Araw ng Pasko: Tradisyon na Nakaugat sa Kaugalian ng mga Pagano

 jesus-in-the-manger-610x351

Para sa mga di Katoliko ang Araw ng Pasko ay isang Tradisyon na nakaugat sa kaugalian ng mga pagano. Naniniwala sila na ito ay isang malinaw na halimbawa ng maling pagpapahalaga na sinusunod ng mga Katoliko sa halip na Biblia.  Hindi nila ikinatutuwa na ipinagdiriwang ito sa pamamagitan ng isang salu-salo at ng pagbibigay ng regalo. Sinasabi nila na ang ganitong kaugalian ay walang batayan sa Biblia kundi nakaugat sa tradisyon ng mga pagano o ng mga di naniniwala kay Cristo. Hindi daw ipinag-utos ni Jesus na gawin ito ng mga Cristiano. Katunayan, ayon sa kanila, ang dalawang tanging pagdiriwang ng kaarawan na binanggit sa Biblia ay ginawa ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos:

 

MATEO 14:6-10 Nang dumating ang kaarawan ni Herodes sumayaw sa harapan ng mga panauhin ang anak na babae ni Herodias. Labis na nasiyahan si Herodes, kaya’t isinumpa niyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. Sa udyok ng kanyang ina ay sinabi ng dalaga, “Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista.” Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niyang ibigay iyon sa dalaga. Kaya’t pinapugutan niya si Juan sa bilangguan.

(tingnan din Gen 40:20-22; Marcos 6:21,22,24-27)

COLOSAS 2:8   Mag-ingat kayo upang hindi mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at magdarayang aral at hindi nasasalig kay Cristo kundi sa sabi-sabi ng matatanda at sa mga tuntunin ng sanlibutan.

 

Ngunit kung pagninilayan natin ang okasyon na ito makikita natin na ang Panginoong Diyos ang pinaka-unang nagpakita ng dalisay na halimbawa ng kabutihang-loob ng kanyang ipahintulot na ang Kanyang Bugtong na Anak ay magkatawang-tao upang tubusin ang sangkatauhan sa sumpa ng kasalanan (Gal 3:13).  Walang maaring itumbas na anuman sa pagkakasalang nagawa ng tao sa Diyos. Ang pagpapahintulot ng Panginoong Diyos na ang  Kanyang Anak ay magkatawang-tao ay isang sakdal na biyaya at maaaring ituring na isang uri ng regalo. Pinakamabuti at walang katumbas na regalo sapagkat ang nakataya dito ay buhay na walang hanggan:

 

JUAN 3:16  Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi  magkaroon ng buhay na walang hanggan.

 

Payak at maliwanag ang payo ng Banal na Kasulatan “… anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.” (1 Cor 10:31; Manga 3:13).   Kaya kung hindi nalulugod ang Diyos sa mga nagbibigay ng regalo, ang mag-asawang Jose at Maria ang tiyak na unang sasaway o magpapaalaala na hindi sang-ayon ang Diyos na hanapin pa sila at makiisa sa pagdiriwang ng kaarawan Niya.  Katunayan, hindi Niya gagabayan ng tala (Mt 2:9) ang mga pantas[1] na buong galak na dumalaw at naghandog sa sanggol ng kanilang mga regalo kung ito ay taliwas sa Kanyang kalooban:

 

MATEO 2:9-11 At lumakad na nga ang mga Pantas. Muli silang  pinangunahan ng talang nakita nila sa Silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayon na lamang ang galak ng mga Pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.

b

Tradisyon ang naging batayan ng  sinaunang mga alagad[2] kung paano susuriin at  isusulat  ang  kasaysayan  ng buhay at  mga turo ni Cristo na siyang magiging gabay sa buhay ng mga susunod na henerasyong Cristiano pagkatapos ng mga apostol.  At ito naman ay malinaw na inaamin ni  Lucas sa kanyang ebanghelyo:

 

LUCAS 1:1-3  Kagalang-galang na Teofilo: Marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna namin. Ang kanilang sinulat ay ayon sa sinabi sa amin ng mga nakasaksi nito buhat sa pasimula at nangaral ng Salita.  Matapos na ako’y makapagsuri nang buong ingat tungkol sa lahat ng  bagay na ito buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat ng isang maayos na salaysay para sa inyo.

 

Kaya may dalawang pananaw ukol sa katugmaan kung bakit ika-25 ng Disyembre ipinagdiriwang ang Pasko o ang araw ng kapanganakan ng Panginoong Jesu-Cristo: Una, may ilang dalubhasa sa Biblia na naniniwalang may katibayan sa Kasulatan upang paniwalaan na ika-25 ng Disyembre ipinanganak ang Panginoong Jesus. Ayon sa Kasulatan tinanggap ni Zacarias ang balita mula kay anghel Gabriel habang siya ay nag-iinsenso noong panahon ng Pista ng Paghahandog sa Templo (Lc 1:8-25) na ika-7 buwan ng Tishri (o huling bahagi ng Setyembre). Makalipas ang anim na buwan ay nagpakita naman ang anghel Gabriel kay Maria (Lc 1:26.36, buwan ng Marso). Na kung bibilangin ang 9 na buwan mula dito nang ang Panginoong Jesus ay ipagbuntis ni Maria ay papatak sa nakaugalian ng petsa ng pagdiriwang ng Pasko na ika-25 ng Disyembre. Ikalawa, para sa mga makabagong dalubhasa sa Biblia hindi maaaring matiyak ang  mismong araw ng kapanganakan ni Jesus.  Ang natitiyak ay ang banggit  sa Disyembre 25 bilang unang araw ng pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus sa kalendaryong Philocalian (354 A.D.).  Nang panahong yaon ang Disyembre 25 ay isa ng ispesyal na araw ng pagdiriwang sa daigdig ng paganong mga Romano.  Ipinagdiriwang nila ang “Kaarawan ng Araw” (Dies solis invicti). Upang hindi maimpluwensyahan ang mga Cristiano ng malaganap at masayang pagdiriwang ng mga pagano, binigyan ng Simbahan ng bagong kahulugan ang araw na ito sa  pamamagitan ng paggunita sa araw ng kapanganakan ni Jesus.[3]

 

Sa paglipas ng panahon, dahan-dahang napalitan ang paganong kapistahan ng higit na mas makabuluhang pagdiriwang na humikayat sa mga pagano sa tunay na pananampalataya upang matupad sa mga Cristiano ang ipinapayo ng Banal na Kasulatan:

 

ROMA 12:21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

 

Kaya walang batayan sa Biblia ang paniniwala ng ilang tagapunang Biblista na hindi nararapat na ipagdiwang ang araw ng kapanganakan ng Panginoon sa simpleng dahilan na walang binanggit na petsa ang Biblia.  Hindi rin naman binanggit ng Biblia na bawal ipagdiwang ang Kanyang kaarawan.   Ang mahalaga ay may itinanging araw upang ipagdiwang ang Kanyang kapanganakan.  Okasyon ito na maaaring itangi upang tularan ang ginawa ng malaking hukbo ng kalangitan na nagpuri sa Diyos sapagkat isinilang at dumating sa bayan ni David ang Tagapagligtas.

 

LUCAS 2:11-14 Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. Ito ang palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban.” Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan, na nagpupuri sa Diyos.: “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”

 

Ang Banal na Kasulatan na mismo ang nagpapatotoo na kapag tumahimik at sinang-ayunan ang anumang pagsaway o pagtutol sa ganitong magandang kaugalian, ang … “pagpupuri sa Hari na dumarating sa ngalan ng Panginoon, alalaumbaga’y, sa Diyos na nagkatawang-tao at isinilang ni Maria, “… ang mga bato na ang sisigaw” (Lc 19:38-40) upang magpuri sa Panginoon.

 

Samakatuwid, ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus ay tunay na isang pag-aalaala o pagpapasalamat at pagpupuri sa kabutihang-loob ng Diyos na naghahayag na sa wakas ay natupad na ang pinakamimithing hula – ang pagdating ng Mesias (Is 9:6; Fil 2:6-11).   Na sa wakas, ang Pasko o ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus ay naging pagdiriwang ng pagtatagumpay ng Anak ng Diyos laban sa diyus-diyusan ng paganong sanlibutan.  Siya ang ilaw na nagliwanag sa karimlan at hindi magagapi ng kadiliman (Jn 4b-5;12:35).   Si Jesus ang tunay na nagbibigay liwanag sa buhay Cristiano. Siya ang tunay na Diyos at hindi ang “Araw.”

 

[1] Si Jesus ay hindi literal na dinalaw ng 3 Hari mula sa Silangan.  Ipinakikita lamang nito ang katuparan ng may kaugnayang texto sa Lumang Tipan (Aw 72:10-11; Is 60:6 [Christian Midrash]). Ang paniniwalang ito ay bunga ng pagninilay ukol sa kaluwalhatiang taglay ni Jesus bilang ang Hari ng mga Judio (Mt 2:2; Jn 19:19) at Hari ng mga Hari (Lc 19:38; Jn 1:49; Apo 19:13.16). Upang sa pagninilay ukol sa kadakilaan ng nagkatawang-taong Anak ng Diyos ay masabi natin, tulad ni  Juan, na “Kinakailangang Siya ay maging dakila, at ako nama’y mababa.” (Jn 3:30).

[2] May pagkakataon na hindi tumutugma ang alaala ng mga banal na manunulat sa mga tala ng sekular na kasaysayan. Halimbawa, hindi natitiyak ng mga iskolar ang pagiging tunay na makasaysayan ng mga tala o datos ng kapanganakan ni Jesus. Batay sa masusing pagsusuri tila nagkakaiba ng tala ang salaysay ni  Mateo sa salaysay ni  Lucas.  Para kay Mateo ang kapanganakan ni Jesus ay nangyari sa panahon ng panunungkulan ni Herodes na tinatayang hindi lalampas sa 4 B.C. (ang taon ng kamatayan ni Herodes [Mt 2:1a]). Gayong para kay  Lucas ang kapanganakan ni Jesus ay nangyari ng si Quirinio (o Cireneo) ang gobernador ng Siria (Lc 2:1-7) na ayon sa footnote ng New American Bible ay mula A.D. 6-7.  Tinitiyak ng sekular na kasaysayan na walang pandaigdigang census na naganap sa ilalim ng panunungkulan ni Augusto Caesar.  Ang census na naganap sa Judea sa ilalim ni Quirinio ay nangyari mga 10 taon muna ang nakalipas matapos mamatay si Herodes. Maging ang datos ukol sa pagdalaw ng mga pantas o pastol (Lc 2:8-20 vs. Mt 2:1-12) ay ipinapakitang nangyari bago at hindi pagkatapos ng Pagdadala kay Jesus sa Templo (Lc 2:22-24;  na ayon sa Lc 2:21, ay tinupad ni Maria pagsapit ng ika-8 araw).    Wala ng panahon pa para sa ganitong uri ng seremonya dahil matapos na umalis ang mga pantas si Jose ay tumanggap ng utos na agad itakas ang mag-ina patungo sa Egipto (Mt 2:13).

[3] Tingnan ang aklat nina John R. Aurelio, Myth Man: A Storyteller’s Jesus (New York: Crossroad, 1993), 32,   at Hans Kung, On Being A Christian  (New York: Image Books Doubleday, 1984), 355,436,442-443,452, gayundin ang  Grolier’s Encyclopedia Vol. 5.  94-95 .  (Ang metodolohiyang ito, na walang iba kundi ang pagbibigay ng bagong kahulugan o kaya ay paggawa ng bagong kuwento mula sa mga alamat pagano, ay malinaw na ginamit din ng may akda ng Genesis 1-11. Sa Diyos ang lahat ng bagay (Aw 89:11 MBB).  Kung paanong tinubos Niya ang sanlibutan

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s