Labag sa Utos na Tawaging Father ang mga Pari

 mass-at-la-salle-green-hills-to-mark-the-32nd-death-anniversary-of-slain-senator-benigno-e2809cninoye2809d-aquino-oppiciating-priest-fr-manoling-franciscosj-photo-eddcastro-2

Sinasabi ng mga Protestante na ang mga Katoliko ay lantarang lumalabag sa utos ni Cristo sapagkat ang mga Pari daw ay tinatawag na Father o Ama. Ayon sa kanila, mababasa sa Biblia na si Jesus mismo ang nagsabing hindi ito dapat na ginagawa:

 

MATEO 23:9  At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit.

MALAKIAS 2:10 a  MBB  Hindi ba iisa ang ating ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin? . . .

(tingnan din 2 Samuel 7:14; 1 Cronica 17:13; Hebreo 1:5)

 

Ang punang ito ng mga Protestante ang isa sa madalas na gamitin ng mga baguhan sa larangan ng apolohetika. Maraming mga Katoliko ang walang kaalaman sa simpleng mga puna kung kaya hindi nila ito basta nasasagot. Atin itong suriin ng may pagsasaalang-alang sa iba pang mga texto ng Banal na Kasulatan.

Kung titingnan ang kontexto mapapansin na ang ipinagbabawal ay hindi lamang ang pagtawag ng ama (Mt 23:9) kundi maging ang pagtawag ng guro (Mt 23:10). Ang mga siniping texto ay dapat unawain sa diwa na tumutukoy sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ang layunin ng mga texto ay upang ibunyag ang kayabangan at pagpapaimbabaw ng mga Pariseo at eskriba.

Kung maayos na susuriin ang kontexto, mapupuna na ipinagbabawal ang magpatawag ng Father o Ama kung ang layunin nito ay agawin ang karangalang tanging iniuukol sa Diyos. Ito ay sapagkat ang sinumang tao sa lupa ay mayroon lamang iisang Ama na lumikha ng lahat ng  bagay (1 Cor 8:6). Siya’y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat (Ef 4:6). Kaya nararapat lamang na tayo ay pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu (Heb 12:9) sapagkat hindi niya ikatutuwa na ang kanyang tinanggap bilang anak ay magpatuloy sa pagkakasala (1 Jn 3:9; San 1:18) at hindi nakapagbibigay ng luwalhati sa Kanya (Mt 5:16b). Samakatuwid, maliban sa dahilang ito ay maaaring gamitin ang pantawag na ito kahit hindi Ama sa laman ang tinutukoy:

 

JOB 29:16  Nagsilbi akong ama ng mga mahihirap,

kahit di ko kilala ay aking nililingap.

2 HARI 13:14  Si Eliseo ay nagkasakit nang malubha at dinalaw siya ni Haring Joas ng Israel. Lumuluha nitong sinabi, “Paano kami ngayon, Ama na lakas at pag-asa ng Israel!”

 

Sa Biblia, may mga lingkod ang Diyos na nagpatawag ng Father o Ama sa hindi niya tunay na mga anak (Is 22:21; 1 Jn 2:13-14). Halimbawa, si Eliseo na anak ni Saphat (2 Hr 3:11) ay gumamit ng pantawag na Father o Ama patungkol kay Elias. Malinaw na si Eliseo ay hindi naman literal na anak ni Propeta Elias. Ang pagtukoy sa kanya bilang “Ama na lakas at pag-asa ng Israel,” ay may kinalaman sa  kanya bilang tunay na lingkod at kinatawan ng Diyos.

 

2 HARI 2:12a  Ito’y kitang-kita ni Eliseo, kaya’t napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Lakas at pag-asa ng Israel!” At nawala sa paningin niya si Elias.

 

Natutulad ito sa kwento tungkol sa isang binatilyong Levita na taga-Betlehem, na kung susuriin ang kontexto ay mapupunang naging tahimik ukol sa pagkakasalang idolatria (Huk 17:3-5; 18:15-26) ng taong kumupkop sa kanya sa katauhan ni Mikaya.  Wala ni isa man ang nangahas na  ituwid siya sa kanyang sariling pasya na maging ama at pari sa bahay ni Mikaya. Maging ang mga tao mula sa tribu ni Dan ay humimok sa kanya na magpasya kung alin ang mas mabuti: ang maging ama at pari ng tribu nila o ng iisang tao lamang (Huk 18:19 BSP). Noong panahon ng Lumang Tipan ang mga lalaki ng tribu ni Levi127 ang nakatalaga sa paglilingkod sa Diyos.

 

HUKOM 17:10 BSP  Sinabi sa kanya ni Mikaya: “ Dito ka na tumira sa bahay ko at tumayo kang ama at pari ko . . . Kaya’t tumuloy sa bahay ni Mikaya ang Levita. Pumayag ang Levitang tumira sa bahay ni Mikaya at itinuring siyang tunay na anak. Itinalaga ni Mikaya ang Levita bilang pari at nanatili ito sa kanyang bahay. At sinabi ni Mikaya: “Ngayon ay natitiyak kong pagpapalain ako ni Yawe sapagkat pari ko na ang Levitang ito.”

 

Sa Bagong Tipan, si Jesus ay hindi tumanggi sa ginawang pagkilala kay Abraham bilang Ama ng maraming bansa o Ama ng maraming lahi. Si Jesus mismo ay pumapayag sa aktwal at tuwirang paggamit ng pantawag na ito sa isa sa mga natatanging lingkod ng Diyos. Alam ni Jesus na hindi salungat ang kanyang utos na “huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa…” (Mt 23:9) sa pagkakagamit nito patungkol sa Ama ng Pananampalataya.

 

LUCAS 16:24-25.27 At sumigaw siya: “Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito. Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan.

At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama…

JUAN 8:53.56 Dakila ka pa ba kaysa aming amang si Abraham? Siya’y namatay, gayon din ang mga propeta. Ano ba ang akala mo sa sarili mo?

Natuwa ang inyong amang si Abraham nang mabatid na makikita niya ang araw ng pagparito ko; nakita nga niya ito at siya’y nagalak.”

 

Walang texto ang nagsasabi na sinalungat o tinanggihan ni Jesus ang ginawang pagkilala at pagtawag ng mga Judio kay Abraham bilang kanilang Ama. Si  Pablo ay nagpakita rin sa kanyang Sulat sa mga taga Roma ng pagsang-ayon sa ganitong pagkilala.

At kailanman ay hindi siya nag-isip ng masama nang si Abraham ay tawagin ng gayon sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanya bilang Ama ng Pananampalataya at ng maraming bansa.

 

ROMA 4:16-17  Kaya nga, ang pangako ay nababatay sa pananalig upang ito’y maging isang kaloob sa lahi ni Abraham – hindi lamang sa  mga sumusunod sa Kautusan kundi sa lahat ng nananalig sa Diyos, tulad niya, yamang siya ang ama nating lahat. Ganito ang nasusulat: “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito ay may bisa sa harapan ng Diyos na kanyang pinanaligan, ang Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumikha sa lahat ng bagay.

(tingnan din Genesis 17:5)

ROMA 4:11-12 BSP  Kaya naging ama siya ng lahat ng paganong di-tuli, ngunit may pananampalataya na kinikilala upang gawin silang matuwid. At naging ama rin siya ng mga tuli na hindi tinuli lamang kundi sumusunod sa halimbawa ng pananampalataya ng ating amang si Abraham noong di pa siya tuli.

(tingnan 1 Jn 2:13;Gw 7:2; Ro 9:10)

 

Kaya naman, kung paanong tayo’y naging anak ng ating mga literal na magulang sa laman, gayundin naman, tayo’y naging anak ng pari sa pamamagitan ng Mabuting Balita na ipinangangaral gaya ng binabanggit ng mga apostol:

 

1 CORINTO 4:15b-17 BSP  …At ako  ang nagsilang sa inyo kay Kristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. Kaya nagsusumamo ako sa inyo, maging tagagaya ko  kayo. Ito ang dahilan kung bakit ipinadala ko sa inyo si Timoteo, na aking mahal at tapat na anak sa Panginoon; paaalalahanan niya kayo sa aking Kristiyanong pamumuhay tulad ng itinuturo ko sa lahat ng lugar sa bawat iglesya.

1 TIMOTEO 1:2  Kay Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya: Sumaiyo nawa ang pagpapala, habag, at kapayapaan buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon

1 PEDRO 5:13 Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga hirang na paris ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, ang mahal kong anak sa pananampalataya.

 

Sa Lumang Tipan ang itinalaga upang humawak ng susi ay tinatawag na Ama. Natutupad ang textong ito sa itinalagang maging tagapangasiwa ng Iglesya sa bagong tipan ng Diyos.

 

ISAIAS 22:21-22 Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuutan. Ibibigay ko sa kanya ang iyongg kapangyarihan. Siya ang magiging pinaka-ama ng Jerusalem at ng Juda. Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David. Ang kanyang buksa’y walang makapagsasara. At walang makapagbubukas ng ipininid niya.

MATEO 16:18-19  At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.

 

Bilang kongklusyon, madali ng unawain na kung mayroong itinuturing na anak sa pananampalataya, marapat lamang tanggapin na mayroon din tayong dapat na ituring na Ama sa pananampalataya. Sapagkat sa pamamagitan ng kanilang pangangaral ng ebanghelyo ay napapakinggan ng mga tao ang buhay at walang kamatayang salita ng Diyos (Rom 10:14; 1 Pd 1:23 BSP).

 

 

 

127 Sa Israel, bawat lalaking ipinanganganak sa tribu ni Levi ay pari (Deut 10:8; Bil 1:47-51). Sa pamamagitan lamang ng kanilang presensya ay naipaaalaala nila sa bayan ng Diyos na ang Israel ay nakalaan para sa paglilingkod sa Diyos. Pero sa simula pa’y hindi na kinilala ng Simbahan ang mga pribilehiyo ng tribu ni Levi sapagkat hindi ipinasya ng Diyos na sa kanilang lahi magmula si Jesus kundi isinilang ito mula sa tribu ng Juda (Heb 7:14; Apo 5:5).

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s