastoral (Quezon City: Claretian Publications, 1990)

44 Ilan pa sa halimbawa ng imahen na ginamit ni Juan patungkol kay Jesus ay ang mga sumusunod: Kordero (1:29), ilaw (1:19-21; 8:12), pagkain (6:35), mabuting pastol (10:11.14-15), pintuan (10:7.9), daan (14:6), puno ng ubas (15:1) atbp.

45 Naniniwala ako na ang mga simbolong matatagpuang bahagi ng yaman ng pananampalatayang Katoliko ang katunayan na ang Iglesyang ito ang nagtataglay ng pinaka-makapangyarihang mensahe tungkol sa layunin ng pagkakatawang tao ng Diyos. Para sa iba pang detalye, basahin ang mga paliwanag sa Biblia ng Sambayanang Pilipino, 145-146.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s