“Naganap Na”: Ang Kaligtasan Bunga ng Pagtatakip ng Pagka-matuwid ni Cristo

2nd_corinthians20_5-21-transparent

Ayon sa mga Protestante mali ang itinuturo ng Simbahang Katoliko tungkol sa kaligtasan. Itinuturo daw ng Simbahan na tanging ang mga ganap at dalisay na tao lamang ang maaaring magmana ng kaharian ng langit. Na siya namang totoo. Ang problema hindi ito matanggap ng mga Protestante sapagkat mismong ang Paginoong Jesus daw ang maysabi na, “Naganap na” (Jn 19:30).  Ibig sabihin tinapos na daw ni Jesus ang kanyang gawain sa krus.  Dahil dito inaaring-ganap na tayo ng Diyos at tinatakpan ng pagka-matuwid ni Cristo (imputed righteousness of Christ). May mga texto na magbibigay patunay sa mga ito:

JUAN 17:4 KJV Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin.

1 JUAN 1:7 b KJV …at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak sa lahat ng kasalanan.

ROMA 8:1 KJV Ngayon nga’y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus

2 CORINTO 5:21 KJV Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo’y maging sa kaniya’y katuwiran ng Diyos.

 

Ngunit hindi sumasang-ayon ang Simbahan sa ganitong interpretasyon o aral. Kung babasahin ang kabuuan ng Biblia makikita natin na iba ang sinasabi nito. Kaya nahulog sa pagkakamali ang mga Protestante ay dahil sa pumili lamang sila ng mga texto na susunod sa aral na nais nilang palabasin.

Bunga ng mataas na pagkilala sa kabanalan ng Diyos itinuturo ng Simbahan na kailangan munang maging karapat-dapat ang isang tao bago niya matamo ang kaligtasan. At ito ay matatamo sa pamamagitan ng pagsampalataya at pagsisisi sa kasalanan. Ang Biblia mismo ang nagsasabi na banal ang Diyos (Is 6:3; Ap 4:8). Dahil sa katotohanang ito inaasahan niya na tayo man ay dapat na magsikap na maging karapat-dapat sa pag-aalay na ginawa ng kanyang Anak sa krus (1 Pd 1:15-17). Walang kahit isang texto sa Biblia ang nagsasabi na maaari lamang makapasok sa langit ang isang tao na itinago o tinatakpan ng pagka-matuwid ni Cristo (imputed, sa Gk. logizomai). Na dahil sa biyaya ni Cristo ang kanyang pagka-matuwid ay tinataglay natin at nagkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.  At na diumano ay walang kinalaman dito ang ating mga pagsisikap na gumawa ng mabuti. Interpretasyon lamang ng mga biblistang Protestante ang ukol sa diumano ay ginawang pagtatakip ng pagka-matuwid ni Cristo.

Ang di mapapantayang kabanalan ng Diyos ay nagtuturo sa atin na walang anumang bagay na marumi ang maaaring makapasok sa langit:

PAHAYAG 21:27 Ngunit hindi makapapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos, ang sinumang gumagawa ng kahihiyan, at ang mga sinungaling. Yaon lamang may mga pangalang nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng kordero ang makapapasok sa lunsod.

HABAKUK 1:13 Ikaw ay banal, ayaw mong tumingin sa kasamaan. Hindi mo matatagalang tingnan ang kalikuan.

idolatry

Totoo na sapat na ang ginawang pag-aalay ni Cristo ng sarili sa krus para sa ikaliligtas ng tao. Ngunit hindi ipinahihiwatig ng salitang “Naganap na” na wala na tayong kailangang gawin at pagsikapan. Sinabi ng Panginoong Jesus ang “Naganap na”  bago Siya namatay at bago Siya nabuhay na muli.  Ang salitang “Naganap na” ay hindi tumutukoy sa kanyang pagkamatay sa krus sapagkat buhay pa siya ng sinasabi niya ito at hindi rin ito tumutukoy sa kanyang pagkabuhay na muli sapagkat hindi pa siya namamatay kundi nakabayubay sa krus. Ang tinutukoy na naganap na ay ang katuparan ng hula sa Kasulatan na pagpapainom sa Kanya ng maasim na alak o suka (Aw 69:21; Jn 19:29) bago nalagot ang Kanyang hininga. Ang salitang “Naganap na” ay walang tuwirang kinalaman sa pag-aangkin ng kasalanan ng iba. Bukod dito, sa tradisyong Katoliko ang salitang “Naganap na” ay pang-anim sa tinatawag na Pitong Wika. Ganito ang nakasulat sa Ang Buhay ni Jesucristo na Hinango sa Apat na Ebanghelyo at Ginawang Isang Salaysay Ayon sa Pagkakasunod-sunod ng mga Pangyayari na isinulat ni P. Juan M. H. Ledesma, SJ., Ph.D., S.T.D.:

JUAN 19:30 Pagkasipsip ni Jesus ng suka ay Kanyang sinabi: ”Natapos na.”

LUCAS 23:46 At sumigaw ng malakas si Jesus, na winika: “Ama, inihahabilin Ko sa mga kamay mo ang Aking kaluluwa.”

JUAN 19:30 At pagkasabi nito at pagkayuko ng ulo ay inialay ang Kanyang buhay.

Kung susuriin natin ang kontexto matutuklasan natin ang dahilan kung bakit pinipili lamang ng mga Protestante ang texto na kanilang sinisipi. Sa mismong kasunod na kasunod na texto ay malinaw ang sinasabi:

2 CORINTO 5:21 KJV Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo’y maging sa kaniya’y katuwiran ng Diyos.

2 CORINTO 6:1 KJV At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan.

Sa unahan ng mga textong binanggit (tingnan 17-20) ay nakikiusap si  Pablo sa mga mananampalatayang taga Corinto na makipagkasundo sa Diyos. Tandaan natin palagi na ang sinusulatan dito ni Pablo ay mga Cristianong nagtataglay na ng pananampalataya. Pagpapatuloy ito ng tema ng kanyang pakiusap na makipagkasundo sa Diyos. Na ang pakikipagkasundo sa Diyos ay isang nagpapatuloy na proseso.  Kaya nga nakikiusap siya o ipinamamanhik niya na huwag tanggapin ang biyaya ng Diyos na walang kabuluhan. Kung totoo na may pagtatago o pagtatakip ng pagka-matuwid ni Cristo hindi maaaring mangyari na matatanggap ang biyaya ng Diyos ng walang kabuluhan.  Ang malinaw na tinutukoy ng texto ay ang naging pag-aalay ni Cristo ng sarili para sa kasalanan:

EFESO 5:2  Mamuhay kayong puspos ng pag-ibig ni Cristo; dahil sa pag-ibig sa atin, inihandog niya ang kanyang buhay bilang mahalimuyak na hain sa Diyos.

(tingnan din Hebreo 7:27)

ROMA 3:25 KJV Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kanyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios

1 CORINTO 5:7 KJV Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo’y maging bagong limpak, na tulad sa kayo’y walang lebadura. Sapagkat ang kordero ng ating paskua ay naihain na, samakatuwid baga’y si Cristo

Ipinagkaloob ng Panginoong Jesu Cristo ang kanyang sarili para sa lahat.  Upang sa pamamagitan nito ay lumakad tayo hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu (Rom 7:3-4). Bunga nito ay na bubuhay sa biyaya ang mga Cristiano dahil sa kanyang pag-aalay ng sarili sa krus. Iba ito sa pagtatakip ng pagka-matuwid ni Cristo (imputed righteousness of Christ) na hindi naman binabanggit ng Banal na Kasulatan.

Kaya mali ang interpretasyon sa texto (2 Cor 5:21 KJV) na labis na pinagbabatayan ng ukol sa ginawang pagtatakip ng pagka-matuwid ni Cristo. Ang pariralang, “upang tayo’y maging sa kaniya’y” (that we might be made) ay isang pagpapahiwatig ukol sa kondisyon o posibilidad at hindi isang garantiya. Nakasalalay ito sa ating nagpapatuloy na pakikipagkasundo sa Diyos. Kung ang kaligtasan ay isang proseso dapat na tayo ay makiisa o makipagtulungan sa kanya.

2 CORINTO 6:1 KJV At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan.

Samakatuwid, upang maipagpatuloy natin ang pagiging matuwid kailangan na gumawa tayo kasama ng Diyos. Ang biyaya ng Diyos ay nagtutulak sa atin na bigyan ng mataas na paggalang ang pangangailangan ng tao na dalisayin muna upang magkaroon ng karapatan na humarap sa Kanya. Isa itong pagtanggap sa kinakailangang pagpapakumbaba sa Diyos na lumikha ng lahat ng bagay.

Kaya wala pa ring epekto at di binabago ang katotohanang ito ng iba pang texto na tulad halimbawa ng Hebreo 10:14. Hindi nito pinatutunayan na wala ng kinakailangang pagdalisay sa isang mananampalatayang di pa ganap nang dahil sa pinapaging-ganap na ni Cristo ang lahat ng naniwala sa kanya.  Tunghayan natin kung ano ang sinasabi ng texto ukol dito:

HEBREO 10:14 KJV Sapagkat sa pamamagitan ng isang paghahandog ay kaniyang pinasakdal magpakailan man ang mga pinapagiging-banal.

Minsan pa ay hindi nito pinatutunayan na hindi na kailangan pa ang Purgatoryo.  Sa aklat ng Hebreo ay maraming texto ang makikita ukol sa pangangailangan ng mga mananampalataya na magpunyagi sa pananampalataya upang matamo ang kaligtasan (Heb 2:1-3; 3:1, 5-6; 3:12-14; 3:16-19, 11:29; 4:1-3; 4:11-14; 5:9; 6:4-6; 6: 9-12; 10:22-29; 10:35-38; 11:4-7; 12:5-11; 12:12-17; 12:25-26).  Kung susuriin lamang ng mabuti ang texto ay matutuklasan ng isang nagsusuri na ang pagliligtas ng Diyos ay nagpapatuloy at nangangailangan ang isang mananampalataya na magpunyagi sa pananampalataya upang magtamo ng kaligtasan.  Kung hindi niya sisikapin ang pagpapakabanal hindi niya makikita ang Panginoon:

HEBREO 12:14 MBB Magpakabanal kayo at sikaping makasundo ang inyong kapwa, sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito.

(tingnan din Hebreo 12:9.11.15-17)

Bilang pagwawakas, mahalagang isaalang-alang ang katotohanan na mamamalaging udyok ng sinaunang pananampalataya ang utos na magpakabanal.  Mamamalagi ang katotohanang ito bunga ng pagnanais ng Diyos na tayo ay makapiling niya sa kanyang kaharian. Ninanais ng Diyos na madalisay ang ating pagkatao upang taglayin natin ang kinakailangang  kadakilaan ng kabanalan. Ang Purgatoryo ang huling yugto na pagdadaanan natin bago tayo tuluyang makapasok sa presensya ng Diyos.  Malinaw ang kanyang pangako: makikita ng sinumang nagsisikap na mabuhay ng may kabanalan ang Panginoon. At kung sakali na mamatay tayong kapos sa kabanalan ang apoy ng pag-ibig ng Diyos ang dadalisay sa atin.

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s