Biblia Lang ang Magagamit sa Pagtuturo ng Katotohanan

inspiration-2_tim_3_16

Bukambibig ng mga Protestante ang halimbawa diumano na ang Panginoong Jesus ay palaging gumagamit ng pananalitang, “Nasusulat…” sa kanyang pagsagot sa mga panunukso ng diyablo (Mt 4:4-10). Ayon sa kanila nagbigay siya ng halimbawa ng pagkilala sa Biblia bilang ang natatanging batayan ng pananampalataya. At na ito ang dapat na maging panuntunan upang ang isang mananampalataya ay hindi mapagsabihan ng, “Maling-mali kayo, palibhasa’y di ninyo alam ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos” (Mt 22:29).  Naniniwala sila na binibigyang diin ng Panginoon sa pamamagitan ni Pablo na tanging ang Kasulatan lamang (Sola Scriptura) ang magagamit sa pagtuturo ng katotohanan:

 

2 TIMOTEO 3:16-17 KJV Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran. Upang ang tao ng dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

 

 

Sa isang tagpo sa ebanghelyo ni  Mateo ipinakita ang diyablo na gumagamit ng Biblia upang tuksuhin ang Panginoong Jesu Cristo. At dito ay gumamit siya ng pananalitang, “Nasusulat…” upang patunayan ang kanyang karapatan at kapangyarihan.  Ang dapat na hanapin dito ay ang layunin ng may-akda ng ebanghelyo na gumamit ng estilo ng panulat na tinatawag ng mga iskolar na Christian Midrash.  Isa itong interpretasyon ng pangyayari sa Lumang Tipan na iniuugnay at nagbibigay kabuluhan sa mga karanasang Cristiano sa kanilang panahon.  Halimbawa, ay ang paggamit ng mga pangyayari na magpapaalaala sa mga Judio nang 40 araw na pag-aayuno ni Moises at ni Elias sa disyerto, ang pagtukso kay Jesus bilang Anak ng Diyos na kumakatawan sa bayang Israel, atbpa.

 

Ngayon naman ay suriin natin kung totoo nga ba ang prinsipyo na “Sola Scriptura.”15   Mahalaga na talakayin ang bawat batayang texto upang maunawaan ang kahulugan at relasyon nito sa kabuuan.  Una,  walang binabanggit sa Sulat ni  Pablo kay Timoteo (3:16 KJV) ukol sa prinsipyo na “Biblia lamang…”  Ang kanyang binanggit ay “mapapakinabangan ang lahat ng kasulatan sa pagtuturo, pagsansala at pagsaway;” ibig sabihin, ang lahat ng kasulatan sa Lumang Tipan ay may kapakinabangan at maaaring makatulong sa paglilinaw ng pananampalatayang Cristiano.   Ang totoo, si Pablo mismo ay walang kamalay-malay na ang kanyang mga sulat ay magiging bahagi ng Banal na Kasulatan. Wala siyang ideya na pagkamatay niya ay gagamitin itong pamantayan ng pananampalataya ng susunod na mga henerasyong Cristiano.  (At gayon din ang dapat na maging palagay natin sa iba pang manunulat ng Bagong Tipan.)  Mahigit 300 taon na siyang patay ng ang mga aklat sa Bagong Tipan ay matipon, kilalanin at opisyal na tanggapin16 bilang bahagi ng Banal na Kasulatan sa pamamagitan ng Konsilyo ng Carthage taong 397 A.D.  Nangangahulugan kung gayon na, bago matipon at piliin ang mga bubuo sa Banal na Kasulatan marami na ring mga manunulat Cristiano ang nakapagsulat ng mga aklat na maaaring maging gabay sa tama o wastong interpretasyon sa Biblia.  Ang mga aklat na ito na isinulat ng mga sumunod na henerasyong Cristiano, at itinuring ng Simbahan  bilang mga Ama ng Iglesya, ay maaari nating ituring na matibay na bahagi ng Tradisyon17 ng Iglesya.

 

Sa totoong diwa at kahulugan, ang pariralang  “lahat ng mga kasulatan” ay tumutukoy sa kilala natin ngayong Lumang Tipan.   Ito ay sapagkat walang manunulat sa Bagong Tipan ang nakaisip na magkakaroon ng aklat na tatawaging Bagong Tipan at na ang kanilang mga sinulat ay magiging bahagi nito.  Para sa kanila, ng una, ang ginawang pagbubunyag ng Diyos ay sapat na at hindi maaaring magkulang.

 

ISAIAS 34:16 KJV Inyong saliksikin sa aklat ng Panginoon, at inyong basahin: kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kaniyang kasama; sapagkat iniutos ng aking bibig, at pinisan sila ng kaniyang Espiritu.

(tingnan din Deuteronomio 4:2 MBB; Kawikaan 30:6 MBB)

 

Hindi naisip agad ng kanyang mga alagad na mahalaga pa ang magsulat ng aklat18 sapagkat  inakala nilang ito ay kawalan ng pananampalataya dahil ang buong paniniwala nila ay darating na ang wakas.  Mababanaag pa rin natin ang kahalintulad na sinaunang pananaw ukol sa matibay na paniniwalang nagbabadya na nga ang katapusan ng sanlibutan sa sumusunod na texto:

 

1 TESALONICA 4:17  Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. Sa gayo’y makakapiling niya tayo magpakailanman.

MATEO 24:34  Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay ngayon.

 

Ikalawa,  walang binabanggit si  Pablo na tanging ang Kasulatan lamang (Sola Scriptura) ang magagamit sa pagtuturo ng katotohanan.  Na ito lamang ang dapat at natatanging batayan.  Kung susuriing mabuti, hindi binabanggit ng texto na ang Banal na Kasulatan lamang ang ibinigay at kinasihan ng Espirito Santo.   Hindi rin nito sinasabi na ang Banal na Kasulatan lamang ang kailangan sa pagtuturo ng katotohanan.

 

Kung totoo na sa pamamagitan ng Konsilyo ng Carthage natipon ang Banal na Kasulatan maliwanag na natipon ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iglesya na ipinagkaloob ng Diyos (1 Tm 3:15b; Mt 16:18-19; 28:20). Ang Iglesya ang di-nagkakamaling nagpasya kung ano ang magiging nilalaman ng Biblia.  Kaya maling pamamaraan na gamiting batayan ang 2 Timoteo 3:16 upang bigyang diin na Biblia lamang ang mahalaga at wala ng silbi pa na isaalang-alang ang Tradisyon at ang Iglesya na pinatutunayan ng Kasaysayan na siyang kumilala dito.

 

Ikatlo, tulad ng malimit na pagkakamali ng mga pundamentalista ginagamit nila ang texto ng hindi na naman sinuri ang kontexto.  Kung sisimulan lamang ang pagbabasa sa talatang 8 mauunawaan ng isang nagsusuri na dito ay ginagamit ni  Pablo ang salit-saling sabi o tradisyon:

 

2 TIMOTEO 3:8.16-17 At tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, ang mga lalaking ito’y salungat din sa katotohanan. Wala na silang iniisip na kabutihan, anupat napatunayang hindi karapat-dapat ang kanilang pananampalataya…

Lahat ng Kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.

 

Kung sisimulang basahin ang kabanata 3, mapupuna sa kontexto na si  Pablo ay nagsasalita ukol sa pamamaraan kung paano tatalunin ang kapalaluan sa mga huling araw. Sa talatang 8 ay may tinukoy na mga pangalang Janes at Jambres. Ang mga pangalang ito ay hindi matatagpuan sa Lumang Tipan.  Salit-saling sabi o tradisyon ang nagpakilala sa kanila bilang mga salamangkero ng Faraon.  Maliwanag na binigyang halaga ni  Pablo ang tradisyon upang ganap na maituro ang katotohanan.

 

Samakatuwid, magagamit o mapapakinabangan ang mga Kasulatan sa pagtuturo ng katotohanan… (2 Tm 3:16).  Ngunit sa unahan ng liham na ito kay  Timoteo ay sinabi sa kanya ni  Pablo na, “Gawin mong huwaran ng Kristiyanong pananampalataya at pag-ibig ang mga salitang narinig mo sa akin” (2 Tm 1:13 BSP).   Gayundin, idinugtong niya na, “Ang narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ang ituro mo sa mga taong matapat na may kakayahang magturo sa iba (2 Tm 2:2 BSP).” Si Pablo mismo ang nagpapatotoo na ang kapangyarihan ng Simbahan (Mahisteryo) ang ginagamit na saligan sa paglutas sa mga isyu na nangangailangan ng maingat na pagpapasya (Gw 15).  May batayan kung gayon na sabihin niya na, “… ang Iglesya ng Diyos na buhay, ang haligi at saligan ng katotohanan” (1 Tm 3:15b BSP).

 

 

15 Kung totoo na ang mga Kasulatang Judio (Lumang Tipan) ay binabasa lamang sa sinagoga (Lc 4:16-17; Jer 36:6); kung totoo na humigit-kumulang 40 taon muna ang lumipas (pagkatapos na si Jesus ay mamatay) bago naisulat ang kuwento ng kanyang buhay; kung totoo na ang mga Kasulatang Cristiano (Bagong Tipan) na gawa sa papiri ay natipon, kinilala at opisyal na tinanggap sa Konsilyo ng Carthage (397 A.D.); kung totoo na noon lamang 1450 naimbento ang Printing Press sa pamamagitan ni Johannes Gutenberg; kung  totoo na Biblia ang tanging saligan ng pananampalatayang Cristiano, dapat magkaroon ng tanong kung paano naipangaral ang salita ng Diyos at ano ang naging batayan ng sinaunang mga tagapagturo.

16 Si  Bernabe ay apostol ni Jesus na puspos ng Espirito Santo (Gw 11:24). Tulad ni  Pablo, may ginawa din itong Sulat para sa Iglesya. Bakit ayaw tanggapin ng mga Cristianong maka-Biblia ang kanyang Sulat? Sa anong kapangyarihan nila napatunayan na ang Sulat ng nabanggit na apostol ay hindi dapat na makabilang sa Bibliang Cristiano? Ito ang tanong ni Paul Stenhouse, MSC. Biblical Fundamentalism na isinatagalog ni Msgr. Jose C. Abriol PA., Mga Tuligsa ng Fundamentalista sa Katoliko (Makati: Salesiana Publishers Inc., 1989), 30. Ang totoo, walang malay na tinanggap lamang ng mga Protestante ang kapasyahan ng Simbahan, sa pamamagitan ng Konsilyo ng Carthage kung ano ang dapat na bubuo sa Bibliang Cristiano.

17 Tulad na lamang ng aklat ni  Ignacio ng Antioquia sa kanyang Sulat sa mga taga Smyrna na kung saan ay matatagpuan na doon ang paggamit ng pangalan na Iglesya Katolika upang tumukoy sa Iglesyang itinuturing na noon pa man na nasa pangunahing katayuan.

18 Para sa iba pang detalye, basahin ang aklat ni Howard C. Kee, Understanding The NewTestament, 4th  ed. (New Jersey: Prentice Hall, Inc. 1983)  81-

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s